Anak na Biglang Nawawala

Sagana ang buhay ni Mrs. Grafil. Mayroon siyang maayos na pamilya. Isang mapagmahal na asawa na isang mechanical engineer at mga anak ngunit may problema siya sa kanyang panganay na anak.

“John, saan ka na? Nakahanda na ‘yung pagkain natin,” habang tinatawagan ni Mrs. Grafil ang kanyang anak sa cell phone phone.

“Sige Ma, habol ako, may tatapusin lang ako sa school,” sagot ni John.

“Aabutin ka na naman ba ng gabi diyan? Ano bang ginagawa mo anak?”

“Group project namin Ma. Sige, mamaya muna may isasa-ulo pa ako. Labyu Ma!”

Madalas umuuwing gabi si John. Kapag naaabutan ni Mrs. Grafil ang anak ay tila wala na itong gana at dumidiretso na agad sa pagtulog. Hindi sinasabi ni John kung anong project ang ginagawa o kung anong gawain ang kanyang pinagkaka-abalahan. Wala na lang nagawa ang ina kung hindi ang gabayan nang maigi ang anak upang hindi ito mahiwalay ng landas.

Kinabukasan ay namamalengke si Mrs. Grafil kasama si John. Bumili sila ng bangus, kangkong, kamatis, sampalok at iba pa. Magluluto sila ngayon ng sinigang na bangus. Ito ang hilig ni John at nang kanyang asawa. Bago sila maka-alis ay may nagtatakbuhang mga bata. Nabangga ng isa si Mrs. grafil at nadapa ang bata sa sahig. Pinagtinginan ng mga tao ang pangyayari sa palengke, at umiyak na ang bata sa eksena.

“Hay hijo! Ano ba ‘yan? mag-iingat ka naman–

Advertisement

–Okay lang ‘yan, nandito si kuya John. Nandito ako. Sshh, tahan na…” nagulat ang ina sa ginawa ni John. Niyakap ni John ang nadapang bata na sana’y tutulungan ni Mrs. Grafil. Naninibago ang ina sa kinikilos ng kanyang anak.

Matapos aliwin ni John ang bata ay umuwi na ang mag-ina. Habang nasa naglalakad papa-uwi ay nag-usap ang dalawa kung kailan pa naging malapit sa mga bata si John. Sinabi lang ni John na madalas kasama ang kapatid ng kanyang kaibigan kaya natuto siyang makipag-usap sa mga bata. Natuwa naman ang ina sa mga naging karanasan ng anak.

“Ngayon ko na ba iluto ‘yung sinigang para sabay-sabay na tayo nila Daddy?” tanong ni Mrs. Grafil sa anak.

“Sige Ma, tulungan na po kita sa mga gulay at sa paghihiwa.”

Matapos nilang magluto ay saktong nakauwi na ang padre de pamilya. Sabay-sabay na silang kumain ng pamilya at naikwento na rin ni Mrs. Grafil sa kanyang asawa ang ginawa ni John. Natuwa ang kanyang ama marahil hindi niya rin ito inasahan sa anak. Sinabi rin John kung bakit siya malapit sa mga bata. Naging masaya ang kanilang hapunan ngayong gabi.

Ngunit, hindi pa rin nag-iiba ang ugali ni John na laging may gawain sa eskwelahan. Napagpasyahan na ni Mrs. Grafil na kausapin ang mga guro ni John. Pumasok na si John papunta ng eskwelahan at inisa-isa niya ang mga pangalan ng mga guro. Matapos niyang malaman ang mga pangalan ay pumunta siya sa eskwelahan ng anak. Gumawa rin si Mrs. Grafil ng sulat para makapasok sa loob ng eskwelahan.

Nang nasa eskwelahan na si Mrs. Grafil ay dumiretso na siya agad sa faculty. Hinanap ni Mrs. Grafil si Sir Tommy, ang adviser ni John. Nang matanong ni Mrs. Grafil kung bakit maraming gawain si John ay biglang napakamot ng ulo si Sir Tommy.

“Gawain? Late na umuuwi? Laging maaga uwian ng mga estudyante ko. Baka kung saan pa pumupunta si John,” sabi ni Sir Tommy.

Advertisement

“Hindi ko alam…at hindi siya umuuwi agad sa amin.”

“Nasaan ba siya ngayon?” tanong ni Mrs. Grafil.

“Hindi ko rin alam, Ma’am Grafil. Hindi po siya pumasok kanina. Akala ko may sakit siya.”

Sa puntong ito ay nagsisimula nang magalit ang ina sa kanyang anak. Nagpasalamat si Mrs. Grafil sa oras ni Sir Tommy at nagpa-alam na siya. Matapos ay lumabas na ang siya sa eskwelahan at dinukot ang kanyang phone. Tinawagan niya ang kanyang anak na tila ang tono’y galit.

“John, bakit hindi ka pumasok? Nasaan ka?”

“Wait lang Ma, may mahalaga akong ginagawa.”

“Anong ginagawa mo na mas mahalaga pa kaysa sa aralin mo ha?”

“Punta ka Ma sa Children’s Hospital, nandoon ako, kasama mga kaibigan ko.”

Advertisement

“Anong ginagawa niyo sa ganyang lugar anak?”

“Malalaman mo Ma, basta punta ka dito. Mamaya na muna Ma, may ginagawa talaga ako,” huling wika nito at ibinaba na ng binata ang cell phone.

Galit na galit na dumiretso na ang ina sa sinasabing lugar ng anak. Kasama na rin dito ang pag-aalala sa anak, kung anong ginagawa ng anak ngayon na kahit pag-aaral ay naisasakripisyo na. Tumawag na ng tricycle si Mrs. Grafil para mas mabilis ang kanyang biyahe papunta sa nasabing ospital. Pagpasok ay mabilis niyang hinanap sa management ang anak. Sinabi kay Mrs. Grafil na pumunta siya sa room 205, naroon ang grupo nila John. Dumiretso agad ang ina at nang makapasok na si Mrs. Grafil ay nabigla siya sa nakita niya.

Naroon si John, nakasuot ng costume ng superhero at sumasayaw sa harap ng ilang kabataang may malulubhang kondisyon. May mga batang kalbo dahil sa chemotherapy, may mga batang hindi na kinakayang maiangat ang kani-kanilang mga katawan. May mga batang nangangailangan ng espesyal na aruga. Naroon ang anak ni Mrs. Grafil, nagpapasaya ng mga batang may karamdaman.

Nang matapos ang kanilang sayaw ay lumapit ang ina, nalilito sa desisyon ng anak. Ngumiti si John sa kanyang ina na tila naiintindihan ang pakiramdam nito.

“Ma, nag-aaral po ako nang maigi. Huwag po kayong mag-alala, pero itong mga batang ito, hindi. May karamdaman sila. Hindi sila makakapag-aral. Gusto ko ay may mga magawa rin ako at magkaroon ng mas maraming kaibigan. Para sa kanila ito, Ma.”

Wala nang nagawa ang ina kung hindi ang maluha sa ginagawa ng anak para sa ibang tao. Buong akala niya’y may kalokohan na ginagawa ang anak ngunit kabaliktaran iyon ng hinala niya. Malaking pasasalamat ng ina na lumaking mabuti ang kanyang anak.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

Advertisement

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!