Inday Trending

Pinatawag sa School ang Nanay Dahil Nasuntok ang Kanyang Anak, Natawa Siya nang Malaman Kung Sino ang Dumale Dito

“Ano na naman bang katarantaduhan ang ginawa mo, Francisco!?” Katatapos lamang ni Delia Ledesma na magluto para sa hapunan at ngayo’y tinititigan niya ang isang papel mula sa guro ng kanyang bunso. “Pinapapunta na naman ako ng adviser mo!”

“‘Di ka pa ba nasasanay, ‘Nay?” sabi naman ng panganay niyang si Felice. Kagagaling lang nito sa trabaho niya sa isang fast-food chain. “Eh parang taun-taon ka namang pinapatawag dahil sa mga ginagawa nitong si Kiko.”

Umiwas ng tingin si Kiko sa kanilang dalawa at naupo lamang sa hapag-kainan. Mayroon siyang pasa sa pisngi. Sigurado si Delia na kunektado ito sa pagpapatawag sa kanya sa school.

Image courtesy of www.google.com(Photo for illustration purposes only.)

Hindi maintindihan ni Delia kung kanino siya maaawa: kay Kiko, kay Felice na breadwinner nila, o sa sarili niya. Inilapag niya ang pinritong galunggong sa mesa, pero wala siyang ganang kumain.

Image courtesy of www.google.com(Photo for illustration purposes only.)

Natapos ang hapunan na walang umiimik maliban kay Felice, na may bago na namang chismis sa kapitbahay nilang katrabaho niya. Habang naghuhugas si Delia ng pinagkainan nilang tatlo, nagpaalam na si Felice na matutulog. Si Kiko, nawala lang na parang bula. Malamang magko-computer shop na naman. Sumikip ang dibdib ni Delia. Marami siyang nababalitaang kapahamakang nagaganap sa mga lumalabas sa gabi. Naalala na naman niya ang pasa sa pisngi ng anak. Pero hindi naman niya alam kung saan siya hahanapin. Hindi naman nagrereply kapag tinetext niya, hindi sumasagot pag tinatawagan.

Pagkatapos maghugas at maglinis, dinaan ni Delia ang pag-aalala sa pagbabasa ng paborito (at kaisa-isa) niyang libro, ang Methods to Success ni Richard Lee. Kahit luma na, natutuwa pa rin siya sa kuwento nito na mula pagkahirap ay nagkayod upang maging milyonaryo. Nagkuwento rin siya sa buhay pag-ibig niya, at relate na relate naman si Delia kasi parehas silang iniwan ng kinakasama, at iniwan sa kanila ang kanilang mga anak. Payo palagi nito na, “Be brave, and be creative.” Pakiramdam ni Delia, kinakausap siya mismo ng manunulat, lalo na kapag tinititigan niya ang litrato nito sa likod ng libro.

Maya-maya’y nakatulog din si Delia.

Nung sumunod na araw, naghanda siya. Hindi niya alam kung gaano kalala ang nagawa ni Kiko, at kahit habang naliligo at nagbibihis ay nagdarasal siya na sana, sana hindi mapatalsik si Kiko. Ito na lang nag malapit na public school sa lugar nila at hindi niya kayang itawid ang pag-aaral ng bunso kung ililipat siya sa private school, kung kaya’t masakit lagi ang loob niya kapag pinapapunta siya ng guro.

Pinadiretso siya ng guard sa Principal’s Office. Naroon na si Kiko at ang adviser nitong si Mrs. Pascual. Be brave, and be creative, bulong ni Delia sa sarili.

Image courtesy of www.google.com (Photo for illustration purposes only.)

“Mrs. Ledesma, maraming salamat po sa pagpapaunlak sa pagpunta,” sabi ni Mrs. Pascual. “Maupo muna po kayo, habang hinihintay natin ang guardian ni Joanne.”

Joanne? Saka lang napansin ni Delia ang batang babaeng nakaupo sa isa sa mga sofa ng kuwarto. Maiksi ang buhok nito, nakasalamin, at kasalukuyang may binabasa sa cellphone. Batay sa kulay ng ID lace nito, natantiya ni Delia na kamag-aral ito ni Kiko. Kinumpirma naman ito ni Mrs. Pascual.

“Pinatawag po namin kayo kasi sinuntok ni Joanne si Kiko.”

“Ano?” Napatingin si Delia sa anak niya. Ah—kaya pala ito umiiwas ng tingin. Nahihiya kasi nasuntok siya ng babae, ganoon ba? O may iba kayang dahilan? Nahuli ni Delia na palihim na tinitignan ni Kiko ang kamag-aral.
Tinanong ni Delia yung guro kung saan nagsimula ang away.

Ayon sa guro, nagsasagot ng assignment sa board si Kiko kasama ng iba pang mga kamag-aral na tinawag ng guro. Nang hindi masagutan ni Kiko (sapagkat hindi pa talaga niya gamay ang algebra), nag-offer ng tulong si Joanne na katabi lamang niya. Dahil siguro sa panic at nerbiyos, nasigawan ni Kiko si Joanne na hindi nito kailangan ng tulong. Napikon si Joanne kaya nasuntok niya.

Pinaliwanag din ng guro na pasya na ni Delia kung magsasampa siya ng complaint laban kay Joanne, at maaari itong masuspende.

Biglang bumukas ang pinto at pumasok ang isang lalaking mukhang mayaman: naka-long sleeves at tie, may dalang suitcase, makintab ang suot na sapatos. Guwapo kahit na may edad. Tinabihan ng lalaki si Joanne.

Image courtesy of www.google.com (Photo for illustration purposes only.)

Joanne. I expected better from you. Kapag nawala ka sa honor roll dahil dito, I’m giving you half of your allowance for the following month. Hindi kita sinaktan kahit kailan, bakit ka nananakit ng iba?”

“D-dad…” mukhang paiyak na si Joanne dahil sa narinig.

Agad namang nilapitan ni Delia ang lalaki dahil sa awa niya kay Joanne.
“Sir, wag niyo na po pagalitan ang bata. Wala po akong balak mag-reklamo.”

Tinitigan siya nung lalaki. “No, I would understand. Sinaktan po ni Joanne ang anak niyo, she deserves to get the consequences of her actions.”

“Pero huwag niyo naman po sana sigawan yung bata!” Napatigil si Delia, at huminga ng malalim. “Isang kundisyon na lang po ang hihingin ko sa inyo, at kay Joanne.”

Tumango ang lalaki. “Ano ‘yon?”

Nginitian ni Delia ang anak niya. Alam na niya kung paano ito tutulungan. Be brave, and be creative.

“Gusto ko po sanang hilingin na tulungan ni Joanne ang anak ko sa pag-aaral. Tutor, kumbaga, kaso nga lang wala kaming pambayad. Gusto ko sanang mas maraming matutunan ang anak ko at tumaas ang mga grado niya.”

Nanlaki ang mata ni Joanne, at namula si Kiko. Tama ang hula ni Delia. Crush nila ang isa’t isa.

Tinignan ng lalaki si Joanne. “Anak, it’s your decision.”

Nagpunas ng luha si Joanne at lumapit kay Delia. “Tinatanggap ko po.” At nagulat si Delia nang yakapin siya ng bata.

Nginitian siya nung lalaki. Ngayon lang niya napansin na parang pamilyar ang itsura nito. Nakipag-handshake siya sa lalaki. “Ako nga po pala si Delia Ledesma.”

“Ah. I’m Richard Lee.”

Lumundag ang puso ni Delia. SI RICHARD LEE!? Tinitigan niya ang lalaki. Oo, bagama’t tumanda na (ilang taon na rin ang librong iyon eh)—kausap nga niya ngayon ang paborito niyang manunulat. At nauwi sila sa kuwentuhan nang sabhin ni Delia na fan na fan siya ng mga libro nito. Sa kabilang bahagi ng kuwarto, nagkukuwentuhan na rin sina Joanne at Kiko.

Two years later

Hindi mapigilan ni Delia ang luha niya. Sa wakas, ito na yun. Makakaakyat na rin siya sa stage kasama ng anak niya.

Image courtesy of www.google.com (Photo for illustration purposes only.)

“SECOND HONORABLE MENTION: LEDESMA, FRANCISCO!”

Magkasama silang tumuntong sa stage. Kinuha ni Kiko ang diploma, nakipaghandshake sila sa lahat ng tao sa stage, at kinuhanan sila ni Felice ng litrato.

May dalawa nang estudyanteng dumaan pero hindi pa bumabalik sa kanilang mga upuan sina Delia at Kiko, kasi may hinihintay sila.

“VALEDICTORIAN: LEE, JOANNE!”

Pagkatapos ng palakpakan, kinuhanan ni Felice ng litrato sina Joanne at Kiko. Magkahawak sila ng kamay, at nagngingitian. Nilapitan ni Richard si Delia.

“Oh, kumain naman na tayo sa labas. Bilang isang buong pamilya.”

Niyakap ni Delia si Richard. “Tara.”

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.


Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!

Tags: , , , , , , ,