Hinarang Mo ang Pangarap Ko

Isang accountant si Agnes sa pinapasukang opisina Marami nang nagawa ang babae na nakatulong ng malaki sa kumpanya . Bukod pa doon ay isa siyang masipag at responsableng empleyado.

Sa loob ng limang taon ay sa trabaho lang umiikot ang mundo niya. Hindi rin siya kailanman nahuli sa pagpasok sa opisina. Hindi din siya lumiliban sa trabaho kahit pa masama ang kanyang pakiramdam o may emergency sa kanilang tahanan.

Sa dedikasyon ng babae sa trabaho ay inaabot ito ng gabi, tinatapos nito ang mga kailangan na gawin nang lampas sa itinakdang oras. Kilala rin siya sa pagiging matulunging empleyado, dahil kahit hindi sakop ng trabaho niya ay agad siyang tutulong kung kinakailangan. Kaya naman sa taong iyon ay napasama siya sa nominasyon bilang isa sa pinakamahuhusay na empleyado.

“Babe, may maganda akong balita sa iyo, kasama ako sa mga nominado sa pinamagaling na empleyado ng taon sa aming kumpanya,” wika ni Agnes sa asawa niyang si Donald.

“Talaga? Congrats babe! Napakagaling naman ng mahal ko!”sagot ng mister na halatang masayang-masaya sa sinabi ng misis.

“Hindi nga ako makapaniwala, e. Sa dami ng empleyado sa opisina ay napasama pa ako? Isang malaking karangalan para sa akin na mapasama sa sampung pinagpipiliang empleyado ng taon. Kahit naman hindi ako manalo okay lang sa akin at least napasama ako sa nominasyon,” sabi pa ni Agnes habang naghahapunan sila kahit pa sa loob-loob niya ay nangangarap din siyang makuha iyon.

Dalawang taon pa lang na kasal ang mag-asawa at mayroon na silang isang anak na babae.

Dumating ang araw ng pagpapakilala sa natatanging empleyado ng taon. Agad itong inanunsyo ng kanilang HR Head.

Advertisement

“Ang ating Employee of the Year ay iginagawad kay Gina Alcantara,” hayag ni Mr. Teocson, ang kanilang HR Head.

Si Gina ay apat na taon na sa kumpanya at nagpamalas ng galing at mahusay na serbisyo sa trabaho,” saad pa ni Mr. Teocson sabay abot ng tropeyo at nakasobreng pera sa babae. Isinabit din sa dingding ang litrato ng nagwaging empleyado kasama ng iba pang nagwagi mula noong taong 1990 hanggang sa kasalukuyan.

“Di bale, darating din ang araw na mapapasama rin ako sa mga magagaling na empleyadong iyan. Matutupad din ang pangarap ko,” bulong ni Agnes sa sarili.

Dumaaan muli ang isang taon at napasama na naman siya sa mga nominado para sa pinakamahusay na empleyado ngunit hindi pa rin siya pinalad na mapili ngunit ang mga naging nominado ay binigyan ng kanya-kanyang sobre na may lamang pera. Pag-uwi sa bahay ay agad niya iyong ikinuwento sa asawa.

“Babe, tingnan mo at nakatanggap ako ng sobreng may pera dahil kasali ulit ako sa mga nominado sa mahuhusay na empleyado. Sayang nga lang at hindi ako ang napili bilang empleyado ng taon, e di sana ay mas malaki ang nakuha kong pera. Mababayaran na natin ng buo ang tinitirhan nating bahay. Wala na sana tayong bayarin na iisipin, “ nanghihinayang na sabi ni Agnes sa mister.

“Babe, okay lang iyan. Marami pa namang pagkakataon, e. Malay mo sa susunod na taon ay ikaw na ang makuha di ba? Huwag mo intindihin ang pagbabayad sa kinuha nating bahay at lupa dahil ako ang bahala dun. Hindi mo man makuha ang tropeyong iyon, para sa amin ng anak mo, ikaw ang pinakahuwarang ina at asawa,” malambing na wika ni Donald sabay yakap nang mahigpit at halik sa pisngi ni Agnes.

Lumipas na naman ang isa pang taon at napasama na naman siya sa nominasyon ngunit hindi pa rin siya napili ng kanilang kumpanya. Nagdaan pa ang dalawang taon ngunit mailap pa rin sa kanya ang tropeyo.

“Agnes, taon-taon kang napapasama sa nominasyon para sa empleyado ng taon pero hanggang ngayon ay hindi ka pa rin nananalo. Sa mga empleyadong matatagal na sa kumpanya ay ikaw na lang ang hindi pa napipili,” wika ng pinakamatalik na kaibigan ni Agnes sa opisina na si Jasmin.

Advertisement

“Oo nga e, hanggang nominasyon na lang yata ako,” sagot ng babae sa kaibigan.

“Ang hina yata ng kapit mo sa taas, e. Lapitan mo kaya si Fiona at itanong mo kung bakit hindi ka nananalo,” pabirong wika ni Jasmin.

Si Fiona ang kanang-kamay ng presidente ng kumpanya kung saan sila nagtatrabaho. Alam nito ang lahat ng desisyon ng nakatataas dahil parati itong kasama sa mga pagpupulong.

Sinunod nga ni Agnes ang payo ng kaibigan at kinausap ang babae.

“Ma’am Fiona ang ganda mo naman ngayon! Aminin mo, luma-lablayp ka ‘no?” pabiro niyang tanong rito.

“Naku, Ma’am Agnes binobola mo naman ako, e. Teka, bakit ka naman napadaan dito at ano ang maitutulong ko?” tanong ng babae.

“Naku wala lang. Naisip ko lang kasi, ilang beses na akong napapasama sa nominasyon para sa empleyado ng taon ay hindi pa rin ako mapili, baka kako alam mo ang sagot?” tatawa-tawang tanong ni Agnes.

“Iyon ba? Naku, huwag ka na lang maingay ha, pero mukhang may nananadyang hindi ka piliin,” anito.

Advertisement

“Ha, s-sino naman?”

“Ang isa sa pinakamataas na miyembro ng board na si Ma’am Dorothy Advincula,” bunyag ni Fiona.

Tila binuhusan ng malamig na tubig si Agnes sa sinabi ng kausap. Ang tinutukoy kasi nitong Dorothy Advincula ay ang dating nobya ng kanyang asawa na si Donald. Dati rin nagtatrabaho doon ang kanyang mister at kasalukuyang kasintahan pa nito ang babae. May kumalat noon na tsismis na may iba raw lalaki si Dorothy habang nobyo pa nito si Donald. Maugong rin ang bali-balita na ang kalaguyo nito ay isa sa may pinakamataas na katungkulan sa kumpanya kaya nauwi ang relasyon ng lalaki at ng babae sa hiwalayan. Ilang taon ang lumipas at nagkakilala sila ng lalaki. Bago pa lang siya noon sa kumpanya. Agad silang nagkapalagayan ng loob at nagka-ibigan. Minabuti ni Donald na umalis doon at lumipat ng ibang kumpanya upang makaiwas na rin sa tsismis at kay Dorothy. Sinabi pa sa kanya ni Fiona na hinaharang ng babae ang pagpili sa kanya mula noong una siyang napasama sa nominasyon hanggang sa kasalukuyan. Ang hinala nito ay hindi pa rin matanggap ng babae na sila ang nagkatuluyan na mag-asawa. Sa madaling salita, ‘bitter-bitter-an pa rin ito.

Sa nalaman ay agad niya iyong ipinaalam sa kanyang boss. Ikinuwento nito ang sinabi ni Fiona kung bakit hindi siya nananalo at nadismaya ito sa nalaman. Pinayuhan siya nito na huwag na lang daw ipagsabi ang nalaman niya dahil baka mas lalo siyang pag-initan ng babae. Hindi kasi nila maaaring ireklamo ng basta-basta si Dorothy dahil isa ito sa pinakamatagal na sa kumpanya at hawak nito ang posisyon bilang bise presidente kaya mahirap itong banggain.

Pag-uwi sa bahay ay ikinuwento niya sa asawa ang natuklasan.

“Imposible na yatang masungkit ko ang taon-taong parangal na iyon, kung taon-taon din akong ilalaglag ni Dorothy. Hanggang ngayon ay hindi pa rin siya nakakalimot. Hindi pa rin niya matanggap na ako na ang asawa mo ngayon at tayo na ang nagmamahalan. Mas mabuti pa sigurong lumipat na lang ako sa ibang kumpanya, tutal kahit anong gawin kong pagsisipag at pagtatrabaho ng maayos ay walang saysay dahil sa ginagawa niyang pagharang sa akin,” masamanng loob niyang sabi sa mister.

“Hindi ko akalain na ganoon pala ang gagawin niya. Nagbago na siya, hindi na siya ang Dorothy na kilala ko. Hayaan mo, babe kung ano ang maging desisyon mo ay susuportahan ko. Kung para sa iyo ay hindi ka na masaya sa pinagtatrabahuhan mo, hindi kita pipigilan na umalis. Mas masarap magtrabaho kung alam mo na binibigyang importansiya ka rin ng kumpanyang pinag-aalayan mo ng dedikasyon, galing at sipag,” sagot ni Donald sabay yapos sa kanya.

Nagtagal pa si Agnes ng isa pang taon sa trabaho habang naghahanap ito ng malilipatan habang nag-iipon. Gaya ng dati, nang sumapit ang pagbibigay ng tropeyo para sa empleyado ng taon ay napasama ulit siya sa nominasyon ngunit gaya ng inasahan ay hindi na naman siya nanalo. Sa isip niya ay dahil iyon kay Dorothy. Matapos iyon, sa suporta ng kanyang asawa at paulit-ulit na pag-iisip kung tama ba ang gagawin ay nabuo rin ang pasya niya at tuluyan na ngang umalis ang babae sa kumpanyang matagal rin niyang pinagsebisyuhan.

Advertisement

Dahil sa kanyang husay ay agad siyang natanggap sa inaplayang kumpanya. Ginamit niya ang kanyang inipong karanasan at natutunang aral sa dating trabaho kaya naman makalipas ang dalawang taon ay agad siyang napili bilang empleyado ng taon sa bagong kumpanya.

Mabilis na na-promote si Agnes at mas lumaki pa ang kanyang sahod dahil doon ay nabayaran na nila ang bahay at lupa na matagal na rin nilang hinuhulug-hulugan. Naging sunud-sunod din ang pagkilalang ibinigay sa kanya sa nilipatang kumpanya. Mula noon ay wala na silang naging balita kay Dorothy. Kinalimutan na rin nila ang mga ginawa nito sa kanya sa dating kumpanya.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!