Avatar - Inday Trending

Inday Trending

Leksyon Para sa Mambobosong Kapitbahay - Inday Trending

Leksyon Para sa Mambobosong Kapitbahay

Isang kilalang manginginom si Riko sa kanilang lugar. Bukod doon ay makailang ulit na rin itong naireklamo sa baranggay dahil sa paninilip.

Isang gabing nag-iinuman sila ng kaniyang mga kaibigan sa tapat ng tindahan ni Aling Mel, nang mapadaan si Cheska, ang bagong lipat nilang kapit-bahay. Kitang-kita ang mapuputi nitong legs sa suot nitong micro-shorts at crop-top na t-shirt. Panandalian ding humalo sa hangin ang mabangong halimuyak ng bagong paligong dalaga.

“P’re, ang seksi ni Cheska, ano? Kutis porselana. Nakakagigil!” agad na komento ng napakahilig na si Riko. Hinabol pa niya ng tingin ang dalaga.

Iiling-iling naman ang kabarkadang si Mar habang tumatagay, samantalang si Pierre ay ngumisi lang.

“Palampasin mo na ’yon, P’re, mailap ’yon. Hindi na nga gaanong naglalalabas ng bahay,” payo ni Mar kay Riko. Si Mar kasi ang tipo ng lalaking sobrang kabaliktaran ni Riko na parang walang kahilig-hilig sa babae. Kung wala nga lang itong napakagandang syota na mag-iilang taon na rin nitong karelasyon ay pagkakamalan nila itong hindi tunay na lalaki.

“Mas maganda nga ’yon, e! Mas may thrill kapag mailap,” may gigil namang sagot ni Riko. Napapakagat-labi pa!

“Bahala ka sa buhay mo. Basta ako, pinayuhan kita. Kapag ikaw, nakatiyempo ng katapat mo, ewan ko na lang sa ’yo,” ang huling sabi pa ni Mar tungkol doon, bago baguhin ni Pierre ang paksa ng kanilang usapan.

Natapos ang inuman ng magkakabarkada. Gegewang-gewang na ang tatlo nang tumayo sila sa harap ng mesa. Nagpaalam nang uuwi sina Mar at Pierre kay Riko, ngunit, may ibang plano pa ang huli.

“Tulog na kaya ang seksing ’yon ngayon?” tanong ni Riko sa sarili. Nasasabik sa kaniyang pinaplano.

Naglakad siya patungo sa appartment na inuupahan ni Cheska sa kanilang compound. Nang makarating ay nag-isip siya ng paraan upang makakita ng butas na pupuwede niyang pagbosohan sa babae, ngunit wala siyang nakita. Ang ginawa niya’y inakyat niya ang bubungan nito, at presto! Mayroon nga rito!

Walang inaksayang sandali si Riko. Agad niyang ipinuwesto ang sarili at padapang sumilip sa butas na eksaktong katapat pala ng kuwarto ni Cheska! Tuwang-tuwa ang damuho! Lalo na nang makita niya si Cheska na umupo sa kama at nag-umpisang maghubad ng damit!

“Tama ’yan, Seksi! Hubarin mo lahat!” sigaw ng isip ni Riko habang pinagpapawisang nakatitig pa rin sa dalaga.

May kung anong ipinapahid si Cheska sa kaniyang katawan, habang patuloy na naghuhubad ng kaniyang mga saplot, lalo na sa bahagi ng kaniyang tiyan. Talagang sabik na sabik si Riko sa katititig at busog na busog ang kaniyang mga mata sa ganda ng katawan ng dalaga.

Ngunit biglang nagbago ang ihip ng hangin, makalipas lang ang ilan pang sandali. Ang kanina’y nag-iinit nang si Riko, ngayon ay biglang nanlamig sa kaniyang puwesto. Tila umurong ang kaniyang libido at napalitan iyon ng kilabot… nang maya-maya pa’y kitang-kita ng mambobosong si Riko, ang biglang pagkahati sa dalawa ng katawan ng seksing si Cheska!

“M-Manananggal!” walang tinig na hiyaw ng utak ni Riko.

Tinubuan ng malaking pakpak ang dalaga na halos sakupin na ang kabuuan ng kuwarto. Naging maitim din ang balat nito at humaba rin ang mga pangil at kuko!

Lalong nahintakutan ang napakahilig na mambobosong nasa itaas ng bubongan nang biglang tumingala si Cheska at napakalawak na ngumiti.

Napatayo si Riko sa pagkakadapa at tila nahulas ang kalasingan dahil sa takot! Akma siyang bababa na ng bubongan nang bigla niyang madinig ang halakhak ni Cheska. Nakabibingi iyon sa pandinig niya.

Dinoble ni Riko ang pagkaripas upang makalayo kaagad sa lugar. ’Di na inalintana ang tila bumabaliktad niyang sikmura, o kung magkandarapa man siya dahil sa pagmamadali. Gusto niyang isiping isa lamang iyong panaginip, kaya lang, kahit anong sampal niya sa sarili’y nananatili pa rin siya sa nakatatakot na sitwasyong iyon!

Hindi pa man nakalalayo nang tuluyan si Riko, nang makadinig siya ng pagaspas ng pakpak sa kaniyang ulunan. Takot na takot ang binata dahil alam niya kung sino iyon!

“Tigilan mo na ako! Hindi na ako uulit!” hiyaw niya habang umiiyak na tumatakbo.

Ngunit matinis na halakhak lang ang isinagot ni Cheska sa kaniya. Hinahabol siya ng manananggal nilang kapit-bahay!

Akala ni Riko ay iyon na ang kaniyang katapusan, ngunit bigla siyang nakarinig ng mga nag-uusap na tinig sa ’di kalayuan. Nang mapalingon siya’y may ilang grupo pala ng mga tanod ang nagroronda sa daan! Nakahinga siya nang maluwag at agad na tumakbo sa mga ito. Biglang nawala sa paligid si Cheska.

Matapos ang gabing iyon ay hindi na muling namboso pa si Riko, o ni uminom man lang ng alak. Sa katunyan nga’y nag-apply siya ng trabaho para lang hindi siya maglagi sa kanilang lugar.

Walang nakakaalam sa tunay na dahilan kung bakit at papaano nagbago si Riko. Si Cheska naman ay nagpaalam na aalis na sa inuupahan dahil kailangan daw nitong umuwi na sa probinsya.

Isang malaking leksyon ang itinuro ng dalaga sa binata na nangakong hindi na muling mamboboso o mambabastos man lang ng tao, babae man o lalaki.


Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!


More Stories

Disclaimer: Ang mga kwento ni Inday Trending ay kathang-isip lamang. Ang mga nabanggit na pangalan, karakter, negosyo, lugar, pangyayari at mga insidente ay maaaring produkto lamang ng imahinasyon ng may-akda. Anumang pagkakapareho sa sinumang nabubuhay o pumanaw na personalidad at aktwal na pangyayari ay nagkataon lamang.

Photos: Ang mga larawang ginamit ay mga stock photos o mga propesyunal na mga larawang binili ng may akda para sa komersyal na layunin. Ang mga ito'y ginamit upang makapagbigay ng mas malinaw na representasyon ng mga karakter at mga pangyayari sa kwento.