Barya Niyo, Para sa Kinabukasan Ko

Pagala-gala sa lansangan araw-araw at nanghihingi ng barya sa mga taong nakakasalubong. Yan ang gawain ng batang si Chokoy para lamang may maipambili ng pagkain sa araw-araw. Wala na siyang mga magulang at nakatira na lamang sa lansangan. Kung saan siya dalawin ng antok ay doon na din siya mismo matutulog.

“Ale, ale, pahingi naman po ng baryo oh,” pahayag ni Chokoy habang nakahawak sa dulo ng damit ng isang ale. Agad naman na lumayo ang ale na para bang nandidiri sa bata. Sinundan naman ito ni Chokoy.

“Ale sige na po, pangkain lang po,” pangungulit niya pa sa ale. Dumukot naman ang ale sa kanyang bulsa at binigyan siya ng limang piso.

“O ayan. Sige na lubayan mo na ako. Ang dumi-dumi mo. Ang baho!” asik ng ale pagkatapos siyang bigyan ng barya. Hindi naman pinansin ni chokoy ang komento nito sa kanyang itsura at nagpasalamat na lamang.

“Salamat po, pagpalain po sana kayo ng Diyos!” saad ni Chokoy bago layuan ang ale.

Ilang tao pa ang hiningan ng barya ni Chokoy para makalikom ng sapat na pera pangbili ng kanyang pagkain sa araw na iyon. Kinapa niya ang kanyang bulsa at kinuha ang singkwenta pesos na nalikom sa panglilimos ng araw na iyon. Bumili siya ng isang kanin at dalawang itlog. Tinabi niya naman ang sobra para bukas sakaling di siya palarin sa panglilimos.

Hindi naman kasi araw-araw ay nakakatsamba siya sa mga taong mapagbigay. Madalas kasi ay iniiwasan at tinatakbuhan siya ng mga nililimusan niya. Hindi niya naman masisisi ang mga ito. Napaka-dungis at mabaho nga naman siya. Sino ba naman ang gugustuhing tumabi at makisalamuha sa taong kalye?

Isang araw, sa kalagitnaan ng tirik ng araw ay naglalakad sa may kalsada si Chokoy ng may nakita siyang rumaragasang sasakyan na tila ba may hinahabol. Sakto naman na may tumatawid na matandang uugod-ugod na.

Advertisement

Awtomatik na gumalaw ang kanyang mga paa at tinakbo ang kinaroroonan ng matanda para itulak ito pabalik sa gilid ng kalsada. Sakto naman na napatigil ang sasakyan kaya naman hindi ganun kalala ang galos na natamo ni Chokoy sa pagkakabunggo.

Pagkamulat ng mga mata ng bata, nasa ospital na siya at may nakakabit sa kanyang kung anu-anong hindi niya mawari kung para saan ba. Sinubukan niya gumalaw pero napa-aray lamang siya sa sakit na naramdamn. Pilit niyang inalala kung ano nga ba ang nangyari sa kanya.

“O, gising ka na pala bata,” saad ng isang lalaking siguro ay nasa-edad kuwarenta.

“Sino po kayo? Ano po ang nangyari sakin?” Magalang niyang tanong sa ginoo.

“Ah, hindi mo ba maalala? Muntik nang masagasaan ng rumaragasang sasakyan ang lolo ko. Mabuti nalang at naitulak mo siya mabalik sa gilid ng kalsada.

Ang kaso ay ikaw naman ang nabunggo. Kaya ayan, kasalukuyan kang nagpapagaling sa mga natamo mong bali at mga sugat,” sagot naman ng ginoo sa tanong ni Chokoy.

“Ganun po ba, maraming salamat po sa pag-aalaga sakin pero kinakailangan ko na pong umalis,” saad ni Chokoy habang hirap na sinusubukang tanggalin ang mga nakakabit sa kanya. Pero agad naman siyang pinigilan ng ginoo.

“Naku, hindi mo pa pwedeng tanggalin iyan,” pagpigil niya sa batang si Chokoy, “bakit? May pupuntahan ka ba?” tanong sa kanya ng ginoo.

Advertisement

“Naku, wala naman po. Ang kaso lang po kasi, wala po kasi akong pangbayad dito sa ospital. Kaya kinakailangan ko na pong umalis bago pa dumating ang mga nars o doktor,” paliwanag ni Chokoy sa ginoo.

“Ha? Ano ka ba? Wag kang mag-alala pa, kami na ang bahala sa lahat ng gastusin dito sa ospital. Kami nga ang dapat na magpasalamat sayo sa pagkakaligtas mo sa aming lolo eh,” nakahinga naman ng maluwag si Chokoy sa narinig mula sa ginoo.

“So bata, ano ba ng kwento mo? May mga magulang ka pa ba? Saan ka nakatira?” sunod-sunod namang tanong nito sa kanya.

“Po? Ah ano po, wala na po akong mga magulang. Ang lola ko nalang po ang nagpalaki sakin. Kaso po nilisan niya na din po ang mundong ito dalawang taon na ang nakalilipas.

Binubugbog lang po ng tiyuhin ko kaya naman po lumayas nalang po at naglakbay hanggang sa mapadpad po ako dito. Syempre po, wala po akong bahay kaya kung saan po ako dalawin ng antok, ay doon na po ako matutulog.

Nanglilimos naman po ako ng barya sa kung sinu-sino lang araw-araw para may makain. Kahit naman po papaano ay may mga busilak pa naman po ang mga kalooban kaya kahit papaano ay nakakakain po ako at hanggang ngayon ay humihinga pa,” sagot ni Chokoy mga tanong ng ginoo.

Naluha naman ang lalaki sa kwento ng buhay ng batang si Chokoy. Hindi talaga patas ang mundo, kung sino pa ang may mga busilak na kalooban, sila pa ang lubos na nahihirapan.

“Sobrang nakakalungkot naman pala ng kwento ng buhay mo,” komento ng ginoo sa buhay ni Chokoy.

Advertisement

“Wag kang mag-alala, kung pahihintulutan mo, bilang kapalit ng kabayanihang ipinamalas mo sa pagsasagip sa aming lolo ay tutulungan ka namin,” nakangiting saad ng ginoo kay Chokoy na hindi naman makapaniwala sa kanyang narinig.

“Talaga po?” paninigurado ng bata sa kanyang narinig. Tumango naman ang ginoo bilang sagot sa tanong nito.

“Naku, hindi na po ako tatanggi. Maraming salamat po! Hindi ko na po kayo bibiguin!” pangako naman ng batang lansangan sa ginoong kausap.

Kinupkop nga ng pamilya Go ang batang lansangang si Chokoy at pinag-aral. Tinuring nila itong bahagi din ng kanilang pamilya. Hindi naman binigo ni Chokoy ang pamilyang kumupkop sa kanya at nag-aral siya ng mabuti hanggang sa nakapagtapos siya at naging isang ganap na guro.

Paminsan-minsan ay nagpupunta sa isang parke si Chokoy malapit sa tahanan nila at tinuruan ng libre ang mga batang lansangan. Umaasa na gaya niya, maabot din ng mga ito ang mga pangarap nila balang araw.