May Pera nga sa Basura!

Malungkot nang umuwi si Niko mula sa bahay nina Sandra, dala ang tuyot nang mga bulaklak at ang tunaw na tsokolateng binili niya kanina. Binasted siya ni Sandra… binasted siya, dahil lang sa trabaho niya.

Isa kasing basurero si Niko, dahil second year highschool lang ang kaniyang tinapos. Ganoon pa man ay sinikap ni Niko na maging mabuting tao. Para sa kaniya, marangal naman ang trabahong ito at kahit kailan ay hindi niya kayang ikahiya ito dahil iyon ang bumubuhay sa kaniya at sa kaniyang pamilya. Atleast, hindi sa masama galing ang kaniyang kinikita. Iyon nga lang at ito pa pala ang magiging dahilan kung bakit masusugatan ang puso niyang totoong nagmamahal naman kay Sandra.

“Ano’ng ipapakain mo sa akin, Niko? Baka nga kahit sa drinks ko lang, e, hindi sasapat ’yong kinikita mo,” ang sabi ni Sandra kanina.

“Ayaw ko sa ’yo, Niko, hindi tayo bagay,” dagdag pa ng dalaga na nakapagpadurog pa ng husto sa puso niyang sugatan.

Wala nang nagawa si Niko kundi ang umuwing luhaan. Ang nasa isip niya’y siguro, ito na talaga ang kaniyang kapalaran.

Kinabukasan ay maagang gumising si Niko upang makapangolekta ng basura ng mas maaga. Nais niyang kalimutan ang sakit na nadarama, kaya’y hangga’t maaari ay gusto niyang maging abala. Nang tanghaling iyon ay napakatumal ng kalakal kaya’t minabuti niyang mas lumayo sa lugar na madalas niyang pangolektahan.

Sa katirikan ng araw ay walang pagod na naglakad si Niko, dala ang kaniyang kariton. “Bakal, bote, binibili! Bakal, bote, binibili!” ang paulit-ulit na sigaw ng binata.

Nasa ganoon siyang paglalakad nang makakita siya ng isang tumpok ng mga basura, na nakakalat sa kalye, sa tabi ng isang gusali. Nakasako ang mga ’yon. Mukhang marami siyang makukuha!

Advertisement

Agad na nilapitan ni Niko ang tumpok ng mga basurang iyon. Hindi nga siya nagkamali. Puno ng mga plastik na botelya, papel at karton ang mga naturang basura! Laking tuwa ni Niko. “Ayos!” nakangiti pang aniya.

Sa kalagitnaan ng kaniyang pangangalakal, isang bag na itim ang nakita niyang naroon sa kailaliman ng isa sa mga sako ng basura. Kinuha niya iyon, dahil mukhang buo pa at baka pupuwede pa niyang magamit at inilagay sa kaniyang kariton. Iyon na ang huling kalakal na kinuha niya sa basurahan, bago niya muling isinaayos ang lugar na pinangalakalan niya. Muli niyang ibinalik ang pagkakatali ng mga sako at isinandal sa pader. Inayos niya na rin ang iba pang kalat sa gilid ng gusali at itinabi roon sa mga basura upang hindi makaabala. Pagkatapos noon ay agad na siyang umalis ng masaya. Alam niyang malaki-laki ang kikitain niya ngayon.

Umuwi muna sandali si Niko para kumain. Gutom na kasi siya at sarado rin naman ang junkshop na pagdadalhan niya ng mga kalakal na nakolekta niya dahil lunch break din ng mga trabahador doon. Matapos mabusog ay naisipan munang tingnan ni Niko ang mga kalakal. Tinimbang niya ang mga plastik na botelya, papel at karton upang makasigurong hindi siya madadaya sa timbangan mamaya. Bigla niyang nasagi ang itim na bag na nakalagay sa kariton kanina kaya’t naisipan niya rin iyong buksan upang malaman kung buo pa.

“A-ano ito?!”

Napasigaw si Niko sa pagkabigla nang mabuksan ang naturang bag… ang laman kasi niyon ay mga pera! Limpak-limpak na mga perang lilibuhin at hindi biro ang halaga!

“Ang dami!”

Kinabahan si Niko, pero ipinagpatuloy niya ang pagbubukas ng bag. Tiningnan niya ang mga bulsa niyon at hindi nga siya nagkamali. May laman iyong ID ng taong posibleng nagmamay-ari nito.

Wala nang inaksaya pang pagkakataon si Niko. Agad siyang bumalik sa gusali kung saan niya nakuha ang bag. Isasauli niya iyon! Ni hindi naisip ni Niko na bawasan ang laman ng bag. Ni hindi niya naisip na malaki ang magiging tulong ng mga perang iyon sa katulad niya. Ang tanging nasa isip ng binata ay baka namomroblema na ngayon ang may-ari ng pera kaya’t dapat na niyang isauli iyon.

Advertisement

“Nandiyan po ba si Sir Agner Sandoval?” tanong ni Niko sa guard ng naturang gusali na nanghahamak ang tinging ipinupukol sa kaniya.

“Wala siya rito. Bakit, ano ba’ng kailangan mo?” balik-tanong naman ng guard.

“Napulot ko ho kasi itong ID niya, Ser, sa basurahan…” sagot ni Niko. “Saka ho itong bag niya, na may lamang pera.”

Nanlaki ang mga mata ng guwardiya. Tila ’di makapaniwala sa sinabi ni Niko. Agad itong tumawag sa opisina ng kaniyang boss at ’di kalauna’y sinamahan siyang paakyat sa gusali.

“Saan mo kamo nakita itong pera, hijo?” tanong ng may katandaan na, ngunit matikas pa ring lalaki. Mukha itong Amerikano ngunit diretsong magsalita ng Tagalog. Si Sir Agner Sandoval pala ang siyang nagmamay-ari ng buong gusaling iyon

“Sa basurahan ho, s-sir. Diyan ho sa tabi nitong gusali n’yo,” paliwanag niya.

Biglang ngumiti ang matikas na lalaki. “Alam mo bang sinalba mo ako? Ito ang nawawala kong pasuweldo sa mga empleyado ko, hijo! Hindi ko alam kung paano ito napunta sa basurahan, pero, nagpapasalamat ako sa ’yo ng malaki,” saad ng naturang lalaki.

Makalipas ang pangyayaring iyon ay agad na sumikat si Niko, matapos magpatawag ng media ni Sir Agner upang makilala siya ng madla bilang isang tapat at matulunging Pilipino’y sunod-sunod na oportunidad ang dumating sa binata.

Advertisement

Binigyan din siya nito ng pabuya. Agad siyang nai-feature sa mga balita sa TV at radyo, hanggang sa may makadiskubre sa kaniya. Magandang lalaki kasi si Niko. Moreno, matangkad, matangos ang ilong at maganda ang tikas ng kaniyang pangangatawan dahil batak siya sa trabaho. Kinuha siya bilang isang reliever ng mga lalaking model ng mga damit ngunit agad siyang pumatok sa publiko. Maging sa mga patalastas tuloy sa TV ay siya na ang mukhang kinukuha. Labis kasing minahal ng masa si Niko dahil sa kaniyang kabutihan at pati na rin sa angkin niyang kaguwapuhan.

Sa ngayon ay hindi na nangongolekta ng basura si Niko ngunit nananatili siyang mabuting tao.

Samantala, ganoon na lang ang laki ng pagsisisi ni Sandra. Sinubukan niyang lumapit kay Niko ngunit hindi na siya makalapit sa dami ng mga babaeng nagkakandarapa na ngayon sa binata.