Ipinagkatiwala Ng OFW ang Mga Anak sa Lola ng Mga Ito, Sugarol at Pabaya Pala ang Matanda

Nakaupo sa labas si Jenevy at nakatingin sa kawalan, habang hawak ang ilang pirasong papel. Mga papel na naglalaman ng petsa at detalye kung kailan siya lilipad patungong ibang bansa.

Nag apply siya bilang isang Domestic Helper sa kilalang agency. Labag man sa kalooban ay kinakailangan niyang umalis at magtrabaho para sa pamilya.

Hiwalay sa asawa si Jenevy at hindi na rin nagbibigay ng sustento ang dating mister. Ang balita niya’y nakatira na ito sa malayo kasama ang kabit.

Malungkot ma’y kailangan niyang iwanan ang mga anak upang mabigyan ito ng maganda kinabukasan. Dalawa ang anak niya, ang panganay na si Roselyn, labing isang taon gulang at ang bunsong si Toto na tatlong taong gulang.

Dumating na ang araw ng kanyang pag-alis. Masakit pero kailangan. Iniwanan niya ang kanyang mga anak sa kalinga ng kanyan nanay na si Diding.

“Nay, kayo na ang bahala sa mga anak ko. Wag niyo po silang papabayaan ha?” Umiiyak na sabi ni Jenevy habang nakatayo sa labas ng airport.

“Oo, ako na ang bahala. Mag-iingat ka doon anak ha?” Tugon naman ni Nanay Diding.

“Mama, wag ka nang umalis…” Pakiusap ni Roselyn na umiiyak na din.

Advertisement

Lumuhod si Jenevy at hinawakan sa mukha ang anak.

“Kailangan na mama eh. Basta magpapakabait ka ha? Alagaan mo si Toto. Ilang tulog lang, nandito na ulit si mama.” Umiiyak ngunit ipinapakita ni Jenevy ang pagiging matatag.

Kinuha na niya ang maleta, at tuluyan nang pumasok sa loob ng airport. Pinilit niyang huwag lumingon kahit na naririnig niya ang pagtawag ng kanyang anak.

“Mama! Mama!” umiiyak na sigaw ni Roselyn. “Mama ko!”

Gustuhin man niyang tumingin ay hindi niya magawa. Baka hindi niya kayanin na umalis pag ginawa niya ito. Napakasakit na mawalay sa pamilya, pero kailangan.

Kakaunting halaga ng pera at lakas ng loob lamang ang baon ni Jenevy. Hindi niya alam kung anong magiging buhay niya o ano ang ugali ng magiging amo niya.

“Bahala na… Panginoon ko, Ikaw na ang bahala…” Bulong niya habang nakaupo sa eroplano. Umiiyak pa rin siya, ngunit ito lamang ang paraan para maiahon ang pamilya.

Matapos ang siyam na oras ay lumapag na ang eroplano. Nasa Saudi Arabia na siya. Milya-milyang layo sa Pilipinas. Wala kakilala, walang pamilya, tanging ang pag-asa na makakabangon mula sa kahirapan lang ang tangi niyang kasama.

Advertisement

Dumating siya sa bahay ng amo niya. Malaki ang bahay, at mayroon siyang dalawang aalagaan, isang lalaki na limang taong gulang at batang babae na tatlong taong gulang din.

Noong una’y naging mahigpit ang amo niya sa kanya. Wala siyang day off, bawal ang cellphone at kinuhaan ng passport.

Naging mabait naman sa kanya ang mga alaga. Tinuring niya itong parang sariling anak na rin. Hindi naman kasi nagkakalayo ang mga edad nito sa anak niya.

Ilang gabi ang lumipas na umiiyak siya bago matulog. Gustong-gusto na niyang umuwi. Dahil sa sobrang lungkot, ngunit kailangan niyang magtiis ng dalawang taon dahil sa pinirmahang kontrata.

Naging masipag siya sa trabaho. Sobrang maalaga sa mga bata na anak ng amo niya at mabait na katiwala.

Matapos ang isang buwan, binigyan siya ng kanyang amo ng bagong cellphone na may kasamang sim card na doon ay nabibili.

“Thank you sir! Thank you madam!” Malaking ngiti niyang pasasalamat.

“You deserve it! You’ve been good to us especially to our kids. Keep up the good work Jenevy!” tuwang-tuwa na papuri sa kanya ng mga amo.

Advertisement

Mayroon na siya ngayong day off at malaya naman nang nakalabas paminsan-minsan. Sipag at tiyaga ngayon ang kanyang puhunan sa trabaho.

At dahil mayroon na ngang bagong cellphone, tumawag siya sa ina upang mangumusta.

“Nay? Nay kumusta po?” Mangiyak-ngiyak niyang bati.

“O Jenevy. Ayos naman. Ikaw kumusta ka dyan? Mabait ba ang mga amo mo?” Tanong ng matanda.

“Opo Nay. Ang mga bata kumusta po? Pwede ko ho ba silang makausap?”

“O eto si Roselyn.”

“H-hello Mama?” Tila ba gumaan ang pakiramdam ni Jenevy nang marinig ang boses ng anak.

“Roselyn anak, kumusta? Miss na miss ka na ni mama.” Masayang bati ni Jenevy.

Advertisement

“Okay naman po ako mama. Uwi ka na mama. Miss na kita.” Malungkot na saad naman ng bata.

“Konting tiis lang anak ha? Konting tiis lang.”

Ilang kaarawan at okasyon pa ang lumipas , napakalungkot ni Jenevy dahil miss na miss na niya ang pamilya.

Isang araw ay narinig niyang tumutunog at cellphone niya. Nakita niya ang pangalan ng nanay niya. Ibang kaba ang bumalot sa kanya ng makita ang tawag na iyon.

“Hello, nay?” Kabado niyang tanong.

“Nako Jenevy! Si Roselyn nahagip ng tricycle kanina. Nabalian ng buto at kailangang operahan kaagad! Kailangan ng malaking pera ngayon.” Masamang ibinalita ng kanyang ina.

“S-sige ho nay. Gagawa ako ng paraan. Kayo na po ang bahala sa anak ko.” Naiiyak na sagot niya.

Umiiyak na lumapit si Jenevy sa amo. Nagmakaawa ito na i-advance na ang kanyang sweldo ng anim na buwan dahil may emergency sa kanila. Maluwag naman na pumayag ang amo at pinagbigyan siya.

Advertisement

Kaagad siyang nagpadala ng pera sa Pilipinas upang maipadoktor agad ang anak.

“Nay, kumusta na si Roselyn? Nakuha niyo na ba ang pera?” Tanong niya habang kausap ang ina sa telepono.

“Wag ka nang mag-alala. Okay na siya. Na-operahan na at nagpapagaling na.”

Tila ba nakahinga siya ng maluwag nang marinig iyon. Naging madalas ang kanyang pagtawag upang kumustahin ang kanyang anak, di bale nang maubos ang load makasiguro lamang na ayos ang anak.

Ipinagtataka lamang niya na sa tuwing tumatawag siya upang kausapin ang anak eh laging may dahilan ang kanyang ina para hindi makausap ito. Ayaw niyang mag-isip ng masama ngunit pakiramdam niya ay may mali.

Tumawag siya isang araw at swerteng si Roselyn ang nakasagot.

“Roselyn anak. Kumusta ka na? Okay ka na ba? Kumusta na yung opera sayo?” Nag-aalalang tanong niya.

“Okay naman ako ma, pero sino pong inoperahan ma? Kasi wala naman pong nangyayari sa akin dito.” Naguguluhang sagot ng anak.

Advertisement

“Hindi ka na-operahan anak?”

“Hindi po. Mama, umuwi ka na. Si lola kasi laman lagi ng tong-its at pasugalan dito. Hindi na ako nakakapasok kasi hindi na nagbibigay ng baon. Lagi pa kami pinapalo at sinasaktan ni lola. Mama umuwi ka na please.”

Hindi na nakakibo si Jenevy at ibinaba na lang ang tawag. Hindi niya alam kung anung dapat maramdaman niya sa kanyang mga narinig.

Hinanap niya ang notebook na dala kung saan nakalista ang mga numero ng mga kamag-anak at malapit na kaibigan. Pinindot niya ang numero ng kumare at kapitbahay na si Mina.

“Mare, si Jenevy ito. Kumusta?” Bati niya.

“Okay naman ako mare. Bakit napatawag ka?”

“Gusto ko lang sanang malaman kung ano ba talaga ang sitwasyon ng mga anak ko?”

“Ang totoo niyan mare, dito nakikikain minsan ang mga anak mo, mga namamayat na nga eh. Ang nanay mo kasi nahuhumaling na sa sugal.” Pagsusumbong ni Mina.

Advertisement

“G-ganun ba? Sige mare. Salamat.” Ibinaba niya agad ang tawag.

Nanlumo naman si Jenevy sa narinig. Sobrang awa ang nararamdaman niya para sa mga anak, at galit naman na namumuo para sa ina. Nasa malayong lugar siya, walang pera dahil ipinadala na lahat at mag-isa lang. Tapos lolokohin lang pala siya ng sarili niyang ina.

Ilang buwan pang nagtiis si Jenevy at sa wakas makakapagbakasyon na siya. Wala siyang pinagsabihan tungkol sa kanyang pag-uwi.

Sobrang kasabikan ang nararamdaman niya ngayon. Sa wakas ay makakapiling na ang mga anak. Baon lamang niya ang natitirang isang buwan na sweldo at iilang pasalubong.

Habang naglalakad sa eskinita malapit sa kanilang bahay at natanaw niya ang batang babae na naglalaro ng piko, sa kabilang banda naman ay batang lalaki na naglalaro ng jolen.

Nang makita ng mga anak ay agad siyang nilapitan ng mga ito. Naiyak si Jenevy at labis ang pagksabik sa yakap ng mga bata.

“Mama! Mama!” Sigaw nila.

“Mga anak ko.” Umiiyak niyang sambit.

Advertisement

Pumasok sila ng bahay at nagulantang siya sa nakita. Napakagulo ng bahay, sabog-sabog ang mga gamit at ang baho.

Nadatnan din niya wala ang ina. Pumunta siya sa kusina ang nakita ang kanin, toyo at mantika sa lamesa.

“Diyos ko. Eto ba ang inuulam ng mga anak ko?” bulong niya sa sarili.

Tinititigan lamang niya ang mga anak. Ang dudungis at sobrang papayat ng mga ito. Halos buto’t na lamang kung titignan. Awang-awa siya sa mga anak.

Nakatitig lamang siya sa kanila at di namamalayang tumutulo na ang kanyang luha.

“Anong klaseng ina ba ako? Umalis ako para sa mga anak ko, pero eto pala ang kapalit ng lahat ng iyon.” Bulong niya sa sarili.

Lumapit ang kanyang bunsong anak at pinunasan ang kanyang luha. Lalong parang kinurot ang kanyang puso.

Maya-maya pa ay dumating na ang kanyang ina. Gulat na gulat naman ito nang makita na nasa bahay na si Jenevy.

Advertisement

“J-Jenevy?” Gulat na tanong ng matanda.

Lahat ng galit na naipon kay Jenevy ay tila ba granadang sumabog ngayon. Pinalabas niya muna ang dalawang anak at inutusang bumili muna ng makakain.

“Anong klaseng tao ka nay? Bakit ginanito niyo ang mga anak ko ha? Anong ginawa niyo nay!?” Galit na galit niyang tanong.

“Lahat ng perang ipinadala ko sa inyo, pinagpaguran ko yun nay, tapos lolokohin niyo lang ako? Bakit minaltrato niyo ang anak ko? Ano? Dahil nasilaw kayo sa pera?” Dagdag pa niya.

“Sorry Jenevy…” Takot na tugon ng ina niya.

“Ina rin kayo nay! Bakit!? Ina kita pero ginanito mo ako?” Galit na galit niyang tanong.

Nagwala si Jenevy at ihinagis lahat ng nasa harapan niya. Ibinato niya lahat ng kanyang makakapitan.

“Umalis na kayo nay! Umalis ka na!” Sigaw pa niya.

Advertisement

Nagmamadaling umalis ang nanay at mula noo’y wala na siyang naging balita dito.

Matapos ang isang buwan na bakasyon ay kailangan na niyang muling bumalik sa abroad.

Ipinagkatiwala muna niya ang mga anak sa kumareng si Mina upang tignan ang mga anak. Binigyan din niya ng cellphone si Roselyn upang kung anuman ang mangyari at matatawagan siya nito.

Naging mabait naman ang kumare niyang si Mina sa mga bata at inaruga naman ito. Lumipad muli si Jenevy patungong Saudi.

Ilang araw, linggo at buwan pa ang lumipas, at sa wakas huling isang linggo na lang ng kontrata niya.

“Ilang tulog na lang anak, at nandyan na ulit si mama. Promise ko sa’yo palagi na tayong magkakasama. Hindi na ulit aalis si mama.” Saad niya sa anak habang kausap sa telepono.

May sarili na siyang ipon, na sapat naman upang makapagsimula ng negosyo pag nakauwi. At sa nalalapit na pag-uwi niya, sinisuguro niyang tanging sa pag-aaruga ng sariling anak na lang niya uubusin ang panahon niya.

Hindi na niya nakausap ang kanyang ina simula noon, pero alam niya sa sariling napatawad naman niya ito.