Isang Sikat na Artista ang Sinugod ng Ginang dahil sa Pagiging Kabit Nito, Hindi Niya Akalaing Malaki Pala ang Utang na Loob Niya Rito

Isang Sikat na Artista ang Sinugod ng Ginang dahil sa Pagiging Kabit Nito, Hindi Niya Akalaing Malaki Pala ang Utang na Loob Niya Rito

InspiringStoriesSuccess

“Nandito na pala ‘yung babaeng pinagsawaan ng asawa,” pangungutya ni Dianne.

“Eh ikaw anong klaseng babae ka?! Akala ko ay kaibigan kita. Pero inaahas mo pala ang asawa kong si Alfredo habang nakatalikod ako!” galit na sinabi ni Precious bago sampalin si Dianne.

“Okay! Cut! Good take! Pack up na tayo ngayon guys,” ang sabi ng Direktor na nagshushoot ng teleserye.

Matapos ang shooting ay sinubukan nang lumapit ng mga naka-antabay na mga tagahanga sa mga aktor ng teleserye. Mabilis nilang nalapitan ang bidang si Precious upang makapagpapicture at magpa-autograph.

Nakipagyakapan at chikahan pa ito sa kaniyang mga tagahanga habang si Dianne naman ay lalapitan pa lang ng mga tao ay umiwas na ito at nagmamadaling umalis ng set.

“Grabe, isnabera pala ‘yang si Dianne at mukhang maldita pa sa totoong buhay,” sabi ng isang tao na nagbalak na lapitan si Dianne.

“Oo nga, akala mo naman ay ganun na siya kasikat. Feeling niya ang layo na nang narating niya,” ang sabi pa ng katabi nito habang pinagmamasdan ang pag-alis ni Dianne.

Pagkasakay ng sasakyan ni Dianne ay pinagmamadali niyang umalis ang kaniyang driver upang pumunta sa isang grocery. 

Matapos nitong mamili ng mga prutas ay nagmamadali ito upang makabalik agad ng sasakyan nang biglang hinablot ng isang ginang ang buhok ni Dianne.

“Hoy malanding babae ka! Ang kapal ng mukha mo na akitin si Alfredo! Alam mo namang may asawa na siya at matalik na kaibigan mo pa!” ang sabi ng ginang habang patuloy na hinahablot ang buhok ni Dianne.

Nang makita ito ng assistant ni Dianne ay agad niyang inawat ang Ginang sa paghablot ng buhok ni Dianne. Napalayo man niya ito ay hindi pa rin ito nagpaawat sa pagsasalita: “Nang dahil kasi sa babaeng ‘yan ay parati na lang umiiyak si Precious!” 

“Misis, palabas lang po ‘yon,” paliwanag ng assistant ni Dianne bago dumating ang security.

Huhulihin na sana ang ginang sa pananakit nito sa artista ngunit pinigilan sila ni Dianne. Pinalampas niya ang pananakit nito sa kaniya dahil alam niyang nadala lamang ito sa panunuod ng kanilang teleserye.

Matapos nito ay umalis na sina Dianne at nagmamadaling pumunta sa ospital upang dalawin ang kaniyang ina na kasalukuyang naka-confine dahil sa c*ncer.

“Nanay, pasensiya na po at hindi kita napuntahan kagabi gaya ng pangako ko. Napahaba kasi ‘yung taping namin kaya kanina lang natapos,” saad ni Dianne.

“Binilhan ko nga rin po pala kayo ng mga paborito niyong prutas bago pumunta rito,” dagdag pa nito.

“Wala ‘yun anak. Naintindihan ko naman. Kaya lang si Myka kagabi pa pabalik-balik dito at hinahanap ka na,” ang sabi ng kaniyang ina.

“Sige po. Mamaya ay siya naman ang dadalawin ko,” ang sabi ni Dianne.

Matapos makipagkuwentuhan ni Dianne sa kaniyang ina at nang makatulog na ito ay lumabas siya ng kuwarto upang pumunta sa ward kung nasaan si Myka at iba pang mga batang may c*ncer.

Pagpasok ng ward ay binati agad ng mga bata si Dianne at nakipagkamustahan.

“Ate Anne! Bakit ngayon ka lang po?” ang sabi ng isang batang babae.

“Pasensiya na kayo, galing pa kasi si ate sa trabaho eh. Pero ‘di bale babawi ako ngayon! May pinadeliver akong pagkain para sa ating lahat!” ang sabi ni Dianne bago lapitan ang isang batang babae na tahimik na yakap ang kaniyang manika.

Pagkalapit niya rito ay bigla itong nagsalita: “Ang tagal mo namang magtrabaho. Kagabi pa kita hinihintay para ipakilala sayo si Mama kasi nakauwi na siya mula sa ibang bansa,” ang sabi ng bata na si Myka.

“Sorry na. Huwag ka nang magtampo. Nasaan na ang Mama mo?” paglalambing ni Dianne.

“May binili lang po saglit. Kaya ‘wag ka muna aalis ha? Babalik din daw siya agad,” ang sabi ni Myka.

Maya-maya ay dumating sa ward ang Ginang na nanakit kay Dianne.

“Anong ginagawa mo rito? Mapagpanggap ka talaga! Kunwari hindi mo ako kakasuhan sa ginawa ko sa’yo pero ‘yung may sakit kong anak ang babawian mo?!” malakas na pagkakasabi ng Ginang.

“Mama, magkakilala na kayo ni Ate Anne?” tanong ni Myka.

“Ha? Siya ba ‘yung Ate Anne na parati mong kinukuwento? ‘Yung mabait at parating tumutulong sayo at sa iba pang mga pasyente rito?” tanong ng Ginang na ina ni Myka.

“Opo. Siya nga po ‘yun. Ayan nga po at may pinadeliver pa uli siyang pagkain para sa ating lahat ngayon,” ang sabi ni Myka.

“Pero…” hindi matuloy ng Ginang ang kaniyang sasabihin nang bigla siyang nilapitan ng assistant ni Dianne.

“Misis, ‘yun nga po kasi ‘yung sinasabi ko sa inyo kanina. Palabas lang po ‘yun sa telebisyon. Ibang-iba po ang ugali ni Dianne sa totoong buhay,” pahayag ng assistant ni Dianne.

Napatingin muli ang Ginang sa kaniyang anak at kay Dianne bago mapagtanto na nagkamali siya sa kaniyang inasal. 

Humingi siya ng kapatawaran kay Dianne at tinanggap naman ito ng artista. Mula noon ay hindi na nagpapadala ang Ginang sa mga teleseryeng kaniyang napapanuod bagkus ay pinupuri niya parati sa magaling at kapani-paniwalang pag-arte si Dianne sa tuwing dumadalaw ito sa ospital.

Nang dahil rin dun ay naging numero unong tagahanga at tagapagtanggol ni Dianne ang Ginang lalo na sa mga naninirang puri kay Dianne. Ipinapaalam niya sa mga naninira rito kung gaano kabuting tao ang artista.

Sa kabilang banda naman ay nagpatuloy ang pamamayagpag ng pagiging artista ni Dianne. At nang dahil doon ay mas lumaki ang kaniyang pondo sa pagtulong sa mga c*ncer patient na gaya ni Myka.

More Stories