Inday Trending

Lasinggera ang Nanay at Araw-araw Nanghuhuthot ng Pera sa Anak, Isang Pangyayari ang Magpapabago ng Lahat

Mataas na ang sikat ng araw nang magising si Sally. Ramdam na niya ang init na kanina pa nagpupumilit sumilip sa bintana ng kanyang maliit na kwarto.


Image courtesy of www.google.com(Photo for illustration purposes only.)

Sa kanyang pagbangon at paglakad papuntang banyo ay maka-ilang ulit niyang natapakan ang mga bote ng alak na nakakalat sa sahig, ilang upos ng sigarilyo na hindi umaabot sa basurahan, at mga basong ilang araw nang hindi nahuhugasan.

Nakaalis na ang nag-i-isa niyang anak na si Becca. Maaga itong bumabangon araw-araw para pumasok sa trabaho, magmula nang iwan sila ng kanyang asawa ay si Becca na ang nagtataguyod sa kanilang dalawa.

Sanay na si Sally na may nakahandang pagkain sa lamesa tuwing gigising sya, may limampung piso at paminsan ay isang daan na katabi ng ulam na may kasamang mensahe sa maliit na papel,


Image courtesy of www.google.com(Photo for illustration purposes only.)

“Pang meryenda mo ‘Ma, bibili na ako ng ulam mamaya bago umuwi.”

“Kulang pa ito”, sa isip niya, sa mahal ng mga bilihin ngayon ay isang bote ng alak na lamang ang mabibili niya sa perang iniiwan ng anak. Bagama’t alam niya na maliit lamang ang kinikita ng anak sa pagtatrabaho bilang factory worker ay hindi niya maisipang tulungan ito sa pang araw-araw na gastusin nilang dalawa, ngunit ni minsan hindi niya narinig na nagreklamo si Becca.

Tuluyang nawala at gumuho ang mga pangarap ni Sally para sa kanyang pamilya nang sumama na sa ibang babae ang kanyang asawa. Ang pamilya nilang dating masaya at puno ng pagmamahalan ay nauwi sa isang bangungot.


Image courtesy of www.google.com(Photo for illustration purposes only.)

Lumipas ang maghapon at nakaubos na ng isang kahong sigarilyo si Sally, hindi na muna niya inubos ang alak na nabili dahil iinumin niya ito bago matulog.

“Andito na ako Ma, may binili akong lutong ulam sa kanto, magsasaing na muna ako ng kanin”, sambit ni Becca pagkapasok pa lamang sa pintuan.

“Sige. ‘Nga pala Becca, baka pwede mo namang dagdagan yung perang iiwan mo sa akin bukas. May gusto sana akong bilhin na bagong tsinelas”

Ang sagot ni Sally sa anak, dahilan nia lamang ito upang makapamili ng kanyang mga bisyo.

“Ah sige po Ma, dadagdagan ko nalang ang pera niyo bukas”


Image courtesy of www.google.com(Photo for illustration purposes only.)

Sagot naman ni Becca na sanay na sa mga pagsisinungaling ng ina.

Kinabukasan ay hindi nga siya binigo ni Becca, tatlong daan ang iniwan nito katabi ng bagong lutong adobo na nasa lamesa. Alam ni Sally na mahal na mahal siya ng anak at hindi siya nito kayang tiisin.


Image courtesy of www.google.com(Photo for illustration purposes only.)

Pagkakain ay nagtungo na siya sa tindahang palagi niyang pinagbibilhan, dalawang pakete ng sigarilyo, isang malaking bote ng alak at ilang balot ng sitsirya ang kanyang inuwi. Muli nanamang lilipas ang kanyang maghapon sa panonood ng telebisyon kasama ang mga bisyong hindi niya mapigilan.

Nagising si Sally sa malakas na katok sa pinto, tumingin siya sa orasan at pasado alas onse na, wala pa si Becca at wala pa ring sinaing na kanin. Binuksan niya ang pinto at bumungad sa kanya ang mga barangay tanod ng kanilang lugar.

“Sally, si Becca, lumaban kasi siya eh”, sambit ng isa sa kanila.

“Anong lumaban?” sagot ni Sally na lango pa sa alak.


Image courtesy of www.google.com(Photo for illustration purposes only.)

“May nang holdup sa kanya kanina sa madilim na parte ng tulay, ayon sa saksi ayaw niya ibigay ang bag niya kaya sinaktan siya at tuluyang nag-agaw buhay sa ospital. Wala na siya, Sally.”

Hindi malaman ni Sally ang mararamdaman, halo-halong takot, kaba, poot, galit at pagsisisi ang kanyang naramdaman. Iniabot sa kanya ng dalawang tanod ang bag na pinaglaban ni Becca, tuluyan nang nanghina ang tuhod ni Sally at siya ay napaluhod sa sinapit ng nag-i-isang anak.

“Hindi dapat siya ang mawala, ako na lang dapat.”

“Nasa morge na si Becca, puntahan mo kami sa barangay pwede ka naming samahan papunta doon.” ang huling bilin ng mga tanod bago umalis.


Image courtesy of www.google.com(Photo for illustration purposes only.)

Yakap-yakap ang bag ni Becca ay patuloy ang pagiyak ni Sally, labis-labis na pagsisisi ang kanyang nararamdaman dahil hindi man lamang niya nagawang alagaan at protektahan ang anak. Buong buhay nito ay inilaan lamang niya sa pagbibigay ng sustento sa kanya.

Binuksan ni Sally ang bag ni Becca, hindi niya lubos maisip kung ano ba ang laman noon at ganun na lamang ang pagprotekta ng anak sa bag mula sa holdaper, gayong hindi din naman kalakihan ang perang dala nito araw-araw.


Image courtesy of www.google.com(Photo for illustration purposes only.)

Laking gulat niya ng makita ang isang kahon na may nakasulat na “Happy Birthday, Mama”.  sa loob nito ay nakalagay ang isang mamahaling relo na pinagipunan ni Becca para sa nalalapit niyang kaarawan. Lalong bumuhos ang luha ni Sally habang mahigpit na hawak ang huling regalong matatanggap mula sa kanyang anak.

Hanggang sa huling hininga ni Becca ay para sa kaligayahan niya lamang ang inisip nito. Mula noon ay nagpasya si Sally na itama ang landas ng kanyang buhay, alang-alang sa anak na nagbuwis ng buhay.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!

Tags: , , , , ,