Inaasar na Unggoy ang Binata dahil sa Hilig Nito sa Saging, May Malalim Pala Itong Kadahilanan

Nasa probinsya ang mga magulang ni Manuel habang siya naman ay dito nag aaral sa Maynila. Ngayon ay graduating na siya sa kursong Education major in Mathematics na di magiging posible kung hindi dahil sa scholarship. Buti na lang, matalino ang binata at matyaga kaya naman sa loob ng apat na taon ay iskolar siya ng bayan. Libre ang kanyang tuition fee at mayroon pang allowance na ibinibigay pangbaon niya.

May ipinadadala rin naman ang kanyang mga magulang pero sapat lang iyon sa dami ng mga projects niya. Ume-extra rin siya bilang crew sa isang fastfood chain para may pangbayad siya sa renta ng kanyang tinitirhang dormitoryo. Napakama-diskarte ng binata, kailangan niyang gawin iyon upang makapagtapos.

“Ate Jenny, bibilhin ko na po iyang saging.” sabi niya sa tindera sa kanilang canteen.

“Ah ito? Sa’yo na lang kung gusto mo. Wag mo nang bayaran, at mabubulok na rin yan. Kahilig-hilig mo talagang bata ka sa saging. Halos ikaw na rin ang nakaubos ng isang piling eh.” nakangiting birong-totoo sa kanya ng tindera. Siya naman kasi talaga ang nakaubos. Hindi kumpleto ang araw niya kapag di siya kumakain ng saging kahit pa naging tampulan na siya ng tukso dahil doon ay di iyon alintana ng binata.

Ayaw niya lang may nakikitang nasasayang na saging.

“Pre, unggoy yata si Dimayuga eh.” pang aasar ng kanyang mga kaklase nang dumaan siya sa harapan ng mga ito.

“Psst, Dimayuga! Ooh ooh-aah aah!” sabi ng mga ito, ginaya pa ang tunog ng isang unggoy. Hindi naman pinansin ni Manuel ang pang-aalaska, wala naman kasing ibang maipang asar sa kanya ang mga ito. Makisig naman kasi siya at matalino pa. Ang pagkahilig niya lang sa saging ang tanging nakikita ng mga ito na maipipintas sa kanya, kahit di naman talaga kapintasan iyon.

“Ahh alam ko na pre, baka bading! Alam mo na, saging is life!” sabi nito at nagtawanan pa. Binilisan na lang ni Manuel ang paglalakad, baka masira lang ang record niya at matanggal ang scholarship kapag pinatulan niya pa ang mga kamag-aral na walang magawa sa buhay.

Advertisement

Dalawang linggo ang kanilang bakasyon kaya naman umuwi si Manuel sa kanilang probinsya, pagbabang-pagbaba niya sa tricycle ay sinugod niya ng yakap ang kanyang ina na noon ay nagtutuhog ng ititinda nitong banana cue.

“Nanay! Na-miss po kita.” malambing na sabi niya rito.

“Ah sus ang anak ko talaga, buti at nakauwi ka. Maayos ang kwarto mo anak. Puntahan mo ang tatay mo, nandoon pa rin sa dati.” sabi ng ginang na napangiti dahil napakabait ng kanilang anak.

Agad na pumunta si Manuel sa kinaroroonan ng kanyang ama at nadatnan niya nga ang matanda na abalang nangunguha ng mga saging. Minasdan niya ang ama, sunog ang balat dahil sa maghapong pagbilad sa arawan. Bukod kasi sa pag-ani nito ng saging na siyang pangunahin nilang ikinabubuhay ay umeekstra rin bilang magsasaka ang kanyang tatay.

Kita sa maugat nitong mga kamay ang hirap na dinaranas sa buhay. Ang paa naman nito ay sugat-sugat habang suot ang lumang tsinelas na ipinamigay lang ng isang kandidatong dumalaw sa lugar nila ilang taon na ang nakalilipas. Ni hindi makabili ng bagong damit ang tatay niya kahit ba iyong mumurahin lang. May edad na ito pero pinipilit pa rin ang katawan na maghanap buhay. Ang mga ito rin ang dahilan kung bakit ayaw na ayaw niyang nagsasayang ng saging, dahil ito ang trabaho ng kanyang mga magulang.

Sa saging siya binuhay ng mga ito, at kapag may natatapong saging pakiramdam niya ay natatapon rin ang hirap at pagod ng kanyang mga magulang.

“Anak, aba teka huy, wag kang lumapit pawis ang tatay babaho ka!” sabi ng matanda na nabigla dahil niyakap siya ng binata.

“Tatay, salamat po sa lahat ng sakripisyo nyo.” bulong niya rito na naluluha pa. Di man sila mayaman, sinuwerte pa rin siya dahil mapagmahal ang kanyang mga magulang.

Advertisement

Naka-graduate si Manuel at isa rin siya sa nakakuha ng pinakamataas na score sa board exam ng mga guro. Doon siya nagturo sa kanilang probinsya. Unti-unti ay naipagawa niya ang kanilang bahay at pinatigil niya na rin sa paghahanap buhay ang kanyang mga magulang. Nais niyang siya naman ang bumawi ngayon.

“Anak, baka naman nauubos na ang pera mo kabibigay sa amin ha?” sabi ng kanyang ina habang inaayos ang meryenda ng mga construction worker na kinontrata nila upang maipagawa ang kanilang tahanan.

“Nay, tay, kulang pa ho iyan sa lahat ng ibinigay ninyo sa akin.” nakangiting tugon niya. Marami pa siyang plano para sa mga magulang at masaya siya na unti-unti nang natutupad ang bawat isa roon. Hiling lang niya sa Diyos na pagkalooban pa sana ng mahabang buhay ang dalawa upang makabawi siya sa lahat ng pagmamahal at sakripisyong ginawa ng mga ito sa kanya.

Pinahid ng matanda ang luhang tumulo sa kanyang mga mata, napakaswerte talaga nila kay Manuel, matalino at marunong sa buhay, higit sa lahat ay napakabuti nitong anak.