Bahay-Kainan ni Tatay Cheng

Sa Sampaloc Manila nakatayo ang Bahay-Kainan nila Tatay Cheng. Masarap, mura at talaga namang lutong-bahay ang mga putaheng kanilang inihahain.

Kaya naman hindi nakapagtataka na patok na patok ang kanilang Bahay-Kainan sa kanilang lugar. Lalo na’t napapaligiran ng iba’t ibang unibersidad at paaralan ang kanilang pwesto. Nagkalat din ang mga bahay-paupahan at mga dormitory sa kanila.

“Tatay Cheng! Good Morning po!” Masiglang bati ni Emily sa matandang nagsisimula nang maghain ng mga pagkaing ihahanda sa araw na iyon sa kanilang Bahay-Kainan.

“O Emily, ano sopas ba ulit?” tanong ni tatay Cheng sa dalagang suki. Isang nursing student si Emily sa isang malapit na unibersidad. Parang anak na rin ang turing ni Tatay Cheng sa dalaga. Nasa huling taon na ito nang kursong napili at malapit na ring magtapos sa darating na Marso sa susunod na taon.

“Syempre, ano pa ba? Alam niyo naman na kulang ang araw ko pag hindi ako nakakapag-umagahan ng sopas niyo,” magiliw na saad naman ng dalaga sa matanda.

Malapit talaga sa isa’t isa si Tatay Cheng at si Emily. Si Tatay Cheng at ang pamilya kasi nito ang nagsisilbing pamilya na din ni Emily sa Manila. Galing sa probinsya ng Samar pa kasi ang dalaga at napunta lamang ng Maynila upang mag-aral ng kursong nursing sa Unibersidad na pinapasukan nito.

Simula ng lumipat sa kaharap na dormintoryo ng Bahay-Kainan nila Tatay Cheng ang dalaga, doon na talaga ito madalas na kumain.

Mga senior niya sa kanilang departamento sa unibersidad ang nagpakilala kila Emily at sa pamilya nila Tatay Cheng. Mga galing din kasi sa probinsya ang mga ito at nangungulila din sa kanilang mga pamilya. Ayon nga sa pahayag ng lahat ng nakakain na doon ay kakaiba ang sarap ng mga putahe ng Bahay-Kainan nila Tatay Cheng.

Advertisement

Hindi basta-bastang lutong-bahay lang ito. May halong lasa ng pagmamahal, at talagang maaalala mo ang iyong sariling tahanan.

“O ito anak, kainin mo na ang sopas mo habang mainit pa,” saad ni Tatay Cheng kay Emily habang inihahain sa harapan niya ang paboritong sopas.

“Ay salamat po, ‘tay,” nakangiting tugon ng dalaga bago kinain ang sopas na hinintay.

Mahigit labinlimang taon nang nagsimulang magbukas ang Bahay-Kainan ni Tatay Cheng. Noong una ay empleyado lamang si Tatay Cheng sa isang kilalang restawran sa Maynila. Medyo may kalakihan ang pamilya ni Tatay Cheng at siya lamang ang kumakayod sa kanila kaya naman kulang pa rin ang perang kanyang sinasahod buwan-buwan.

Magaling magluto ang maybahay ni Tatay Cheng na si Aling Susan. Likas na mabait at maalaga ito sa kanya at sa kanilang mga anak. Sadyang masayahin at palakaibigan din ang pamilya nila Tatay Cheng kaya naman ay madali lang din silang makagaanan ng loob.

Mahigit labinlimang taon na din ang nakararaan bago maisipang magtayo ng Bahay-Kainan nila Tatay Cheng ay may nakilala silang mga estudyante na nangungupahan sa isang condo malapit sa kanila.

Pauwi na si Aling Susan noon galing sa palengke ng muntik na siyang mabundol ng isang traysikel. Nawalan siya ng balanse nang sinubukang umiwas at natumba.

“Ano ba?! Wag ka ngang tatatanga-tanga hoy!” sigaw pa sa kanya ng traysikel drayber na hindi man lang tumigil para magpaumahin. Agad naman na may lumapit na dawalang estudyante sa kanya at tinulungan siya.

Advertisement

“Ayos lang po ba kayo?” Tanong sa kanya ng dalaga habang tinutulungan siyang tumayo. Pinulot naman ng kasama nitong binata ang mga pinamili niyang mga sangkap at pagkain.

“Naku, ayos lang. Medyo masakit lang ang pagkakatumba ko pero ayos lang naman,” saad ni Aling Susan habang pinapagpag pa ang kanyang damit.

“Maraming salamat mga anak ha? Kay babait niyo namang bata,” Natutuwang pasasalamat niya sa dalawang estudyante.

“Naku, walang anuman po iyon Nay,” nakangiting tugon ng dalaga kay Aling Susan.

“Wag po kayong mag-alala nay, makakarma din po yung traysikel drayber na yun. Napakasama ng ugali! Siya na nga nakabundol, siya pa galit!” asik naman ng binata. Bigla namang tumunog ang tiyan ng binata. Bahagya namang napatawa si Aling Susan.

“O sige mga anak, bilang pasasalamat sa inyong kabutihan ay sumama na kayo sa akin at ipaghahanda ko kayo ng hapunan,” pag-iimbita niya sa dalawang estudyante. Nahihiya naman ang dalawa kaya naman ay agad na tumanggi ang mga ito.

Wala naman silang nagawa kundi sumama dahil nagpumilit din si Aling Susan. Ito daw ang kanilang gatimpala dahil busilak ang kanilang kalooban.

“Wow! Ang sarap naman po ng luto niyo!” masaya at puno ng buhay na pahayag ni Arman matapos matikman ang sinigang na niluto ni Aling Susan. Agad din naman itong tinikaman ni Miriam.

Advertisement

“Oo nga po! Parang luto po ng nanay ko,” masayang tugon ng dalaga.

“Mabuti naman at nagustuhan ninyo ang luto ko. Hala sige at kumain lang kayo at magpakabusog,” naaaliw na pahayag naman ni Aling Susan sa dalawa.

Si Arman at Miriam ay magpinsan na nag-aaral sa kalapit na unibersidad. Kararating lang nila galing probinsya noong nakaraang buwan at kasalukuyang nakatira sa isang condo malapit sa kanila. Palibhasa’y unang beses na nahiwalay sa pamilya kaya naman ay labis ang pangungula at lungkot na nadarama ng dalawa.

Naisaliwalat ng dalawang bata ang kanilang mga pinadagdadaanan kila Aling Susan at sa asawa nitong si Tatay Cheng. Ang labis na lungkot at hirap na mawalay sa kanilang pamilya. Wala naman silang magagawa kundi magtiis dahil para rin naman sa kanilang pangarap at kinabukasan ang kanilang ginagawa.

Labis na naawa naman ang mag-asawang Aling Susan at Tatay Cheng sa dalawa kaya naman ay madalas nila itong imbitahan na maghapunan sa kanila.

Dahil ayon nga sa dalawa ay naiibsan daw ang kanilang pangungulila sa kanilang tahanan at pamilya kapag natitikman na nila ang mga putahe ng mag-asawa. Labis din namang nasisiyahan ang mag-asawa na sa simpleng pagkaing kanilang inihahanda ay nakakalimutan ng dalawang bata ang kanilang mga problema at naiibsan ang kanilang pangungulila sa kanilang pamilya.

Doon nagsimula ang Bahay-Kainan ni Tatay Cheng. Sa kagustuhan nilang mas marami pang estudyanteng matulungan na kahit pansamantala lamang ay makalimutan nila ang lungkot at pangungulila sa mga naiwan nilang pamliya sa probinsya.

Kaya naman nag-isip sila ng mga putaheng masustansya, swak sa budget at mga karaniwang niluluto ng mga pamilyang pilipino. Makalipas ang mahigit labinlimang taon ay patuloy pa rin ang paghahatid ng mga pagkaining puno ng pagmamahal para sa mga estudyang nangungulila sa kanilang mga pamilya ang Bahay-Kainan ni Tatay Cheng.

Advertisement

Marami na rin ang nakapagtapos nilang mga anak-anakan sa loob ng labinlimang taon na yun, kasama na syempre sina Arman at Miriam na siya din namang tumulong na maisaliwalat sa mga unibersidad at mga kalapit na paaralan ang Bahay-Kainan ni Tatay Cheng.

Karamihan sa mga ito ay mga matagumpay na sa kanilang mga buhay at hindi pa rin nakakalimot sa kabutihan ng mag-asawa at paminsan-minsan ay binibisita sila ng may dalang mga pasalubong bilang pasasalamat dahil sa kanilang mga pagkaing hinahain araw-araw, ay nakayanan nila ang lungkot at hirap ng pagkakawalay sa pamilya.