Inday Trending

Inday Trending

Sobrang Arte ng Babae na Takot sa Madumi, Kaya Naman Di Niya Akalaing Mai-Inlove Siya sa Basurero

Sobrang Arte ng Babae na Takot sa Madumi, Kaya Naman Di Niya Akalaing Mai-Inlove Siya sa Basurero
LoveStories

“Diyos ko, ate! Napakarumi nitong kuwarto ninyo. Makaipon lamang ako, talagang bubukod na ako.” Wika ni Issa sa di magkandaugaga niyang kapatid na si Nerie. Palibhasa’y kambal ang anak nito kaya’t doble rin ang gulo. Lalo pa’t sa edad ng mga itong 2 taon ay talagang nasa kasagsagan ng kakulitan kambal na sila Miko at Mika.

“Issa, maiintindihan mo rin ako kapag nagkaroon ka ng sarili mong pamilya. Mawawala lahat ng kaartehan mo sa katawan. Kaya lang, sa ibang klaseng arte mong iyan eh baka tumanda kang dalaga.” Nangiinis na kantiyaw ni Nerie sa bunsong kapatid.

Dahil tila nanlalaki ang ulo ni Issa ay nagkusa na itong ligpitin ang kalat sa kuwarto ng kapatid at asawa nitong si Mike. Nang umalis ang kapatid para pabakunahan ang mga pamangkin sa center ay sinamantala niya ang pagkakataon. Tapon dito, tapon doon. Napakaraming nagkalat na diaper at tissue sa silid ng mag-asawa. Nakakasulasok ang amoy ng tae ng kambal sa kuwartong iyon.

Natuwa naman si Mike nang umuwing malinis ang kanilang kuwarto. Sinalubong pa nito ang asawang kakapasok lamang sa kanilang gate.

“Hon, may nangyari bang himala? Saan mo pinahiram ang kambal natin? Paano ka nakapaglinis ng kuwarto?”

“Ha?! Patay!!!” Gulantang na wika ni Nerie sabay dali-daling ipinasa kay Mike ang kambal na anak. Dati-rati’y ayaw na ayaw nitong ipakakarga ang kambal hangga’t hindi pa nakakaligo ang asawa dahil nga naman baka kung anong mikrobyo ang nakuha nito sa pagsakay ng MRT.

Walang ideya ang lahat kung bakit nagpapanik ito at tila may hinahanap sa basurahan. Iyak na ito ng iyak kaya’t hindi na nakatiis si Issa. “Ate, may nagawa ba kong masama? May mali ba kong ayos sa kuwarto niyo?”

“Pakialamera ka kasi!!! Yong wedding ring naming mag-asawa! Pinalinis ko iyon sa mag-aalahas at nang ibalik niya sa akin ay nakabalot iyon sa tissue!” Galit na galit na saad ni Nerie.

Takot na takot si Issa sa nakitang akto ng panganay na kapatid. Ngayon lamang niya ito nakitang magalit. Palibhasa’y ikatlong henerasyon na ang narating ng antigong singsing na iyon na minana pa ni Mike sa kaniyang lolo’t lola at sumakabilang buhay nang mga magulang.

Napaiyak na rin si Mike nang mapagtantong ang wedding ring nila ang nawawala.

“Naku, anak. Kinuha na ng basurero ang mga basura kaninang hapon. Imposible nang mahabol pa natin iyon.” Niyakap na lamang ni Aling Emie ang kaniyang panganay na anak.

Hindi malaman ni Issa ang gagawin kaya’t agad itong lumabas ng bahay upang tuntonin ang basurerong humakot ng kanilang basura.

Sa di kalayuan, nakita niya ang isang lalakeng halos maligo na sa alkohol. Tangay nito ang itim na plastic bag na pamilyar sa kaniya. Ito na yata ang kasagutan sa posibleng habangbuhay na pagkamuhi sa kaniya ng kaniyang ate.

“Kuya, excuse me. Ikaw ba ang naghakot ng basura namin diyan sa may kanto?” Saad ng dalaga na tila nilalayo pa ang mukha sa magkahalong sangsang ng amoy ng basurang dala ng lalake at matapang na alkohol na halos ipaligo na nito.

“Yes, miss. Ako nga. How can I help you?” Wow! Basurerong Englishero, may sayad yata ito. Wika ni Issa sa sarili.

Nang matunghayan ni Issa ang kabuuan ng mukha ng basurero’y natigilan siya.

“Napakaguwapo namang basurero nito, ang laki pa ng katawan. At bakit ang ganda’t puti pa ng mga ngipin nito? Isa pa’y ang kinis ng balat.. Hindi sa hinahamak ko ang mga basurero pero parang may mali sa lalakeng ito.” Nakanganga pang kinakausap ang sarili ng nagdududang dalaga.

“Miss, ano? Kanina pa kita kinakausap. Sige, bungkalin mo na. Para makita mo na’ng hinahanap mo.” Paghahamon ng lalake na tila nang-aasar pa. Ganti niya ito sapagkat tila pinandidirihan siya ng dalaga.

Naduduwal na sa amoy ng basura ang dalaga, sa halip na tulungan ay natatawa pa ang basurero. Lalo na nang sa tuwing bubuksan nito ang mga nakabilot na tisyu’y may laman iyong pasabog na sorpresa, mga dumi ng bata!

Nawawalan na ng pag-asa si Issa. Napasalampak na lamang ito sa maruming semento at pumapatak na ang luha nito. Tila natauhan naman ang basurero sa nakita.

“Miss, huwag kang umupo diyan at napakarumi riyan. Ang ikli pa ng shorts mo. Tumayo ka na nga’t ako nang hahanap. Ganito kasi yan. kapain mo muna, kapag may matigas sa loob, saka mo lang buksan. Ganito o, gaya nito may matigas sa loob. Pagbuklat niya ng tisyu ay matigas na dumi ng bata ang bumungad sa kaniya.” Hagalpak sa kakatawa ang basurero.

Ang lumuluhang si Issa ay napatawa na rin.

Tila ginanahan itong maghanap muli. Pagbukas niya ng isang nakabilot na tisyu ay naroon nga ang engagement at wedding ring ng kaniyang ate!

Sa sobrang tuwa ay nayakap niya ng di sinasadya ang basurero. “Oh, Miss. Huminahon ka! Single ako pero hindi ko alam sa ‘yo! Baka magselos boyfriend mo!”

Napahiya naman si Issa sa nagawang pagyakap dito ngunit tila may mali talaga sa basurerong ito. Naamoy pa niya ang hininga nito at napakabango noon. Tila amoy mouthwash.

Sinaway niya ang sarili’t bumalik na sa bahay. Ni hindi siya nagpasalamat sa basurero at dali-daling tinalikuran lamang ito.

“Pasensiya ka na, kapatid. Napakahalaga kasi talaga sa Kuya Mike mo nitong mga singsing namin. Hindi ka naman talaga pakialamera, medyo lang.” Pagbibiro ng humihikbing kapatid ni Issa.

Nang makitang maayos na ang pakiramdam ng kapatid ay namahinga na sa kaniyang silid si Issa. Hindi niya maipaliwanag ang nararamdaman. Sa arte at selan niyang iyon, tila ayaw niyang maligo dahil lamang ayaw niyang maalis ang amoy ng guwapong basurero sa kaniyang katawan.

Ilang araw inabangan ni Issa ang basurerong maghahakot ng kanilang plastic bag ngunit walang dumarating na binatang inaasam-asam niyang humakot sa basura nila.

Sa lungkot ng dalaga’y naglakad-lakad ito isang hapon. Sakto at ito rin ang oras na nakita niya ang guwapong basurerong iyon sa may kanto.

“Ang ganda mo naman, Miss. Pero bakit ka nakasimangot? Miss mo ‘ko ano?” Tila pamilyar ang boses na iyon.

“Hi!” Tila nananabik na tugon ni Issa. “Ayoko na sanang palagpasin ang pagkakataong ito. “Sabi nga ng kapatid ko, baka tumanda na akong dalaga.” Tatawa-tawa pa ito. “Hindi ka na mawala sa isip ko. Simula ng nagkita tayo’y wala nang laman ang isip ko kung hindi ikaw. Alam ng lahat na napaka-arte ko. Ewan ko ba, may sakit yata ako sa utak. Pero gusto ko lang malaman mong gusto kita! Araw-araw kitang hinihintay sa bahay namin para maghakot ng basura pero hindi ka dumarating.” Namumungay ang mga matang sambit ng dalaga.

Hagalpak naman sa kakatawa ang binata.

“Wait, wait, wait! Kahit alam mong basurero ako, nagtatapat ka ng pag-ibig sa akin?” Namumula ang mga pisngi nito sa kilig.

“Oo! Wala akong pakialam kahit ni hindi ko alam ang pangalan mo. O kung saan ka nakatira. Sabi mo naman ay binata ka, hindi ba?” Nagtatakang sambit ng dalaga.

“Oo naman! Wala akong asawa, wala rin akong girlfriend! Pero teka lang, akala ko kasi’y pinagtritripan mo lang ako nang mapagkamalan mo akong basurero.”

Nanlaki ang mga mata ni Issa sa narinig.

“Sh*t! Mukha ba talaga akong basurero?” Inamoy-amoy pa ng binata ang kili-kili niya.

Nagtawanan na ang dalawa. Doon lamang napansin ni Issa ang isang magarang sasakyan na nakaparada sa may di kalayuan.

“Wait nga, kain muna tayo or mag-kape tayo. Doon na tayo mag-usap. Malalaman mo kung sinasagot na kita! Pero teka, ops! Di uubra sa kin ‘yang maikli mong shorts kung magiging girlfriend kita!” Seryosong saad ng binata.

Kilig na kilig naman ang dalagang nagmamadaling bumalik sa kanilang bahay upang magpalit ng pantalon.

“Nak, kanina pa kita hinahanap! Nagtataka lang ako. Napakamakakalimutin ko na kasi talaga, Diyos mio! Ako nga pala ang naglabas ng basura noong nakaraan! Itinambak ko na lang iyon basta sa kanto e. Saan mo nahanap yung singsing ng kapatid mo? Andoon pa din ba sa kanto ang basura? Buti’t hindi pa nadadampot ng mga nangangalakal. Dasal ako ng dasal talaga kakapasalamat sa Diyos!” Saad ni Aling Emie sa bunsong anak.

“Nay! Maraming-maraming salamat ho sa pag-iiwan ng basura sa kanto! I love you so much, Nanay!!!” Sumasayaw-sayaw pa ang dalaga habang nagpapalit ng pantalon.

Naiwang takang-taka si Aling Emie.

Nang makarating ang dalawa sa coffee shop ay protektadong-protektado ng binata si Issa. Tila ayaw nitong maagaw pa ito ninoman. Tuwing may titingin ditong ibang lalake ay pinandidilatan nito. Kilig na kilig na naman si Issa.

“Well, sinasagot na kita! Wala nang bawian. Boyfriend mo na ako!” Napakalakas pa ng boses nito at tila proud na proud na maging kasintahan siya.

Kinikilig na sinaway naman ito ng dalaga. Pati ang mga staff sa kapehan ay kinilig sa ginawang iyon ng binata.

“Ako nga pala si Juan Paulo Mariano. Isa akong negosyante at hindi ako basurero. Dumaan lang ako sa kantong iyon nang gabing iyon dahil nagbisikleta kaming magkakaibigan diyan sa Montalban. Nakasuot ako ng kapote dahil maulan. Kaya rin ako nabalot ng putik. Kaya rin siguro napagkamalan mo akong basurero dahil doon pa ako naghintay sa tabi ng basura ninyo!” Sumasakit na ang tiyan ng binatang si Paulo kakatawa habang nagpapaliwanag.

Maya-maya’y hinatak nito ang dalaga papalapit sa malapad nitong dibdib at hinalikan sa ulo.

Ang asim ng ulo mo! Kunwari ka pang maselan, hindi ka pa siguro naliligo, ano? Hinampas ito ng malakas ng dalaga.

Nang akmang uulitin nito ang paghampas ay sinalubong ito ni Paulo ng mainit na halik.

Tila nasa ulap ang dalaga sa tamis ng halik ni Paulo.

Nakakakilig talaga ang mga ganitong klaseng istorya. I-share mo na rin sa amin ang love story mo!

More Stories