Avatar - Inday Trending

Inday Trending

Langitngit sa Madaling Araw - Inday Trending

Langitngit sa Madaling Araw

Kakalipat pa lang ni Trixia sa bagong apartment. Kailangan na kasi niyang mag-solo dahil ikinasal na ang ate niya. Nahihiya naman siya makisulok sa bahay ng mag-asawa kaya napagdesisyunan niyang mangupahan na lamang. May trabaho naman siya kaya kayang-kaya niyang magsarili. Medyo maliit nga lang ang nakuha niyang mauupahan ngunit malaki ang matitipid niya dahil mababa lang ang renta, bayad sa tubig at kuryente. Malugod siyang inasikaso ng may-ari ng apartment na si Aling Rosing.

“O, hija. Nagustuhan mo ba dito? Murang-mura na ito ha, hindi ka na mahihirapan,” wika ng matandang babae.

“Okay na po ako dito, Manang. Mag-isa lang naman po akong titira. Ang mahalaga lang naman po ay may kuryente at tubig,” aniya.

“Naku, wala kang dapat ipag-alala at palaging may kuryente at tubig dito. Bihirang mawalan ng kuryente at tubig sa lugar namin kaya hinding-hindi ka mapeperhuwisyo.”

Alas diyes ng gabi ay nakaramdam ng gutom si Trixia kaya naisipan niyang bumangon sa kama para bumili ng makakain sa labas. Paglabas niya sa inuupahang kuwarto ay nakaramdam siya ng kaunting takot dahil madilim ang daraanan niyang pasilyo patungong hagdan.

Ang kanyang kuwarto ay pangalawa sa dulo sa ikaapat na palapag ng apartment. Apat na kuwarto ang naroon, ang ikalawang kuwarto ay inuupahan ng mga estudyante ngunit wala ang mga ito ng gabing iyon. Umuuwi kasi ang tatlong babaeng estudyante na umuupa doon tuwing Biyernes ng gabi at ang balik na ng mga ito ay Linggo ng hapon. Ang ikatlong kuwarto naman ay inuupahan ng dalawang magkapatid na pulis ngunit wala rin ang mga ito dahil parehong nakadestino tuwing gabi at sa umaga ang uwi. Ang ikaapat na kuwarto sa palapag na iyon ay bakanteng kuwarto na wala pang umuupa mula ng umalis ang huling tumira doon limang buwan na ang nakararaan.

Habang pababa siya ng hagdan ay binuksan niya ang ilaw sa kanyang cell phone para bigyan ng liwanag ang madilim niyang bababaan. Ang ilaw sa pasilyo ay nakabukas lang hanggang alas nuwebe ng gabi. Nakalabas naman ng maayos si Trixia at nakabili ng pagkain. Pagbalik niya sa kanyang kuwarto ay agad niyang kinain ang binili niyang cup noodles at tinapay. Mayamaya ay nakaramdam na siya ng antok at nakatulog.

Alas tres ng madaling araw ay bigla siyang naalimpungatan dahil sa naririnig niyang langitngit sa kabilang kuwarto.

“Anak ng tokwa! Ang sarap ng tulog ko tapos may biglang lumalangitngit,” inis niyang sabi habang pupungas-pungas pa.

Lumapit siya sa dingdig at pinakinggan ang ingay sa kabilang kuwarto. Katabi lang kasi ng kuwarto niya ang kuwarto na walang umuupa.

“Diyos ko! Palakas nang palakas ang langitnagit, di ba wala namang ibang tao doon?” bulong niya sa sarili habang nakaramdam na ng takot.

Agad siyang bumalik sa kanyang higaan at nagtalukbong ng kumot. Tinakpan niya ang kanyang tainga para hindi marinig ang malakas na langitngit.

Kinaumagahan ay kinausap niya si Aling Rosing tungkol sa narinig niya nang nagdaang gabi.

“Ano, langitngit? May lumalangitngit sa bakanteng kuwarto?” nagtatakang tanong ng matanda.

“Opo, Manang. Pinakinggan ko po talaga, habang tumatagal ay lumalakas ang langitngit. Natakot po ako kasi di po ba wala namang umuukupa sa kuwarto na iyon? So, sino o ano ang gumagawa ng ingay doon?” tanong niya.

Pinuntahan nila ang kuwarto at nang buksan nila ay wala naman silang nakitang kakatwa o nagulong gamit. Naroon pa rin ang isang maliit na mesa, dalawang upuan at isang papag.

“O, wala namang nagalaw dito at walang makakapasok dito dahil ako lang ang naghahawak ng susi kaya imposibleng magkaroon ng tao dito. Baka naman daga lang ang narinig mo?” sabi ng matanda.

“Hindi po ako maaaring magkamali sa narinig ko. Lumalangitngit talaga at mismong sa dingding pa malapit sa higaan ko.”

Eksaktong alas tres ng madaling ay muli niyang narinig ang paglangitngit sa kabilang kuwarto.

“Nakupo, ayan na naman siya!” kinakabahan niyang sabi sa sarili.

Muli niyang idinikit ang tainga sa dingding at dinig na dinig niya ang malakas na paglangingit. Kahit kinakabahan ay maingat na lumabas ng kuwarto si Trixia at pinuntahan si Aling Rosing.

“Manang,Manang tao po!” sigaw niya sa labas ng kuwarto ng matanda sa unang palapag.

“Ano ka ba naman, hija. Bakit mo ako ginising ng ganito kaaga?” sabi nito habang naghihikab.

“Manag, sumama po kayo sa akin sa itaas. Naririnig ko na naman po ang langitngit sa bakanteng kuwarto,” takot na wika ng dalaga.

Nagdala si Aling Rosing ng flashlight at magkasama nilang pinuntahan ni Trixia ang pinagmumulan ng ingay. Nang nasa tapat na sila ng kuwarto ay nagulat si Aling Rosing dahil dinig na dinig rin niya ang malakas na langitngit sa loob ng kuwarto na sa tingin niya ay nagmumula sa papag na naroon.

“Diyos ko! Oo nga at ang lakas ng paglangitngit! Ano kaya ang nasa loob?” kinakabahang wika ng matanda sabay dampot sa walis tambo na nasa gilid ng pinto.

“Manang, natatakot po ako!” ani Trixia habang mahigpit na nakakapit sa braso ni Aling Rosing.

“Huwag kang matakot, hija. Hindi tayo pababayaan ng Maykapal,” anito habang hawak-hawak ang maliit na krus sa kanyang kuwintas.

Bubuksan sana ni Aling Rosin gang pinto ng kuwarto gamit ang susi nang mapansin niyang nakabukas iyon.

“Hala, bakit nakabukas ito? Palaging nakakandado ito, a?” gulat nitong sabi. “Teka, may nararamdaman akong kumikilos sa loob, humanda ka, hija. Pagbilang ko ng tatlo ay sabay nating papasukin ang kuwarto,” anito.

“S-sige po,” tanging naisagot ni Trixia habang nangangatog ang tuhod sa takot.

“Isa, dalawa, tatlo!”

Bigla nilang itinulak ang pinto at tinutukan ng hawak na flashlight ang loob niyon. Laking gulat nila nang may sumigaw na babae.

“Eeehhh! Sino kayo, huwag po!” tili ng babae.

Tumambad sa kanila ang isang babae at lalaking may ginagawang milagro sa papag.

“D-delia? Ikaw ba iyan? Aba’t ano ang ginagawa mo rito sa dis oras ng madaling araw at sino ang lalaking iyan?”

“Si Delia ang kasambahay ni Aling Rosing na nahuli ng dalawang babae na may kaniig sa loob ng bakanteng kuwarto.

“Sorry po, Manang! Siya po si Gordon ang aking nobyo. Siya po yung sekyu na nangungupahan sa ikalawang palapag. Dito po sa bakanteng kuwarto namin naisipang mag-kuwan para makatipid. Talagang tinaon namin tuwing madaling araw dahil madaling araw rin umuuwi galing sa trabaho si Gordon. Pasensya na po at ginamit ko ang duplicate ng susi niyo rito sa kuwarto,” bunyag ng kasambahay habang nakabalot ng kumot ang buong katawan.

“Patawad po mga Ma’am sa ginawa namin, hindi na po mauulit,” hayag naman ng lalaki.

Imbes na magalit ay natawa na lang sina Trixia at Aling Rosing sa kanilang natuklasan. Ang inakala nilang katatakutang ingay na nangyayari sa loob ng bakanteng kuwarto ay langitngit lang pala ng papag sa tuwing nagla-love making ang magkasintahang mahilig.

Nang sumunod na gabi ay mahimbing na ang tulog ni Trixia dahil wala na siyang naririnig na langitngit sa kabilang kuwarto. Sa sobrang kahihiyan ay hindi na kailanman pumasok sa bakanteng kuwarto sina Delia at Gordon. Pumapasok na lang ang dalawa sa mumurahing motel kapag inaatake ng kati sa katawan.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!


Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!


More Stories

Disclaimer: Ang mga kwento ni Inday Trending ay kathang-isip lamang. Ang mga nabanggit na pangalan, karakter, negosyo, lugar, pangyayari at mga insidente ay maaaring produkto lamang ng imahinasyon ng may-akda. Anumang pagkakapareho sa sinumang nabubuhay o pumanaw na personalidad at aktwal na pangyayari ay nagkataon lamang.

Photos: Ang mga larawang ginamit ay mga stock photos o mga propesyunal na mga larawang binili ng may akda para sa komersyal na layunin. Ang mga ito'y ginamit upang makapagbigay ng mas malinaw na representasyon ng mga karakter at mga pangyayari sa kwento.