Regalo: Mabuti ba o Masama?

Napabalikwas nang bangon si Jason mula sa kaniyang pagkakahimbing. Hingal na hingal ang binata. Naulit na naman ang mga bangungot na ilang araw nang laman ng kaniyang panaginip, na animo ba ayaw siyang tantanan. Mula nang ipanganak siyaʼy karaniwan na sa kaniya ang mga ganitong pangyayari, pero kahit kailan ay hindi niya pa rin iyon kinasasanayan.

Bukas daw ang kaniyang sixth sense, ayon sa isang matandang manghuhula na nilapitan niya noon. Isa raw iyong regalo, na nasa sa kaniya kung gagamitin niya sa mabuti o masama. Kailangan niya raw mag-ingat.

Nakita niya sa kaniyang panaginip ang kanilang lugar, matapos dumaan ang isang matinding sakuna. Kinitil nito ang buhay ng karamihan sa nakatira roon.. kabilang na ang kaniyang buong pamilya.

Nakita niya ang nakahandusay nilang mga katawan sa kaniyang panaginip at hindi iyon kayang balelwain lang ni Jason sa pagkakataong ito. Kung noon ay nagagawa niyang huwag isatinig ang kaniyang mga panaginip dahil sa takot na baka mahusgahan, ngayon ay hindi na. Wala na siyang pakialam sa sasabihin ng iba.

Taimtim munang nagdasal ang binata sa Maykapal. Humihingi siya ng patnubay sa makapangyarihang Panginoon, bago siya mabilis na tumayo mula sa kama at nagtungo sa ibaba ng kanilang bahay. Doon ay nag-umpisa siyang mag-empake ng gamit upang dalhin iyon sa taas. Tinakpan niya ng tape ang ilang outlet ng kuryente na mabababa, itinaas niya ang mga gamit na pwedeng mabasa. Naglagay siya ng ilang supply ng pagkain sa ilang mga bag pati na rin ng tubig at itinago niya iyon sa kaniyang kwarto.

“Jason, anak, ano ba ʼyang ginagawa mo?” nagtatakang tanong ng ina niyang si Aling Pasing dahil sa kakaibang ikinikilos ng anak.

“Mama, may paparating na bagyo mamayang gabi. Kailangan nating maghanda,” sagot naman ng binata. Natataranta.

“Bakit, Kuya? Ikaw na ba ang bagong weather forecaster ng pagasa?” tatawa-tawa namang singit ng kaniyang kapatid sa kanilang usapan. “Ang ganda-ganda ng panahon, o!”

Advertisement

Iiling-iling naman ang kaniyang ama. “Tigilan mo na ʼyang pag-iilusyon ng kung anu-ano, Jason, hindi na nakakatuwa,” sabi nito.

“Pero hindi naman ako nag-iilusyon! Makinig kayo sa akin, please!” giit niya, ngunit hindi na sumagot pa ang mga ito. Hindi na siya pinansin at bumalik na sila sa kaniya-kaniya nilang gawain.

Ganoon din ang naging reaksyon ng kaniyang mga kaibigan. Pinagtawanan pa nga siya ng mga ito.

“Bakit hindi nade-detect ng PAGASA iyon kung ganoʼn? Saka, ano ba ang nakita mo sa premonition mo kuno?” tanong pa ng isa sa mga kaibigan niya.

“Sakuna… isang malaking sakuna ang uubos ng halos lahat ng tao rito sa ating lugar. Mag-ingat kayo!”

Ngunit muli lamang siyang tinawanan ng mga ito.

Nang gabing iyon ay hindi natulog si Jason. Nag-umpisa nang kumulog at kumidlat. Nakatanaw siya sa bintana ng kaniyang kwarto na siyang pinakamataas na bahagi ng kanilang tahanan.

Malamig na ang simoy ng hangin. Nakatatakot ang tunog niyon kung pakikinggan. Nanatiling alerto ang binata hanggang sa maya-maya ay nakaramdam na sila ng pagyanig.

Advertisement

“Lumilindol!” narinig niyang hiyaw ng kaniyang ina. Agad siyang nagtungo sa kwarto ng mga ito.

“Mama, halina kayo sa taas!” hiyaw niya.

Sa pagkakataong iyon ay hindi na na nag-atubiling sumunod sa kaniya ang mga ito. Yumayanig pa rin ang paligid nang mga sandaling iyon, ngunit mabuti na lamang at ligtas silang nakapunta sa itaas.

Tulala ang kaniyang mga magulang habang takot na takot naman ang kaniyang kapatid. Nagsimula nang umulan nang malakas. Hindi nagtagal ay tumaas na nang tumaas ang tubig. Bumabaha na!

Mabuti na lang talaga at naging mabilis ang kilos ni Jason kanina. Nakapagtabi siya ng mga pagkain at ilang gamit sa itaas. Halos lubog na ang buo nilang kabahayan sa baha at ang tanging natitirang nakalutang na lang ay ang kaniyang kwarto.

Laking pasasalamat ng kaniyang pamilya kay Jason. Sana palaʼy nakinig sila sa kaniya noong umpisa pa lang.

Minsan pala ay hindi masamang makinig sa mga babala kahit pa parang imposible itong mangyari. Lalo na kung wala namang mawawala sa iyo kung susunod ka.

Ilang araw pa ang nakalipas bago dumating ang tulong mula sa lokal na gobyerno ng kanilang lugar ay ibinalita ng mga itong halos kakaunti na lang silang natagpuang survivor ng napakalakas na sakunang hindi nagawang ma-detect ng gobyerno.

Advertisement

Nang panahong iyon ay napadasal muli si Jason. “Salamat po, Diyos ko!” Nang mga sandaling iyon ay lalong tumibay ang kaniyang paniniwala sa Panginoong Diyos at ganoon din ang buo niyang pamilya. Isang malaking responsibilidad ang iniatang ng Diyos sa kaniya. Noon, akala niyaʼy sumpa ang regalong iyon, ngunit ito pa pala ang magliligtas sa kanilang buhay.