Sobra-sobra ang Pagmamahal ng Ina Para sa Kanyang Anak, Ngunit Kinailangan Niyang Ipamigay Ito sa Hindi Kilalang Tao

“Isang walang kwentang tao, walang kwentang ina.” Iyan ang mga salitang karaniwang naririnig si Karen galing sa mga taong nakakakilala sa kanya.

“Napakawalang kwentang ina mo!” Husga na kahit sa mismong kapamilya niya ay naririnig niya.

Ano nga ba ang magagawa niya? Isang malaking kurot sa puso ng isang ina ang makitang umiiyak ang anak dahil wala itong iniinom na gatas.

Mayroon boyfriend si Karen, mag-aapat na taon na din sila. Sobrang minahal niya ito na dumating sa punto na ibinigay niya ang lahat-lahat dito.

Ginawa niya ang lahat upang mapasaya lamang ang kasintahan, ngunit mali pala siya. Niloko lamang siya nito.

Buntis na noon si Karen nang malaman niyang nakabuntis din pala ng ibang babae ang kanyang nobyo.

Pinili na lang ni Karen na magparaya. Hindi naman na din nagparamdam sa kanya ang dating nobyo. Naisip niyang marahil ay masaya na rin ito kasama ang bago niya.

Habang ipinagbubuntis ang kanyang anak, wala siyang ibang ginawa kundi ang umiyak.

Advertisement

“Paano ba ako magiging isang ina?” Tanong niya sa sarili. “Ano ba ang alam ko sa pagiging isang ina?”

Paano nga ba sila ng kanyang magiging anak? Wala siyang magulang, walang papatnubay at gagabay sa kanya sa problemang kinakaharap.

Hiwalay ang magulang ni Karen. Iniwan siya ng kanyang ina nung siya’y limang taong gulang pa lamang. Ang ama naman niya ay may sarili na ding pamilya sa malayong lugar. Lumaki siya sa pangangalaga ng kanyang lola na ngayo’y animnapu’t walong taon gulang na.

Lumipas ang ilang linggo at buwan, at nanganak na rin siya.

“Ang cute ng baby ko.” Ang mga unang salitang lumabas kay Karen matapos manganak.

Tila ba ang lahat ng pagod at hirap ay napawi nang unang beses niyang masilayan ang anak na babae.

“Ang sarap pala sa pakiramdam maging isang ina.” Bulong niya sa sarili habang nakangiting lumuluha, karga ang kanyang bagong silang na anak.

Inalagaan ni Karen ang sanggol sa paraang alam niya. Minahal niya ito ng sobra-sobra.

Advertisement

“Lola, bakit kakaunti lang po ang gatas na lumalabas sa sakin?” Tanong niya sa kanyang lola.

“Nako apo, di ata maganda ang gatas mo. Hindi mabubusog ang anak mo pag ganyan.” Tugon ng kanyang lola.

“Ano pong dapat kong gawin pag ganito lola?” Muli niyang tanong.

“Mas mabuti siguro kung sa bote mo na padedehin ang anak mo. Mas makakuha siya ng sapat na gatas at nutrisyon pag ganoon.”

Dahil nga walang lumalabas na gatas sa kanya, minabuti ni Karen na sundin na lamang ang kanyang lola.

Kahit walang pera, pinilit niyang maibili ng mumurahing gatas ang anak. Wala naman ibinigay na suporta ang ama nito simula nung siya’y magbuntis hanggang sa manganak na.

Wala siyang trabaho at hindi pa siya makakapagtrabaho dahil kapapanganak lamang niya. Hindi naman din niya pwedeng iwan ang kanyang lola dahil matanda na ito.

Nasasaktan niyang pinagmamasdan ang anak na umiiyak, dahil hindi nito hiyang ang gatas na kanyang ipinapainom. Marahil ay kinakabagan ito at sumasakit ang tiyan.

Advertisement

Ano nga ba ang magagawa niya, yun lamang ang gatas na kaya niyang bilhin.

Mahirap lamang talaga sila at walang kakayanan bumili ng mamahaling gatas o diaper man lang.

Nag-isip siya ng paraan para maitaguyod ang anak. Namasukan siyang labandera at paminsan-minsan ay suma-sideline ng paglilinis ng bahay ng iba. Yun lamang ang kaya niyang gawin pagkat wala siya natapos.

“O eto. 200 para sa labada mo.” Iniabot sa kanya ng babaeng pinapasukan.

“Salamat po.” Nakangiti niya itong tinanggap kahit na alam niyang mas malaking bayad pa ang nararapat sa kanya.

Kailangan niyang kumita na kahit konti para sa anak. Di na alintana ang pagod mabuhay lamang niya ito.

Minsan pag sobrang pagod na ito ay tinutulungan siya ng kanyang lola sa mga labada. Madalas ay nakakarinig pa siya ng mga masasakit na salita galing sa kamag-anak at mga kapitbahay.

“Ang tanda na ng lola mo pinagtatrabaho mo pa. Anong klaseng tao ka?” Masasakit na salitang kanya’y palaging ibinabato.

Advertisement

Kailangan niyang tatagan ang loob para sa anak, kaya kahit nasasaktan, pinipilit na lamang niyang hindi magpaapekto.

“Patawad anak ha? Hindi ka mabilhan ni nanay ng mga mamahaling gamit.” Sambit nito sa anak habang hinahaplos.

Napansin niyang nagkakaroon ng mga pantal sa may pwet na anak. Hindi niya alam kung ano ang gagawin. Malamang ay dahil ito sa mumurahing diaper na kanyang binibili.

Hindi sa lahat ng pagkakataon ay mayroon siyang labada at sideline. Kaya sinubukan niyang lumapit sa mga kamag-anak at kaibigan, ngunit masasakit na salita lamang ang kanyang narinig mula sa mga ito.

“Nagpabuntis ka kasi tapos di mo naman pala kayang pakainin. Malandi ka kasi!” Sigaw ng kanyang tiyahin.

“Dapat inisip mo yan bago ka bumukaka sa kama!” Husga naman ng pinsan.

“Bakit di ka na lang humingi ng tulong sa ama niyan? Inuuna mo pa kasi ang pride mo. Pasensya na, hindi ako makakatulong.” Sabi naman ng kanyang kaibigan.

Walang ibang magawa si Karen kundi ang tanggapin ang mga masasakit na salitang ibinabato sa kanya. Ina na siya at kailangan niyang maging malakas para sa anak.

Advertisement

Ang dating niyang mga kaibigan ay tinalikuran na siya, at wala na rin naman siyang aasahan sa kahit sino sa kamag-anak niya dahil sinisisi pa siya ng mga ito. Ang tanging meron na lamang siya ay ang kanyang sarili, anak, at lola.

Nakatingin na lamang siya sa sanggol habang umiiyak ito.

“Anak, patawarin mo si nanay ha? Sana mapatawad mo si nanay…” Sambit nito habang pumapatak ang mga luha.

Sobrang sakit sa kalooban niyang makitang umiiyak ang anak dahil wala siyang pambili ng gatas. Masakit sa kanya na makitang nagugutom ang anak at wala siyang magawa para dito.

Isang araw eh narinig niyang may kumakatok sa kanilang pintuan. Binuksan niya ito ang nakita ang kaibigan na si Lenlen.

“Kumusta ka na Karen?” Pagbungad na bati nito

“Ayos naman. Eto pilit itinataguyod mag-isa ang anak.” Nakangiting tugon naman niya. “Bakit ka nga pala naparito?” Tanong niya sa kaibigan.

“May sasabihin sana ako sa’yo pero huwag mong mamasamain ha? Concern lang naman ako sa’yo at sa anak mo.” Biglang naging seryoso ang mukha ng kaibigan.

Advertisement

“Ano iyon?”

“Yung manager ko kasi sa opisina, mayaman at mabait na mag-asawa iyon, naghahanap kasi sila ng batang babae na pwedeng ampunin, eh naisip ko na baka… baka lang naman naiisip mo rin na bigyan pa ng mas magandang buhay ang anak mo?”

Naitigilan naman si Karen ng marinig iyon.

“Nagpapatawa ka ba?” Seryosong tanong niya sa kaibigan. “Oo, naghihirap kami, pero hindi tuta ang anak ko para ipamigay ko lamang.”

“Gusto ko lang naman makatulong Karen. Pasensya ka na. Kung magbago ang isip mo, eto ang number ng mag-asawa. Kausapin mo na lamang sila.”

Tinignan lamang ni Karen ang papel na ibinigay ni Lenlen.

“Mauna na ako Karen ha? Pag-isipan mong mabuti para sa anak mo. Mauna na ako.”

Tumango lamang siya at hindi na kumibo. Hinatid niya ang kaibigan hanggang sa makalabas sa pintuan.

Advertisement

Mataas ang kanyang pride at kahit kailan eh hinding-hindi niya ipamimigay ang anak, ngunit mapaglaro ang pagkakataon.

Iyak ng iyak ang sanggol at hindi ito mapatahan ni Karen. Lahat na ginawa niya ngunit ayaw pa rin tumigil ng sanggol.

“May masakit ba sa’yo anak? Diyos ko. Hindi ko alam ang gagawin.” Nag-aalalang sambit ng ina.

Ilang oras pa ang lumipas ngunit iyak pa rin ng iyak ang kanyang anak. Hinipo niya ito at naramdamang mainit. May lagnat ang anak niya.

Wala siyang pera at wala siyang makukuhaan ng pera. Hindi niya malaman ang gagawin ngayon.

Ang kinse pesos na natitira sa kanya ay ginamit niya upang ipang load sa kanyang cellphone. Kinuha niya ito, inilagay ang mga numerong nasa maliit na papel at pikit matang tinawagan.

Ilang oras pa ang lumipas at dumating na ang mas-asawang ikinukwento ni Lenlen sa kanilang bahay. Base sa pananamit nito, mayaman nga ang mag-asawa.

“Huwag kang mag-alala, aalagaan namin at ituturing siya na tunay naming anak.” Sambit ng babae habang nakatingin sa kanya.

Advertisement

“Bibigyan namin siya ng maganda buhay at pag-aaralin sa maganda paaralan.” Dagdag naman ng lalaki.

Tumango lamang si Karen. Hindi niya magawang magsalita dahil sa sakit na kanyang nararamdaman ngayon.

Tumayo siya at inayos ang gamit ng sanggol. Ibinigay niya ito sa mag-asawa upang ipabaon sa pag-alis.

Kinarga niya ang sanggol na ngayo’y tulog at mukhang napagod sa pag-iyak. Hinagkan niya ang kanyang anak sa huling pagkakataon. Parang ulan na bumuhos ang kanyang mga luha.

“Mahal na mahal ka ni nanay.” Bulong niya sa sanggol. “Patawad anak ha?” sabay halik sa pisngi nito.

Mabigat man sa kalooban niya, ibinigay niya ang sanggol sa hindi kaano-ano, kapalit ng pangako na magandang buhay para dito. Tumalikod na lamang siya at hindi na sumulyap pa, dahil baka hindi niya ito kayanin.

Ilang oras pa ang lumipas, nakatanggap siya ng tawag galing sa mag-asawa.

Dinala daw muna nila sa doctor ang sanggol. Medyo malala na pala ang sakit nito. Nagkaroon ng allergic reaction ang sanggol sa gatas na iniinom nila. Kung hindi daw nadala kagaad ang bata ay baka mas lumala pa ang kalagayan nito.

Advertisement

“Wag kang mag-alala. Pinalitan na namin ang kanyang gatas. Bumili na rin kami ng mga vitamins at ibang pang mga gamit.” Saad ng babae.

“Salamat po.” Iyon na lamang ang salitang naisagot ni Karen.

Lumipas pa ang mga araw at gabi, labis na lungkot ang nararadaman ni Karen.

Ang batang katabi niya sa pagtulog at unang tanawin na kanyang nakikita sa umaga ay wala na sa kanya. Tanging isang laruan at lampin na lamang ang naiwan sa kanya.

Natutulog siyang umiiyak at gumigising na may luha pa rin.

Hindi naman pinutol ng mag-asawang nag-ampon sa kanyang anak ang kanilang komunikasyon. Patuloy nilang tinatawagan si Karen para balitaan tungkol sa bata.

Minsan ay nagpapadala ito ng mga litrato at videos. Malaki na ang bata at lumalaking matalino ito. Mababait ang nag-ampon sa kanyang anak kaya nakampante siya.

Ito nga siguro ang tamang desisyon na ginawa niya para sa anak niya.

Advertisement

Nakita niyang mahal na mahal ng mga bagong magulang nito ang kanyang anak. Nangako naman ang mga ito na hindi nila ipagkakait ang pagkakataong makapiling niya ang kanyang anak.

Darating din daw ang panahon na sasabihin nila ang totoo sa anak at hahanapin din nito ang tunay niyang magulang.

Pero sa ngayon, ang nais lang ni Karen ay mabigyan ng magandang buhay ang anak niya.

Kaya kahit na ang daming tao ang humuhusga sa kanya, kahit tampulan siya ng chismis at kahit na sabihin pang “wala siyang kwentang ina,” isang malaking sakripisyo ang ginawa niya para sa kanyang anak.

Wala na siyang pakialam kung sabihan man siya ng masasakit na salita. Oo, sabihin na nilang wala siyang kwentang ina, pero hindi kailanman naging mali na maghangad ng maganda para sa anak.

Walang makatutumbas sa sakit na naramdaman niya nung ipinamigay ang anak, pero mas walang makatutumbas sa sakit na nararamdaman ng isang ina para sa anak na hindi kayang mabigyan ng magandang buhay.

Umaasa siyang isang araw ay darating din ang pagkakataon na mayayakap niya ang anak at muli niya itong mahahagkan.