Inday Trending

Nangangalakal ng Tira-Tirang Manok ang Ale sa Fast Food, Pagdating ng Panahon ay Magiging May-ari Pala Siya Nito

Tapat sa mga tao di di di siya mangungupit,
Ama siya ng bayan, sa kanya ka kakapit
Karapatan ng masa ay kanyang ipaglalaban,
Yan si Pareng Bongbong, Iboto nyo si Bongbong

Paulit-ulit na dumaraan ang maliit na jeep na nagpapatugtog ng kantang Bboom bboom ng sikat na mga koreanong manganganta. Malapit na naman kasi ang botohan kaya kung anu-anong pakulo na naman ang pinaggagawa ng mga kandidato. Wala namang pakialam si Nerissa, hindi na kasi siya naniniwala sa pangako ng mga ito.

Bakit kamo? Ilang beses nang nangako ang kung sinu-sino dito sa iskwater, kesyo magpapagawa raw ng kalsada, kesyo magandang bahay, maraming trabaho, libreng pag-aaral, libreng pagkain. Pero sa una lang magagaling ang mga ito. Eto siya ngayon, isang tindera pa rin ng ‘Pagpag’, ugali na nilang mangalakal sa basurahan ng mga fast food, kadalasan ay may natitirang mga manok doon.

Image courtesy of www.google.com(Photo for illustration purposes only.)

Sinisimot nila ang mga laman, iginigisa sa toyo at mantika. Ang buto naman ay pinakukuluan para sa masarap na sabaw. Kadiri para sa iba, pero para sa mahihirap ay ulam na.

“Totoy! Kunin mo nga yung plastic kong itim,” utos niya sa ikalawang anak. Labing isang taong gulang na ito, iniabot iyon sa kanya ng bata. Tinawag niya naman ang isang kapatid nito para tulungan siyang mamili ng mga tira-tirang manok na may laman pa.

“Marita, dito mo lagay sa palanggana ang buto. Amuyin mo muna at baka panis na. Hmm! Ang mayayaman talaga o, di inuubos ang laman. Pakain-kain na lang sa Jollibee!” sabi niya, doon kasi siya nangalakal kanina.

“Galing kayong Jollibee, Nay? May nakuha ba kayong laruan?” excited na sabi ng bata, nakikita niya kasi sa TV ang patalastas ng mga laruan dito kapag nakikinood siya sa barangay.


Image courtesy of www.google.com(Photo for illustration purposes only.)

“Gaga! Laruan ka dyan, o ayan balat ng manok laruin mo.” tatawa-tawa si Nerissa. Magpapatulong sana siya sa paghahalo ng niluluto niya. Ilang minuto lang, pero wala nanaman si Totoy.

Nang makaluto siya ay galit niya itong hinanap, iniwan niya muna si Marita na nagtitinda ng mga naka-plastic nilang ‘ulam’. Piningot niya pa ang bata nang makita niya ito sa gilid ng eskwelahan, nakikibasa ng libro sa mga dating ka-eskwela.

“Kanina pa kita hinahanap na ugok ka! Kung anu-anong inuuna mo!” gigil na sabi niya.

“Aray ko po Nay!” sabi naman ng bata.

Ilang beses niya nang pinagsabihan ito na tigilan na ang kaka-ilusyon sa pag-aaral! Bakit ba hindi tumitimo sa utak nito na habangbuhay nalang silang mahirap?! Kaya kaysa madismaya ito dahil hindi natupad ang mga matayog nitong pangarap, ngayon pa lang ay iminumulat niya na ang anak na wala na silang pag-asa.

“N-nay gusto ko lang naman hong magbasa..” paliwanag ni Totoy habang kinakaladkad niya ito pauwi.


Image courtesy of www.google.com(Photo for illustration purposes only.)

“Magbasa! Magkwenta ka nalang! Kwentahin mo ang napagbilhan natin, mas matutuwa pa ako sayo!” bulyaw niya rito. Pinagtitinginan sila ng mga kapitbahay.

Nang makarating sila sa barung-barong ay pinaupo niya ito at tinignan, mata sa mata.

“Toy, ganito na tayo habangbuhay. Ako magtitinda ng pagpag, ikaw naman baka maging magbobote ka, o basurero, ganoon na lang. Wag ka nang umasa na kapag nakapag-aral ka magbabago ang lahat dahil una sa lahat hindi kita kayang pag-aralin. Yung ipangbabaon mo ipalalamon ko nalang sa mga kapatid mo. Matuto kang makuntento Toy!” sigaw niya rito.

Sumama naman ang loob ng bata at nagtatakbo ito palabas. “Totoy!” sigaw ni Nerissa pero di na siya nilingon pa nito.

Pinahanap niya sa barangay ang kanyang anak dahil di umuwi ito, pero walang nakakita sa bata. Ilang araw, linggo, buwan, taon ang lumipas ay di na nila nakita pa si Totoy.


Image courtesy of www.google.com(Photo for illustration purposes only.)

Napakalaking pagsisisi ni Nerissa, alam niyang bilang ina ay siya dapat ang nagpapalakas ng loob nito pero taliwas ang ginawa niya. Ngayon ay may edad na siya, labinlimang taon na ang nakalipas mula nang mawala si Totoy, heto pa rin siya ngayon, tindera pa rin ng pagpag.

“Aling Neri, sabi raw may bagong tayong Mcdo dyan sa Kalye Uno, malaki raw eh!” sabi ng kapitbahay niya, kapwa niya nangangalakal ng pagpag.

“Tena at mabinyagan!” masayang sabi niya, tiyak niyang malalaki ang mga manok doon dahil bagong bukas ang fast food chain. Ang saya-saya niya pa, ang laki ng plastic na dala-dala niya.

Nagpaalam lang siya sa gwardya at tila naawa naman ito sa ayos niya, “Sige ho, kaysa mabulok eh iuwi nyo na nang mapakinabangan,” sabi nito. Dali dali syang naghintay sa mga crew na ilabas ang basura sa gilid, dinampot niya ang plastic at sa bahay nalang nya bubungkalin.

Paalis na sila nang isang magarang kotse ang tumigil sa harap nila.


Image courtesy of www.google.com(Photo for illustration purposes only.)

“Naku po, yan ang may-ari, Nanay,” kinakabahang sabi ng guard.

“Wag kang mag-alala to, di kita isasabit.” sabi naman ng matanda, kinakabahan rin dahil baka pagalitan siya ng may ari.

Medyo natagalan pa bago bumaba sa kotse ang nakasakay kaya lalong kinabahan si Nerissa, baka ipadampot pa siya sa pulis at mapagkamalang taong grasa.

Maya-maya pa ay bumukas ang pinto noon, bumaba ang isang lalaki na sobrang gara ng suot. Nakatitig palang siya sa damit nito nang tumakbo ito palapit sa kanya at niyakap sya.

“Teka lang ho!” sabi ni Nerissa.

“Nanay!”

Maski na ilang taon na ang lumipas, hinding-hindi niya malilimutan ang boses na iyon. Mabilis siyang kumawala sa pagkakayakap nito at tinitigan ang mukha nito.

“T-totoy?” di makapaniwalang sabi nya.

Masayang tumango ang lalaki, si Nerissa naman ay agad bumitaw. “Diyos ko! Ang dumi-dumi ko ‘nak. Wag mo ‘kong hawakan!” nangangali-ngali pa siyang dumikit sa mamahaling polo nito.

“Patawad kung di ako nagpakita agad nanay,” sabi nito, niyakap pa rin siya sa kabila ng pagtutol niya.

Lingid sa kaalaman niya ay ilang beses siyang sinisilip ni Totoy, nahihiya lang itong magpakita sa kanya nang wala pang napapatunayan. Namasukan itong boy, tindero, panadero sa kung saan-saan makapag-aral lang. Nangako ito sa sarili na babalikan siya at patutunayan sa kanya na may pagkakataon pa para magbago ang buhay nila.

Nang makatapos ito ng kolehiyo sa tulong na rin ng kabi-kabilang scholarship ay pinagbutihan nito ang pagtatrabaho, sinwerte sa mga nakasalumuhang mga tao na tinulungan siyang kumita ng malaking halaga. At nang makaipon ay nakabili na ng isang franchise ng fast food chain.


Image courtesy of www.google.com(Photo for illustration purposes only.)

“Nanay, hindi ka na mangongolekta ng tira-tira sa fast food. Dahil bata palang ako, pinangarap ko nang gawin kang may-ari mismo ng fast food,” sabi nito. Ipinangalan pala nito kay Nerissa ang bagong bukas na restaurant hindi kalayuan sa Mcdo na pagmamay-ari din nito, ibig sabihin ay sya ang may ari nito.

Nakangiti naman sa kanila ang guard, ang buhay nga naman.

Nang araw ding iyon ay ipinag-shopping ni Totoy ang nanay niya, kinuha nya rin ang mga kapatid sa squatter at inilipat sa mas malaking tahanan. Kinagabihan ay doon sila naghapunan sa fast food chain na pag-aari ni Nerissa.

Sobrang saya ng ale, dahil buong buhay niya ay ngayon lang siya nakatikim ng buong manok.

Akala niya kasi ay habangbuhay nalang siyang maninimot ng tira tira. Pero dahil kay totoy niya, si totoy na pinagdudahan niya noon, ay nabago ang kanyang buhay.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!

Tags: , , , , , , , , , ,