Sa Kabila ng Paghihirap ng Isang Pamilya na Sagipin ang mga Nasalanta ng Lindol, Nagawa Pang Nakawin sa Kanila ang Papuri ng Kanilang Kabayanihan

Niyanig ng isang malakas na lindol ang buong siyudad. Maraming gusali ang nagsibagsakan. Ilang tulay ang nahati sa dalawa. Nagkabitak-bitak ang kalsada. Maraming malalaking punong nagsipagbagsakan ang nakaharang sa mga daan. Nagkaroon din ng sunog sa ilang kabahayan. Malakas ang tunog ng mga sirena ng mga pulis, ambulansya at bumbero sa buong siyudad.

Ang pamilya Sandoval ay may mabubuting puso. Ang pamilya ay binubuo ng pitong miyembro at bawat isa ay mapagkawanggawa kaya hindi na nakapagtataka na sumali ang pamilya sa isang maliit na ‘non-profit organization’ na nagreresponde sa mga nangangailangan ng tulong tuwing may sakuna.

Matapos maganap ang malakas na lindol ay naghanda agad ang padre de pamilya ng Sandoval na si Eliseo pati ang apat sa kaniyang mga anak na sina Alex, Brennan, Cristoff at ang nag-iisa niyang anak na babae na si Demi. Tutungo sila sa opisina ng organisyon para alamin kung saan kailangan ang kanilang tulong. “Fina, maiwan na muna kayo dito ni bunso. Babalitaan ka na lang namin,” sabi ni Eliseo sa kaniyang asawa bago siya umalis kasama ang kanilang mga anak

Hindi porket naiwan sa bahay si Fina ay hindi na siya gagawa ng paraan para makatulong. Matapos nilang kumain ng kaniyang pitong taong gulang na anak ay nagtulong ang dalawa para ipunin nila ang mga pinaglumaan nilang mga damit na ipamimigay nila sa mga biktima ng lindol.

Inisa-isa din nilang katukin ang kanilang mga kapitbahay para hingan ng tulong. “Kung mayroon man kayong mga pinaglumaang mga damit, mga ekstrang gamot, de lata at kung anu-ano pa na pwede niyong i-donate, maaari ninyong dalhin sa bahay namin at ipapadala namin ang mga donasyon ninyo sa organisasyon kung saan kami kabilang para mapadala sa mga biktima ng lindol.”

Ang mga lalaki ng pamilya Sandoval maliban sa bunsong anak na si Gio ay natoka sa pagsagip ng mga taong naipit sa isang gumuhong gusali samantalang ang natitirang miyembro ng pamilya, katulong ang iba pa nilang kapitbahay, ay naging abala sa pagluluto ng mga kakainin ng mga nag-volunteer sa ‘search and rescue operation‘.

“Demi, pagkadeliver mo ng mga pagkain nila ay isabay mo na ang daddy at mga kapatid mo sa pag-uwi nang makapagpahinga naman sila. Sabihin mo, bukas na lang sila bumalik sa site,” bilin ni Fina sa kaniyang anak bago ito umalis.

Isang linggo makalipas ang malakas na lindol at patuloy pa rin ang search and rescue operation. Pero hindi katulad ng mga nakaraang araw na may mga buhay pa silang naililigtas mula sa gumuhong gusali kung saan nagvo-volunteer ang mga kalalakihan ng Sandoval. Ngayon ay sunud-sunod ang mga bangkay na nare-recover nila. Unti-unti nang nawawalan ng pag-asa ang ilan sa mga volunteer na may buhay pa silang mahuhukay.

Advertisement

“Kamusta ang search and rescue?” Tanong ni Fina nang makauwi ang kaniyang mag-aama. “Wala po kaming nasagip kanina. Puro malalamig na katawan ang nakuha namin. Habang tumatagal ay lalong lumalabo na may natitira pang buhay sa site,” malungkot na saad ni Alex sa kaniyang ina.

Pagsapit ng ikatlong linggo ay hininto na ng organisasyon ang pagbubungkal sa gumuhong gusali. “Sa tingin ko ay maaari ko nang masabing wala na tayong mahuhukay na buhay kaya’t iligpit niyo na ang inyong mga gamit dahil ihihinto na natin ang search and rescue operation.

Gayunpaman ay patuloy pa rin ang operasyon natin ng pagdadala ng mga relief goods sa mga lugar na hindi pa nakakabangon. Ipaalam niyo na lang sa iba na wala dito ngayon,” pahayag ng namumuno ng rescue operation sa site sa ilang mga nagboluntaryong tumulong na nasa kaniyang harapan. Kabilang sa mga naroroon ay si Eliseo.

Sinimulan na ni Eliseo ang pagliligpit ng kanilang mga gamit ng humahangos siyang nilapitan ng mga anak niya. “Daddy, may buhay pa sa ilalim! Hindi lang isa, marami sila. Humihingi sila ng tulong. Sabihin niyo po sa iba na ituloy ang paghuhukay doon,” hinihingal na sabi ni Brennan.

Agad na pinuntahan ni Eliseo ang pinuno ng operasyon para ipaalam ang magandang balita at humingi na rin ng dagdag na makinarya at dagdag na tauhan para mailigtas agad ang mga naipit sa gumuhong gusali. Sa kasamaang palad ay hindi ito naniwala sa kaniya. “Sa tagal na panahon na naipit sila, imposibleng may mabuhay pa diyan.”

Ngunit hindi hahayaan ng pamilya Sandoval na hindi masagip ang mga taong iyon kaya kahit salat sila sa tao at makinarya ay ipinagpatuloy nila ang paghuhukay. “Pasensya na kayo kung matatagalan pa kayo diyan sa loob. Pinahinto na nila ang pagsagip. Pero huwag kayong mag-alala. Hindi kami titigil hangga’t hindi kayo nailalabas diyan,” sigaw ni Eliseo sa maliit na butas kung saan nila narinig ang mga tinig ng mga nananatiling naipit sa gumuhong gusali.

Tinawagan ng pamilya Sandoval ang kanilang mga kamag-anak at kakilala para tulungan silang maisalba ang mga nananatiling ipit sa gumuhong gusali. Ipinagpatuloy nina Eliseo, Alex, Brennan at Cristoff ang paghuhukay. Kasama nilang nagbubungkal ang kanilang mga kamag-anak at mga kaibigan. Nirarasyonan din nila ito ng mga pagkain at tubig para maibsan ang kanilang pagkagutom at uhaw. “Sapat na ba yung kinain niyo? Kung gutom pa kayo sabihin niyo lang. Marami pa kong dala dito,” sigaw ni Demi mula sa maliit na butas.

Ilang araw na ang lumipas at pagod na pagod na sila sa kanilang pagbubungkal pero hindi pa rin sila tumitigil. Nagtayo na rin sila ng mga tent sa site kung saan sila kumakain at pansamantalang nagpapahinga ng ilang oras bago nila ipagpatuloy ang pagbubungkal.

Advertisement

“Kuya, ibigay mo itong mga ginawa kong sulat sa kanila. Sana kahit papaano ay mapawi ang mga nararamdaman nilang sakit pag nabasa nila iyan at hindi sila mawalan ng pag-asa. Sinamahan ko na rin ng flashlight at radyong de baterya para kahit papaano’y malibang sila,” sambit ni Gio kay Cristoff nung napansin niyang naghahanda na itong bumalik ulit sa site.

Ang hirap at pagpupursige nila ng ilang araw ay hindi nasayang dahil nagawa nilang ilabas ang mga naipit na tao. Laking gulat nila na mga benteng katao pala ang masasagip nila. Buti na lamang ay hindi nila hininto ang operasyon. Matapos mailabas ang mga biktima ay isa-isa nila itong isinakay sa mga dala nilang sasakyan para madala sa pinakamalapit na ospital.

Masayang umuwi ang pamilya Sandoval dahil naging matagumpay ang kanilang operasyon pero labis na nainis ang mga anak ng mag-asawang Sandoval nung mapanood nila ang balita nung gabing iyon. Iba ang umani ng papuri sa kanilang pinaghirapan.

“Malakas talaga ang kutob ko na may mahuhukay pa kaming buhay sa gumuhong gusali kaya hindi ko pinatigil ang search and rescue operation. Buti na lang at pinakinggan ko ang kutob ko,” pahayag ng dating namuno ng search and rescue operation sa mga reporters.

“Hindi natin kailangang makatanggap ng anumang papuri o pabuya sa mga kawanggawa natin. Ginagawa natin ito dahil gusto natin, dahil nakakataba ng puso ang malamang nakatulong tayo sa mga nangangailangan, dahil masarap sa pakiramdam ang ibahagi sa iba ang anumang meron tayo mapa-salapi, lakas, kakayahan o oras man iyan,” pagpapaala ni Fina sa kaniyang mga anak.

Ngunit iba ang pananaw ng mga nasagip ng pamilya Sandoval kaya nung sila naman ang nakapanayam ng mga reporters ay inilahad nila ang buong katotohan na pinahinto na ang search and rescue operation. Ipinahayag nila ang mga kabayanihang ginawa ng pamilya Sandoval at ang mga kasama nito mailabas lang sila sa gumuhong gusali.

Dahil sa pagkakasiwalat ng katotohanan ay umani ng maraming papuri at parangal ang pamilya Sandoval habang inulan naman ng batikos ang dating namuno ng search and rescue operation. Naging magandang halimbawa ang pamilya sa iba kaya’t dumami ang mga nagtatag ng mga non-profit organizations at marami ding tao ang naengganyo upang boluntaryong tumulong sa mga taong nangangailangan.