Binalak ng Babae na Ipalaglag ang Anak Dahil Hindi Pa Siya Handa sa Responsibilidad; Buti na Lang at Nakumbinsi Siya ng Tricycle Drayber na Huwag Ituloy ang Balak

Positibo, iyan ang lumambas na resulta sa limang pregnancy test na ginamit ni Fatima. Hindi pa handa ang babae sa mabigat na responsibilidad. Dalawang taon pa ang kailangan niyang buuin bago siya makatapos ng kolehiyo. Siya ang inaasahan ng kaniyang pamilya na mag-aangat sa kanila sa mahirap nilang pamumuhay.

“Kirk, buntis ako. Anong gagawin natin? Hindi ko alam ang gagawin!” mangiyak-ngiyak ang babae habang kausap niya ang kaniyang kasintahan sa telepono.

“Hindi pa ko handang maging ama. Hindi kita kayang panagutan. Marami pa kong pangarap na gustong abutin. Masisira ang lahat kung pakakasalan kita.”

Lalong nanlumo ang babae sa naging sagot ng kaniyang nobyo.

Ilang araw ng tuliro si Fatima. Iniiwasan na rin siya ni Kirk simula nung pinaalam niyang nagdadalantao siya. Sa gitna ng kaguluhan ng kaniyang isip ay isang desisyon ang nabuo sa kaniyang isipan, ipapalaglag niya ang bata.

Araw ng Biyernes, pagkatapos ng kaniyang klase ay nag-impake ng ilang damit si Fatima. Pupunta siya ng probinsya. Pupuntahan niya ‘yung taong sinabi ng kaniyang kakilala na makakatulong sa kaniya para mawala ang batang nasa kaniyang sinapupunan.

Habang nasa biyahe ay takot na takot si Fatima. Palinga-linga siya sa paligid. Pakiramdam niya ay inuusig siya ng mga taong nakapaligid sa kaniya. Tila isa siyang kriminal na tinataguan ang mga pulis. Hindi siya mapalagay. Madaling araw pa lang nung nakarating si Fatima sa probinsiya kaya nagmotel na muna siya.

“Kuya, alam niyo po ba kung saan ang sakayan papuntang Burol Kwago?” Tanong ng isang dalagita kay Rodrigo.

Advertisement

“Burol Kwago? Bakit kailangan mong pumunta doon?”

Isang bahay lang ang nakatirik sa masukal na lugar na iyon at hindi lingid sa kaalaman ng lalaki ang sadya ng mga kababaihan na pumupunta doon.

“May bibisitahin lang po,” pagsisinungaling ni Fatima.

Duda si Rodrigo na nagsasabi sa kaniya ng totoo ang babae. Kung tama ang hinala niya ay malamang buntis ito at nais nitong ipalaglag ang bata. Isang bagay na hindi siya sumasang-ayon. Alam niyang hindi siya dapat manghimasok sa buhay nito pero ang balak gawin ng dalaga ay ikakapamahak niya kaya susubukan niya itong kumbisihin na magbago ng desisyon.

“Sumakay ka na sa tricycle. Ako na lang ang maghahatid sa’yo doon. Kabisado ko ang lugar,” alok ni Rodrigo.

Bagama’t nagdududa si Fatima sa lalaki ay sumakay siya sa tricycle nito. “Okay lang ba na may puntahan muna tayo sandali? Doon din naman ang daan natin kaya hindi ka naman siguro masyadong maaabala,” tanong ni Rodrigo. Tanging pagtango lang ang sagot ni Fatima.

Bumili muna sandali ng mga bulaklak si Rodrigo bago niya minaneho ang tricycle patungong sementeryo.

“Ano pong ginagawa natin dito?” Tanong ni Fatima.

Advertisement

“Dadalawin ko lang sandali ‘yung nobya ko. Halika ipapakilala kita,” tugon ng lalaki.

Tahimik na sinundan ni Fatima ang tricycle drayber patungo sa isang puntod. Ilang minuto ang nakalipas na walang nagsasalita sa dalawa bago nagsimulang magkwento ang lalaki.

“Dyesiotso ako noon at siya naman ay dyesisais nung maging magkasintahan kami. Masyado kaming nalasing sa pagmamahalan namin sa isa’t-isa kaya paulit-ulit naming ginawa ang isang bagay na alam naming hindi pa namin dapat ginagawa. Nagbunga ang aming kapusukan. Nabuntis ko ang nobya ko. Pareho kaming hindi pa handa sa responsibilidad kaya pinuntahan namin si Aling Betsay, kilala siya dito bilang takbuhan ng mga babaeng hindi pa handang maging ina.”

Napahinga ng malalim si Fatima nung marinig niya ang pangalang Aling Betsay sa bibig ng lalaki. Siya ang babaeng pakay niya sa Burol Kwago.

“Hindi ko malilimutan ang nasaksihan ko nung araw na iyon. Kahit gusto kong ipikit ang aking mga mata ay hindi ko magawa sa labis na pag-aalala para sa aking nobya kaya pinanood ko ang buong proseso kung paano sapilitang kinuha ang anak namin mula sa kaniyang sinapupunan habang namimilipit siya sa sakit,” hindi na tinapos ni Rodrigo ang pagkwekwento. Niyaya na niya ang babae na umalis para hindi sila abutin ng dilim sa daan.

Habang nasa byahe ay hindi napigilan ni Fatima na mag-isip tungkol sa kinuwento ng lalaki. Halos pareho sila ng sitwasyon ng kaniyang nobya, nagpaagos sa tawag ng laman ng minamahal kaya maagang nagdalantao gayong hindi pa siya handang maging ina. Ang ipalaglag ang bata ba ang tanging solusyon sa kaniyang problema? Isang tanong na gumugulo ngayon sa isip ni Fatima. Kani-kanina lang ay desidido na siyang ipalaglag ang bata pero ngayon ay nagdadalawang isip siya matapos niyang marinig ang kwento ng lalaki.

Nang marating na nila ang bahay ni Aling Betsay ay hindi muna bumaba ng tricycle si Fatima.

“Anong ikinawala ng nobya mo?” tanong ng dalaga. Tinignan ni Rodrigo ang babae ng diretso sa mata bago nagsalita.

Advertisement

“Akala namin ay maayos ang lahat. Pero wala pang isang linggo ay nagkaroon siya ng malubhang karamdaman kaya isinugod siya sa ospital. Nagkaroon ng impeksyon ang kaniyang matris. Hindi ito naagapan agad kaya di naglaon ay sumakabilang buhay din siya. Ikaw pa lang ang nasasabihan ko ng totoong dahilan ng kaniyang pagkawala. Hanggang ngayon ay wala pa rin akong lakas ng loob na aminin sa mga magulang niya kung ano ang tunay na dahilan ng kaniyang pagkawala. Sana ay hindi kami naging mapusok. Sana ay hinintay namin ang tamang panahon. Kung sana ay nakinig kami sa mga payo ng mga magulang namin, eh, di sana ay buhay pa siya ngayon. Eh, di sana magkasama pa kaming dalawa,” malungkot na saad ng lalaki.

Hindi minadali ni Rodrigo ang babae na bumaba ng kaniyang tricycle. Hinayaan niya muna itong makapag-isip ng mabuti. Madilim na nung nagyaya ang babae na bumalik na lang sa kanilang pinanggalingan.

“Magkano po ang bayad?” Tanong ng dalaga nung makabalik sila.

“Huwag mo na kong bayaran. Maliit na pabor lang ang ginawa kong paghatid sa’yo kumpara sa problemang dinadala mo.”

Hindi tinuloy na Fatima ang balak niyang ipalaglag ang bata. Dinala niya ito sa kaniyang sinapupunan sa loob ng siyam na buwan. Pero hindi pa rin siya handa sa responsibidad ng pagiging ina kaya matapos niya mailuwal ang sanggol ay agad niya itong pinaampon. Ipinagpatuloy niya ang kaniyang buhay. Hindi na niya hinangad na maging bahagi ng buhay ng kaniyang anak. Sapat na ang malaman niyang nasa maayos itong kalagayan. Hindi na rin sila nagkabalikan ng nobyo niyang si Kirk.

Nagkamali man si Fatima nung nagpadala siya sa mapusok na pagmamahal niya sa dating nobyo ay wala na siyang balak na ulitin pa ang pagkakamaling iyon. Kung sakali man na papalarin siyang mabuntis ulit ay sisiguraduhin niyang handa na siyang harapin ang mabigat na responsibilidad ng pagiging ina sa kaniyang anak.