Sa Hinaba-haba ng Prusisyon, Sa Simbahan Din ang Tuloy

Nagmamadaling maglakad noon si Steffanie upang makahabol sa importanteng interbyu ng buhay niya. Bihis na bihis at todo naman ang kolorete sa kanyang mukha.

Ito ang unang pagkakataon na maghahanap siya ng trabaho matapos mag-aral ng kolehiyo. Labis ang kasabikang nadarama niya para sa interbyu.

“Naku, 9:30am ang call time ko, pero 9:28am na naandito pa rin ako sa labas. Bwisit na heels kasi ‘to eh. Pinapahirapan akong maglakad,” reklamo ng dalaga habang naglalakad.

Tumingin siya sa traffic lights. Tatlong segundo bago maging pula muli ang pedestrian signal. Kahit na may suot na mataas na takong, pinilit pa rin tumakbo ni Steffanie upang mahabol ang kulay berdeng ilaw.

Sa kalagitnaan ng kanyang pagtawid ay isang malakas na busina ang nagpatalon ng kanyang puso. Isang pulgada na lamang ang layo niya sa nguso ng sasakyan. Kung hindi siguro nakapreno agad ang drayber, malamang lumipad na ang katawan niya sa kabilang sulok ng kalsda.

“What the hell are you doing?! Nagpapasagasa ka ba ha?” sigaw ng lalaking drayber mula sa kanyang bintana.

“Hoy! Hay*p ka! Sasagasaan mo ba ako ha? Ano, ikaw ba ang magpapalamon sa pamilya ko kung sakaling humimlay ako ng maaga?” galit na sigaw naman din ni Steffanie.

“Get out of the way! I am late already,” sigaw muli ng lalaki sabay busina ng malakas.

Advertisement

“Aba bastos ka naman din pala talaga eh. Bumaba ka diyan at kausapin mo ako, bilis!” paghahamon ng dalaga sabay hataw sa unahan ng kotse.

Agad namang bumaba ang drayber saka lumapit sa babaeng nagwawala sa harapan niya.

“Hindi ka ba nahihiya na gumagawa ka ng traffic dito sa kalsada? Alam mo miss, kung pagod ka na sa buhay mo, wag ka nang mangdamay ng inosenteng tao ha?”

“Alam mo sir, gwapo ka sana kaso bulok naman yung ugali mo. Muntik mo nang kitilin ang buhay ko tapos ikaw pa yun galit? Wow ha!” pabalang na sagot naman ng babae.

“Excuse me miss, naka-green na yung traffic light. Ibigsabihin ‘go,’ hindi mo ba alam iyon? Anong utak ba ang meron ka?” pang-iinsulto ng gwapong binata.

“Aba, ako na yung dehado, ako pa yung nilait mo?” sa sobrang inis, hinampas ni Steffanie ng bag ang mukha ng kausap na lalaki, sabay hampas sa sasakyan nito, “pag ako hindi natanggap sa trabahong inaaplayan ko, tandaan mo babalikan kita!” galit na pagbabanta ng dalaga at saka madaling umalis.

“You’re crazy! Magpatingin ka na sa doktor,” sigaw naman ng lalaki bago tuluyang bumalik sa minamanehong kotse.

Halos takbuhin na ni Steffanie ang lugar kung saan nakapwesto ang kompanyang inaaplayan.

Advertisement

“Miss! Miss!” pagtawag ng dalaga sa babaeng nasa reception. “I have an appointment today para sa job interview. Late na ba ako? Hindi na ba ako tanggap?” tila ba nagpapanik na tanong ni Steffanie.

“Relax lang kayo ma’am. Kakadating lang din ng interviewer. Ang swerte niyo mga ma’am, kasi anak ng may-ari ng kompanya ang mag-interview sa inyo. Galingan mo ma’am ha? Wag kang magpapadala sa mga ngiti at titig niya para makapag-concentrate ka,” paalala ng receptionist kay Steffanie.

“Thank you ate, ha? Teka, saang floor ba yun? Ang taas kasi nitong building eh?”

“15th floor ma’am. Tapos tuloy lamang kayo sa Room 1501. Ibigay niyo lamang po yung resumé ninyo. Good luck ma’am!” nakangiting saad ng babae.

“Thank you, miss ha?” sinuklian din naman ng ngiti ni Steffanie ang mabait na receptionist.

Bago pumasok ay nag-ayos muna ang dalaga. Muli siyang nagpulbo, nagpapula ng mga pisngi at labi.

“Tignan natin kung hindi pa ako matanggap dahil sa red lipstick na ito,” natatawa niyang usal sa sarili.

Masigla siyang pumasok sa Room 1501 para sa interview, subalit nanlaki ang kanyang mga mata sa nakita. Ang mga ngiti niya ay napalitan ng simangot at tila ba lalong namilog ang butas ng kanyang ilong dahil sa panlalaki ng mga ito. Hindi siya makapaniwala sa nakikita.

Advertisement

“Well look who’s here?” nang-aasar na pagbati sa kanya ng lalaking hinampas niya ng bag kani-kanina lang.

Bakas pa sa mukha ng lalaki ang pamumula ng kalahati ng mukha dahil sa lakas ng pagkakahampas ng dalaga.

“I-ikaw yung mag-iinterview?” di makapaniwalang tanong ng babae.

“Yes. Ako lang naman ang anak ng may-ari ng kompanyang inaaplayan mo,” buong ngiting sagot ng lalaki. “Take a sit! By the way, I am Vincent pala.”

“Diyos ko, kung hindi ko lang talaga kailangan ng trabaho,” bulong ni Steffanie.

“May sinasabi ka ba?”

“Ah wala po. Eto na po yung resumé ko, sabi ko,” pilit na tawa ng dalaga.

“So, Steffanie pala ang pangalan mo? Hindi bagay. Pag Steffanie kasi parang mahinhin, sweet at malambing ba yung nai-imagine ko, hindi parang siga sa kanto,” nang-aasar na sabi ni Vincent.

Advertisement

“Ay ganon? Personalan tayo dito?” mataray na sagot naman ni Steffanie.

“I don’t need your resumé. You’re hired!”

“Ha? Iyon na yun? Tanggap na ako?” gulat na tanong ng dalaga.

“Yes. You will work as my assistant. Iyon ang trabahong inaaplayan mo di ba? You can start tomorrow. Thanks!”

Hindi naman makapaniwala si Steffanie sa mga nangyayari. May ibang plano si Vincent kaya tinanggap siya nito kaagad.

Kinabukasan nagsimula na nga ang dalaga sa unang araw ng trabaho, pero ang masayang araw sana ay napalitan ng galit at pagkainis. Halos gawin kasi siyang katulong ni Vincent sa dami ng utos. Pati paghahanap ng gatas ng kalabaw ay inutos na din sa kanya.

Alam niyang parte ito ng pag ganti sa kanya ng binata. Ginagantihan siya nito dahil sa pananakit niya noong isang araw. Dumaan pa ang mga araw at linggo, pero patindi ng patindi ang pagpapahirap sa kanya ng binata. Halos maiyak na si Steffanie sa tindi ng pagod na tinatamo sa araw-araw.

“Steff, hindi raw makakapasok si Sir Vincent. Since assistant ka niya, ikaw ang magdala nitong files sa condo niya,” pakiusap ng katrabaho sabay abot ng makakapal na papel.

Advertisement

Walang magawa ang dalaga kundi gawin ang trabaho kahit na napipilitan. Pagdating niya sa condo ng boss niya, dahan-dahan siyang pumasok. Napakalinis at mabango pala ang condo na tinitirahan ni Vincent.

Bigla niyang napansin ang lalaking balot na balot sa puting kumot habang umuubo sa isang sulok.

“Sir, eto na po yung documents na kailangan niyo. Aalis na po ako,” nagmamadaling pagpapaalam ni Steffanie.

Hindi kumibo si Vincent at nagpatuloy lang sa pag-ubo. Napansin ng dalaga ang panginginig nito mula sa kumot.

“Ayos ka lang ba sir?” dahan-dahan siyang lumapit dito at laking gulat niya nang makitang pulang-pula ang mukha ng binata. Idinikit niya ang likod ng kanyang palad sa noo nito at halos mapaso siya sa init na nanggagaling sa katawan ng binata. “Ang taas ng lagnat niyo sir!”

Nagmadaling kumuha ng bimpo at malamig na tubig si Steffanie at saka pinunasan ang lalaki. Kumuha din siya ng bagong damit at saka ito pinagbihis. Halos lumuwa naman ang mata niya nang makita ang magandang katawan ng lalaki.

“Grabe, wala bang kanin?” mahinang bulong niya habang nakatingin sa abs ng binata.

Matapos punasan, magpalit ng damit, at painumin ng gamot ay nakatulog naman ang binata. Pinagmamasdan ni Steffanie ang gwapong lalaki habang nahihimbing ito.

Advertisement

“Para ka palang bata pag tulog. Ang cute-cute mo. Para kang anghel,” may kung anu sa kalooban niya ang tila ba kinuryente habang tinitignan ang tulog na binata.

“Steffanie…” mahinang bulong ni Vincent.

“Yes sir?”

“Thank you…”

Parang lumundag naman ang puso ng dalaga sa narinig. Ito ang unang pagkakataon na nagpasalamat sa kanya ang binata. Tatayo sana siya noon subalit kinuha ni Vincent ang kamay niya tsaka hinila papalit sa binata.

Napalunok na lamang siya ngayong nakahiga na siya kaharap ang binata. Sinubukan niyang umalis subalit hindi niya magawang makakalas mula sa pagkakayakap ng binata.

“Please stay. Don’t leave me…” mahinang sambit ng binata habang nakapikit.

Tumakbo ang oras ng hindi namamalayan ni Steffanie na nakatulog na din pala siya sa tabi ng gwapong binata. Pagmulat niya mata, sikat na ang araw at wala na din sa higaan si Vincent. Tinignan agad niya ang katawan niya kung may saplot siya.

Advertisement

“Wag kang feeling dyan ha? Wala akong ginawa sayong masama. Akala mo naman ang ganda mo?!” bungad na pang-aasar ni Vincent.

“Wow! Good morning din sayo ha?!” mataray na tugon naman ni Steffanie.

“Maghalimos ka na muna tapos saluhan mo akong kumain. Nagluto ako ng breakfast,” pag-anyaya ng binata.

Sabay silang kumain ng umagahan. Nalaman ni Steffanie na mag-isa lang pala sa bahay si Vincent. Wala siyang kasambahay na maaaring mag-intindi kaya kawawa pala ito kung hindi siya dumating kahapon.

“You don’t have to go to work today. Excuse ka dahil inalagaan mo ako. After mo dyan, maligo ka then I’ll take you home.”

“Hindi na kailangan. Magbibiyahe na lamang ako. Salamat,” pagtanggi ng dalaga sa alok ng binata.

“Wag ka nang maarte. Feeling mo ba ikagaganda mo yan?” muling pang-aasar ni Vincent.

Kahit na mapang-asar pa rin si Vincent, tila ba may nagbago dito. Para bang naging malambing ito at lumabas ang mabait na parte ng kanyang pagkatao.

Advertisement

Habang nasa byahe pauwi, hindi mapigilan ni Steffanie na mapatingin sa binatang nagmamaneho. Matapos niyang makita ang mabubuting parte ni Vincent, may nag-iba din sa kanya. Parang kinukryente siya sa tuwing tumititig o nadadampian siya ng binata. Hindi kaya nahuhulog na siya dito?

Nang makarating sa tahanan nila Steffanie, hindi inaasahan ni Vincent ang nasaksihan niya. Nakatira lamang pala ang dalaga sa isang maliit na bahay kasama ang apat na kapatid at ina nito. Si Steffanie ang panganay at ang breadwinner ng pamilya. Siya na ang kumakayod para sa mga mahal sa buhay dahil inabandona sila ng kanilang ama.

Nakatitig lamang ang binata habang masayang iniintindi ng dalaga ang mga kapatid nito. Bukod sa mataray na persona na ipinapakita ni Steffanie sa trabaho, nagkukubli pala ang malambot at mabuti nitong puso. Hindi naman mapigilang ngumiti ni Vincent sa pagkamangha sa taglay na kagandahang loob ng dalaga.

Napakasimpleng tao lamang pala ni Steffanie. Ibang-iba kumpara sa mga babaeng nakilala niya noon. Tunay ngang naiiba ang dalagang ito sa lahat.

Doon nagsimulang lumalim ang kanilang pagkakaibigan na hindi naglaon ay nauwi din sa pag-iibigan. Araw-araw sinusuyo ni Vincent ang dalaga hanggang sa makuha niya ang loob at matamis nitong ‘oo.’

Mabilis nakasundo ng binata ang pamilya ni Steffanie, at ganoon na lamang din kabilis na nakuha ng dalaga ang loob ng magulang ni Vincent.

Hunyo noong 2017 nagpakasal ang dalawa. Kahit na mag-asawa na, hindi pa rin nawala sa kanilang sistema ang palagiang pag-aasaran.

“Nakatitig ka na naman sa’kin. Nagagandahan ka sakin no?” tanong ni Steffanie sa kanyang mister na nakatingin sa kanya.

Advertisement

“Wag kang feelingera! Ikaw nga diyan yung halos tumulo ang laway sa’kin,” pang-aasar naman ni Vincent.

“Ako ba talaga? Kaya pala hinalikan mo ako sa noo at labi nung nagkasakit ka noong assistant mo pa lang ako. Sabi ko na nga ba pinagnanasahan mo ako noon pa man,” balik naman ni Steffanie sa kanyang asawa.

“Wait, alam mo yun? Bakit ngayon mo lang sinabi?” namumula ang mukha ng lalaki sa sobrang hiya na nararamdaman.

“O eh di tama ako. Matagal ka na ngang nagnanasa sa’kin di ba?” natatawang balik naman ng babae.

“Bakit hindi ka pumalag nun? Ibig sabihin gusto mo din!” humagalpak ng tawa naman ang masayang mister habang inaasar ang kanyang misis.

Lumapit si Vincent sa kanyang asawa at saka madiin itong hinalikan sa labi. “Mahal na mahal kita, Steff. Konting panahon na lang masisilayan na natin ang baby natin,” malambing na sabi ng lalaki.

Bigla namang sumipa ang bata mula sa sinapupunan ni Steffanie, “o iyan ha? Mahal na mahal ka din daw niya sabi ni baby!” at saka sila nagtawanan.

Mala-aso’t pusa man ang relasyon ng dalawa, pero kahit kailan ay hindi nawala ang pagmamahal nila sa isa’t isa. Nagsimula man ang kanilang tagpuan sa hindi magandang pangyayari, alam naman nilang dalawa na magtatapos ito ng masaya at sila ang magkasama hanggang sa huli.

Advertisement