Inday Trending

Nakabasag ang Waitress sa Karinderya dahil Natulala Siya sa Kagwapuhan ng Customer, Ito pala ang Magpapabago sa Kanyang Buhay

Panganay sa tatlong magkakapatid si Mina, ang kanyang mga magulang ay kapwa walang pinag-aralan at magsanib pwersa man ang mga ito sa pagtatrabaho ay hindi talaga kayang isingit ang kanyang pag-aaral sa kolehiyo.

Kaya naman nag-apply siya bilang iskolar, at dahil matalino naman ang dalaga ay nakuha siya agad. Nasa ikatlong taon na siya sa kolehiyo nang mapilitan siyang tumigil dahil na-ospital ang kanyang kapatid, patung patong na gastos at nabaon ang magulang niya sa utang.

Image courtesy of www.google.com(Photo for illustration purposes only.)

Kaya heto siya ngayon, namamasukan bilang waitress at tagahugas ng pinggan sa karinderya ni Aling Tasing para makatulong kahit paano sa kanyang mga magulang sa gastusin.

“Ay, tutula-tulala! Pahingi raw ng kalamansi yung customer sa ikalawang mesa!” galit na sigaw ng ale sa kanya.

“Ay oho. S-sorry ho!” sabi niya, kulang pa kasi siya sa tulog dahil pag-uwi niya ay tumutulong pa siya sa nanay niya na magbalat ng kamote na siya namang ilalako nito kinabukasan.

“Punasan mo rin yung unang mesa, lumabas na ang customer doon. Aba eh dalian mong kumilos at tanghalian ngayon! Maraming papasok, pwede ba yang papatay patay!” bulyaw nito.

Tumalima na siya at inabutan ng kalamansi ang customer na nanghihingi, pagkatapos noon ay pinuntahan niya na ang bakanteng mesa at kasalukuyan siyang nagpupunas nang may magsalita. Napapitlag ang dalaga dahil sa malalim na boses.


Image courtesy of www.google.com(Photo for illustration purposes only.)

“Bakante naman ito diba?”

Dahan-dahan siyang napalingon, ang gwapo!

“Bakante ako,” wala sa sarili niyang sabi, natawa naman ang lalaki na sa tingin niya ay ka-edad niya lang. Nang matauhan si Mina ay ganoon na lamang ang pagkapahiya niya, hindi niya akalain na masasabi niya iyon.

Sa sobrang taranta ay dali-dali niyang pinunasan ang mesa, natabig niya pa ang mga bote ng sawsawan na nasa ibaba noon kaya bumagsak ang mga iyon sa sahig at nagkandabasag.

“Ano ba yan! Puro ka talaga kapalpakan!” sabi ni Aling Tasing na ngayon ay palapit na sa kanila. Akmang hahawakan ng ale ang kanyang braso nang pigilan ito ng gwapong binata.

“Wag po, ako na lang ang magbabayad ng damages nya,” sabi nito.

Natigilan naman ang ginang, “Nobyo mo to?”


Image courtesy of www.google.com(Photo for illustration purposes only.)

Sasagot sana siya ng ‘hindi’ nang biglang magsalita ang binata.

“Oho, ako po si Dave.” kinindatan siya nito kaya di na umimik si Mina. Ang totoo kasi ay kinikilig siya.

Mula noon ay lagi nang naroon ang binata, hindi nga siya makapaniwalang mahirap lang ito dahil sa kutis nito. Pero ang sabi nito ay iskolar lang daw ito at ang mga magulang ay kapwa mangingisda.

“Kung mayaman ako, edi sana hindi ako rito sa karinderya kumakain,” simpleng sabi nito. Medyo may point naman kaya naniwala na si Mina. Di nagtagal ay naka-graduate rin ang binata, akala ni Mina ay titigil na ito sa pagkain sa karinderya dahil syempre, may trabaho na. May sarili nang pera.

Pero patuloy pa rin ito. Hanggang sa mauwi sa pag iibigan ang kanilang pagkakaibigan.

Sa kanilang unang anibersaryo ay sinabihan siya ni Dave na susunduin siya mamaya sa karinderya, tiyak niyang kakain sila ng kakanin sa bayan pagkatapos magsimba tulad ng palagi nilang ginagawa. Alas singko na at palingon-lingon si Mina pero wala paring Dave na naglalakad. Nagulat na lamang siya nang isang magarang kotse ang tumigil sa kanyang harapan.

Lalo siyang namangha nang bumaba roon ang gwapo niyang nobyo.

“Dave?”

“Tara, magsisimba tayo,” nakangiting sabi nito. Dinala nga siya nito sa simbahan, pero pagkatapos ng misa ay hindi sila bumili ng kakanin sa bayan, sa halip ay ibang direksyon ang tinatahak nila.


Image courtesy of www.google.com(Photo for illustration purposes only.)

Lalong nagulo ang isip ng dalaga dahil sa isang malaking bahay siya dinala ng lalaki, sa pinto ay nakaabang na ang mag asawang mayaman na parehong may edad na. Ang matandang lalaki ay halos kamukhang kamukha ni Dave, pero imposible, hindi naman mukhang mangingisda ang matanda.

Pinagbuksan siya ni Dave ng pinto, litong-lito pa rin ang dalaga pero mamaya na siya magtatanong.

“Siya pala, maganda nga siya anak,” malambing na sabi ng ginang at hinalikan siya sa dalawang pisngi. Na-conscious naman si Mina, baka kasi amoy karinderya pa siya.

Masyadong mabilis ang mga pangyayari, kumain sila kasama ang dalawang matanda. Sobrang gara ng bahay at sinubukan pang kurot kurotin ni Mina ang sarili niya, baka kasi nananaginip lang siya. Nang silang dalawa na lamang ni Dave sa salas ay natatawang hinawakan ng lalaki ang kamay niya na kumukurot sa kanyang braso.

“B-Baka kasi nananaginip ako, ano ba ang nangyayari?” naguguluhang tanong niya rito.

“Una sa lahat, di ako nagsinungaling sayo. Scholar talaga ako, dahil ayaw kong umasa sa mga magulang ko. Yung, yung sasakyan, akin yun. At mangingisda talaga ang mga magulang ko, well, ibig kong sabihin may ari sila ng maraming palaisdaan,” natatawang sabi nito.

“Iba yun sa mangingisda!”

“I know, sorry. Ayoko lang naman kasi na mailang ka sa akin, kaya ako napadpad dun sa karinderya dahil iyon ang pinag-aaralan ko para sa thesis ko noong college, di ko naman akalain na may magandang dilag pala doon,” malambing na sabi ng lalaki.


Image courtesy of www.google.com(Photo for illustration purposes only.)

Tulala pa rin si Mina at di makapaniwala, nagulat nalang siya dahil may singsing na palang nakatapat sa mukha niya.

“Baka isipin mong sobrang aga pa, pero sigurado na naman ako sa sarili kong ikaw na. Sana, maniwala ka na totoo ang pag ibig ko,” sabi ng lalaki. Napangiti pa ito nang tumango siya.

Mahal niya si Dave, mayaman man ito o hindi.

Gamit ang sarili nitong pera ay pinag-aral siya ni Dave, tanggap rin ng lalaki na kailangan pang pag-aralin ni Mina ang kanyang mga kapatid at tinulungan pa nga siya nito sa gastusin.

Ngayon ay masayang nagsasalu-salo ang pamilya ng dalawa dahil natuklasan nilang nagdadalantao si Mina.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!

Tags: , , , , , , , , , ,