Inggit ang Kanilang mga Kaibigan Dahil sa Napakagandang Relasyon ng Mag-asawa, Ngunit Iba Pala Sila Kapag Wala nang Nakatingin

“Idol ko talaga tong dalawang ‘to eh,” sambit ng isa nilang matagal ng kaibigan.

“Kayo palang ata ang mag-asawa sa tropa natin na tumagal ng lagpas pitong taon!” biro pa ng isa sa kanilang kaibigan.

“Sus, easy. Yun lang eh, seven years lang ba?” nakangiting sabi ni Remy sa kanilang mga kaibigan at sabay akbay niya sa kanyang misis na si Steph at hinalikan niya ito sa noo.

Napangiti na lamang din si Steph sa sinabi ng asawa. Matapos ay yumuko ito sa hiya sa panunukso ng kanilang mga kaibigan.

“Sana palagi na lang siyang ganito… Sana totoo lahat ng ito…” bulong niya sa sarili. Pinipilit niyang ngumiti ngunit kung tititigan mo ang kanyang mga mata ay mapapansin mong pinipigilan na lamang niyang lumuha.

“Sige p’re! Ingat kayo ha? Sa susunod ulit!” paalam ni Remy sa kanilang mga kaibigan at ihinatid na ang kanyang asawa sa kanyang upuan sa sasakyan.

Pagkasakay na pagkasakay ng mister sa kanyang sasakyan ay agad niyang binulyawan ang misis, “Hoy! Bakit hindi ka man lang sumagot nung nagkakaasaran na?! Ha?! Ipapahiya mo ba ako?!”

“Ha? Naku hindi ko naman gagawin yun. Nakita naman nila ako na nakangiti talaga ako,” ani Steph.

Advertisement

“Tingin mo sapat na yun?! Ha?! Sa susunod umayos ka kung hindi ay hindi na lang kita isasama!” dagdag pa niya sa kanyang pagalit.

“Sorry. Pasensya ka na,” ani Steph at sabay na yumuko para hindi makita ng kanyang mister ang mga luhang nangingilid sa kanyang mga mata.

Ayaw na ayaw na nakikita ni Remy na umiiyak si Steph dahil masasampal lamang siya nito.

Sa pitong taong pagiging kasal ng mag-asawa ay nagkaroon sila ng dalawang magandang anak. Ngunit sa pitong taon rin na iyon nalaman ni Steph na may ibang babae pala si Remy.

Mas bata, mas sexy, mas maganda, mas mabango, mas maayos ang babae ni Remy kaysa sa kanya.

Alam ni Steph na matagal nang may ibang babae ang kanyang mister. Ngunit para sa kanya, hindi niya magawang iwanan si Remy dahil naaawa siya sa kanyang mga anak. Napakasakit para sa kanya ang lumaki ang kanyang dalawang anak na magkahiwalay ang kanilang mga magulang.

Kaya naman kahit siya ay labis nang nahihirapan, kahit kailan ay hindi niya naisipang bumitaw sa asawa.

At dahil alam ni Remy na hindi siya magagawang iwan ni Steph, harap-harapan pa siyang mambababae.

Advertisement

Tuwing sila’y magkatabi sa kama ay kausap o ka-text pa ni Remy sa telepono ang kanyang kabit. Samantalang si Steph, iiiyak na lamang ang lahat ng sakit.

Isang araw matapos magluto ng hapunan si Steph…

“Remy kumain ka na,” nakangiting pag-aya niya.

“Lalabas ako. Magkikita kami ng mga tropa,” iritableng sagot ni Remy.

Alam ni Steph na pupunta lamang ulit sa babae niya si Remy at tropa lang ang dinadahilan.

“Sige na, kumain ka na muna bago ka umalis…” pagpilit ng misis.

“Ano ba?! Bakit ba ang kulit mo?! Kung gusto mong kumain, kainin mo lahat yan! Hindi naman masarap ang luto mo! Alam mo, ‘wag ka na rin umasang babalik pa ako dito sa bahay na ‘to!” at sabay sarado niya ng malakas sa kanilang pinto na halos masira na ito.

Pinilit makipag-usap ni Steph sa kanyang asawa, ngunit kahit anong tawag ang gawin niya ay pinapatayan lamang siya ng telepono nito.

Advertisement

“Please Remy, sana naman mag-usap tayo…”

“Hinahanap ka ng mga anak mo..”

“Sana umuwi ka na..”

“Mahal ka namin… Sana umuwi ka na sa amin…”

Tuwing hahanapin naman ng kanilang mga anak ang kanilang tatay, sasabihin lamang ni Steph na nasa isang business trip ang kanilang ama.

Kahit siya’y hirap na hirap na ay nagpakatatag pa rin si Steph para sa dalawa niyang anak at nanatiling umaasa na umuwi na ang kanyang asawa.

Ilang linggo rin ang nakalipas at nalaman ni Steph na kinuha ni Remy ang lahat ng pera sa kanilang joint savings account.

Habang si Steph ay hirap na hirap sa pagtatrabaho at pagiging nanay sa kanilang mga anak, si Remy naman ay nanirahan sa isang condo, nagpakalulong sa bisyo, nagpakabuhay binata at gabi-gabing naging laman ng mga bar at clubs.

Advertisement

Hindi rin naging sapat kay Remy ang isang babae. Sa katunayan, madalas iba-iba ang inuuwi niyang mga babae dahil mabilis itong magsawa.

Sa maraming buwan na siya’y wala sa kanyang pamilya ay nanatiling ganito ang buhay niya.

Ngunit isang araw, hindi niya inaasahan na naubos na pala ang perang kinuha niya sa joint savings account nila ni Steph.

Nagdesisyon siyang umuwi na muna sa bahay nila ni Steph dahil hindi niya na rin kakayanin ang renta sa condo na inuupahan niya.

Laking gulat niya ng makita ang isang babaeng nakatalikod sa kusina. Mahaba ang buhok niya, balingkinitan ang katawan, maganda, nakangiti.

Halos hindi nakilala ni Remy ang kanyang asawa dahil sa laki ng pinagbago niya.

“Steph?” katok ni Remy sa kanilang pintuan.

“Remy? Remy! Salamat sa Diyos umuwi ka na!” umiiyak na sabi ng misis habang nakayakap sa kanyang mister.

Advertisement

“Anong nangyari? Ba-bakit ganyan ang itsura mo ngayon?” nagtatakang tanong ni Remy habang titig na titig sa kanyang asawa.

“Baka kasi pag binalik ko ang dating itsura ko noong bago pa lamang tayo, bumalik rin sa’yo ang pagmamahal na meron ka sa akin noong mga panahon na iyon,” humihikbing sabi ni Steph.

Sobra-sobrang kirot sa puso ang naramdaman ni Remy at halos wala siyang masabi sa sinambit ng kanyang misis. Naiyak na lamang ito sa sobrang pagsisisi dahil sa pagtrato niya sa kanyang asawa.

Humingi ng kapatawaran si Remy kay Steph sa lahat ng maling nagawa niya noon. Nangako rin naman si Remy na siya’y magiging mabuting asawa sa kanyang misis at babaguhin ang kanyang mga kamalian. Umaasa siya na sana hindi pa huli ang lahat sa kanila. Nagpapasalamat rin si Remy sa kanyang butihing asawa dahil sa patuloy niyang pagkapit sa kanilang relasyon.

Simula nang tanggapin siyang muli ng kanyang asawa, kailanma’y hindi na naglokong muli si Remy. Buong puso niyang ipinangako na hindi na niya kailanman sasaktan ang asawa at mamahalin ito ng buong puso at kaluluwa.