Inday Trending

Tirador ng Free Taste sa Mall ang Babae, Di Niya Inasahan na May Mata na Palang Nagmamanman sa Kanya

Ipinanganak si Luisa na hindi kilala ang kanyang ama, isa itong Briton at naanakan lamang ang kanyang ina. Nangako raw itong kukunin siya balang araw pero di na naman natupad iyon, ang nanay niya naman ay ma-swerteng nakahanap ng lalaking tatanggap dito at magmamahal sa kabila ng nakaraan nito.

Image courtesy of www.google.com(Photo for illustration purposes only.)

Ngayon ay may tatlo pang kapatid si Luisa, hindi man sila pareho ng ama ay mahal na mahal niya ang mga kapatid at isa syang dakilang ate para sa mga ito. Sa katunayan nga ay itinigil nya ang pag-aaral sa kolehiyo para magtrabaho at makatulong sya sa nanay nya.

“Angel Mae, sweldo ni Ate ngayon, sama ka sa akin? Mamasyal tayo sa mall,” nakangiting sabi nya sa kapatid, birthday na kasi nito kinabukasan.

“Ako rin ate!” sabi naman ni Marlon, ang kanilang bunso.

“Dalian nyo na at magbihis! Wag kayong magtuturo ha!” tatawa-tawang sabi nya, maliit lang naman kasi ang sinasahod nya sa fast food chain at hahati-hatiin nya pa iyon sa baon ng mga bata. Ayaw nya lang talaga na malungkot ang kapatid nya sa birthday nito kaya kahit paano ay ipapasyal nya.

Pagdating nila sa mall ay masayang akay-akay ni Luisa ang dalawa, malayo ang agwat ng mga edad nila. 22 years old siya habang 9 at 7 years old naman ang mga ito.


Image courtesy of www.google.com(Photo for illustration purposes only.)

Kumain muna sila sandali, alam nyang bitin ang mga kapatid nya at gutom pa ang mga ito, kaya isa lang ang naisip nyang solusyon..

Free taste.

Siya man ay tirador ng mga free taste sa mall. Bakit hindi? Libre naman ito, bukod doon ay hindi sya palaging nahahalata’t pinaghihinalaan dahil mukha syang kana. Nakakailang balik sya sa mga libreng tikim na tocino, ice cream at gatas, kahit na ano pang promo.

Akay nya ang mga bata sa grocery, kumuha sila ng cart para hindi halata.

Agad nyang inikot ang mga mata at agad nyang nahagip ang isang food stand, free taste ng ham! Pag sinuswerte ka nga naman.

“Parang pa-birthday ng tadhana sa iyo Angel Mae, tara,” sabi nya at hinawakan ang dalawang nagtatakang bata.

Lumapit na sila sa libreng tikim at medyo napasulyap pa si Luisa sa salesman na nakaupo doon. Taliwas kasi sa iba ay medyo nakasimangot ito.

“Good morning Ma’am, honey glazed ham po, 335 pesos ang whole pag dalawa ang binili nyo ay 650 nalang,” sabi nito pero parang labas sa ilong.

Nginitian nya nalang ito at kumuha na ng libre tikim, tig iisa sila ng mga kapatid nya. Sarap na sarap namang kumain ang mga bata.

“Okay naman sya, kaya lang parang mas masarap yung nasa bahay,” sabi nya at inakay na ang dalawa palayo. Wala naman talaga syang balak bumili dahil wala naman syang pera.

Nagtago lang sila sa ilan hilera ng gatas, kinalabit sya ni Marlon, “Ate, gusto ko pa,” saglit na nag isip si Luisa, saktong dumami ang tao at may ilan nang tumitikim. Inilugay niya ang naka-ponytail na buhok para di mahalata na nakatikim na sya kanina, at naglakad ulit.


Image courtesy of www.google.com(Photo for illustration purposes only.)

Siguro ay nakailang pabalik-balik pa sya dahil gusto pa ng mga kapatid nya.

Medyo napakunot naman ang noo ng salesman, si Peter. Akala siguro ng babaeng mukhang Amerikana ay hindi nya napapansin ito. Pinipigil nya ang tawa dahil tuwing babalik ito ay iba iba ang ayos ng buhok.

Ang di nito alam, ito lang ang minamasdan nya.

“Pahingi pa ng tatlong stick ng ham,” sabi nito na sinadyang makisabay sa maraming tao. Binigyan naman ito ni Peter, medyo sumagi pa ang kamay nya sa malambot na kamay nito nang iabot nya ang stick.

Nang maubos ang tao ay nagpasya syang sundan ang babae, iisang direksyon lang kasi ang pinupuntahan nito pag umaalis ito. Di bale nang mahuli sya ng manager nya na wala sa pwesto, medyo wala naman syang pake kung mawalan sya ng trabaho.

“Ate bakit ba kasi may cart tayo? Diba wala naman tayong pera?” tinig ng bata.

“Ano ka ba! Para di mahalata na free taste lang ang habol natin! Okay naba, busog ka na ba Marlon?” sabi ng kana, ah, ang tatas magtagalog. Medyo nakakatuwa.

“Gutom pa ako ate, ang sarap sarap kasi. Hindi pa ako nakakatikim ng ganyan eh,” sagot ng isa pang bata.

Tatalikod na sana ang babae pero nanlaki ang mata nito nang makita syang nakangisi sa likod ng mga ito.


Image courtesy of www.google.com(Photo for illustration purposes only.)

Tatakbo sana ang mga ito pero siniguro ni Peter na ayos lang naman at di nya naman ito isusumbong, kaya napangiti na rin ang babae.

Naging magkaibigan sila.

Ang swerte ni Luisa sa bagong kaibigan nyang si Peter, malapit ito sa mga kapatid nya at sinabi pang may kilala raw itong naghahanap ng staff sa isang pabrika. Doble pa sa sinasahod nya ang sinabi nitong sweldo kaya tuwang tuwa ang dalaga.

Di nagtagal ay nahulog ang loob nila sa isa’t isa, isang gabi na dinalaw ni Peter si Luisa ay nagulat ang babae dahil ang dating pobreng lalaki na naglalakad lang papunta sa bahay nila ay ibinaba ng isang magarang kotse ngayon.

“Ayos ah, kaninong kotse?” nakangiting sabi nya. Ngiti lang din naman ang isinagot ng lalaki, mas pogi ito ngayon dahil naka-porma.

“Hahatid na kita sa trabaho mo,” sabi nito. Medyo natuwa naman si Luisa dahil kahit kailan ay di pa sya nasamahan nito sa pabrika, kahit ito pa ang nagpasok sa kanya roon.

Ang gara talaga ng kotse, never pa syang nakasakay sa ganito. Ni hindi nga sya marunong magbukas ng pinto.

Pagdating sa pabrika ay ganoon na lang ang pagkagulat ni Luisa dahil halos lahat ay nakatingin sa kanila, “Sige na ayos na ako dito,” sabi nya sa lalaki pero dire-diretso pa rin itong pumasok sa loob habang hawak ang kamay nya.

“Luisa! Sir Peter!” sabi ng kanyang manager.

“S-sir?” takang tingin nya sa lalaki, nginitian lang sya nito.

“Ano ka ba Luisa! Sya ang anak ng may ari nitong pinagtatrabahuan natin!”

Hindi pa nakakabawi sa pagkagulat si Luisa nang magsalita si Peter, “Sorry hindi ko agad sinabi sayo. Ayoko lang mailang ka sa akin. Pero ngayon, tingin ko dapat ay magtapat nako sayo dahil gusto kong magsimula na walang kasinungalingan. Mahal kita Luisa..”

Hindi man makasagot ang babae ay ang laki naman ng ngiti nya, hindi dahil mayaman pala ang lalaking iniibig niya, kundi dahil narinig nyang mahal siya nito.

Mayaman talaga si Peter, bulakbol lang ito at babaero, kaya pinutol ng mga magulang ang suportang pinansyal dito para matuto ito sa buhay. Kaibigan ng daddy ng lalaki ang isa sa mga executive sa mall kaya naipasok ito bilang salesman. Kaya rin ganoon na lamang ang pagsimangot ng lalaki nang una silang magkita dahil di ito sanay na hindi ito ang amo.

Pero mula nang magkakilala sila ni Luisa, ang laki ng pinagbago ng lalaki. Naging responsable ito at naintindihan ang hirap ng buhay.

Ilang taon ring naging mag nobyo ang dalawa, pinag aral ni Peter si Luisa. Hindi naman kinalimutan ng dalaga ang kanyang mga kapatid at pinag aral rin ang mga ito.


Image courtesy of www.google.com(Photo for illustration purposes only.)

Ngayon ay masaya na silang namumuhay kasama ng dalawa nilang anak.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!

Tags: , , , , , ,