Pumasok sa Iba’t-ibang mga Trabaho ang Binata Para Makapagpadala ng Pera sa Probinsiya; May Katuturan nga ba ang Lahat ng Paghihirap Niya sa Maynila?

Nang makapagtapos sa elementarya si Caloy ay agad siyang sumabak sa pagtatrabaho sa kanilang palayan sapagkat ‘di na siya kayang pag-aralin pa ng kaniyang mga magulang. Mas kailangan nila umanong kumita ng pera lalo na’t dumarami na ang kaniyang mga kapatid.

Lumipas pa ang ilang taon at nang tuluyan na siyang nagbinata ay sumama siya sa kaniyang tiyuhin na nagtatrabaho sa isang konstruksyon sa Maynila. Siya ay naengganyo nito dahil sa malaking kitaan doon na makakatulong sa kaniyang mga magulang at dahil nais niya ring maka-ipon para maipagpatuloy ang kaniyang pag-aaral.

Naging maayos ang lahat sa Maynila sa lumipas na dalawang taon kahit na nagkahiwalay na ng proyektong ginagawaan sina Caloy at ang kaniyang tiyuhin. Magbabalik na sana siya sa pag-aaral habang sumasideline sa konstruksyon nang biglang pum*naw ang kaniyang ama.

Nang dahil dito ay walang nagawa si Caloy kundi ipagpaliban ang pangarap niya sa buhay. Bilang panganay na lalaki at bagong padre de pamilya, ay kinailangan niyang itaguyod ang kaniyang ina at mga kapatid sa probinsiya kaya naman puro pagkayod na lamang sa trabaho ang kaniyang inatupag sa Maynila.

Habang abalang-abala si Caloy na kumita ng pera na ipadadala niya sa probinsiya ay ang ina niya naman na nalugmok sa kalungkutan sa pagkawala ng kaniyang ama ay nakahanap ng kalilibangan. Kung minsan ay buong maghapon itong nasa binguhan o ‘di kaya’y kasama ng mga kumare nito sa paglalaro ng baraha.

Kahit na ganoon ay hinayaan na lamang ito ni Caloy. Nauunawaan niya ito sapagkat naiintindihan niya ang pangungulila ng kaniyang ina sa kanilang ama. Para sa kaniya, kung ito man ang makakatulong sa kaniyang ina upang muling magbalik ang sigla at saya nito ay ayos na ito sa kaniya.

Makalipas ang isang buwan, nang tumawag si Caloy sa kaniyang ina ay napansin niya ang tila ba’y nanghihinang boses ng kaniyang ina na inuubo-ubo pa.

“’Nay? Ayos lang po ba kayo? May sakit po ba kayo?” pag-uusisa ni Caloy.

Advertisement

“Naku, wala lang ‘to anak. ‘Wag mo kong intindihin. Madadaan naman ‘to sa gamot,” sagot ng kaniyang ina.

“Meron pa po ba kayong pera pambili ng gamot?” tanong ni Caloy.

“Ayun lang, anak. Naubos na kasi ‘yung perang pinadala mo. Pilit ko lang namang pinagkakasya ‘yon dahil sa dami ng gastusin namin dito ng mga kapatid mo, lalo na sa mga proyekto nila sa eskwelahan,” tugon ng ginang.

“Naku ‘Nay! Dapat po sinasabi niyo agad ‘yan sa akin. Huwag po kayong mahihiyang magsabi kung nagkukulang na pala ang pinapadala kong pera sa inyo. Hayaan niyo po at magpapadala ako ng pera para sa gamot niyo at mga pangangailangan diyan sa bahay bukas. Hahanap din po ako ng dagdag na sideline para madagdagan ko ang pinapadala kong pera sa inyo kada linggo,” saad ni Caloy. 

Mula noon ay kung anu-anong sideline na ang pinapasok ni Caloy sa Maynila. Sa madaling araw ay kargador siya sa palengke bago pumasok sa konstruksyon at pagkatapos niya naman doon ay kundi siya naglilinis sa isang gusali ay nagsisilbi siya sa isang kainan.

Bukod pa rito ay tinipid din niya ang kaniyang sarili. Pati ang pagkaing kinakain niya ay binawasan niya upang maidagdag na lamang sa perang ipapadala niya sa probinsya.

Isang araw, matapos ipadala ni Caloy ang pera sa probinsya ay nagtataka siya kung bakit hindi niya makontak ang kaniyang ina. Inisip niya na lamang na marahil ay na low batt lamang ang cellphone ng kaniyang ina kaya naman sinubok-subukan niya na lamang itong tawagan.

Ilang araw pa ang lumipas at hindi pa rin niya makontak ang kaniyang ina. Sa kaniyang pag-aalala ay luluwas na sana siya upang alamin ang kalagayan nito nang bigla siyang nakatanggap ng tawag mula rito.

Advertisement

“Anak, natanggap ko ‘yung mga text mo. Pasensiya na at ngayon ko lang kasi nacharge ‘tong phone ko. Nasa ospital kasi ako ngayon, anak. Akala ko naman kasi simpleng ubo lang na madadaan sa gamot, TB na pala,” sambit ng ina ni Caloy.

“Naku naman ‘Nay! Kumusta na po kayo ngayon?” nag-aalalang tanong ni Caloy.

“Puwede naman na raw akong umuwi kaso kailangan daw muna naming magbayad sa ospital. Eh wala naman nang natira sa perang pinadala mo. At saka kahit daw pauwiin nila ako eh kailangan ko pa rin daw magpagamot ng ilang buwan pa kahit nasa bahay lang. Kaso, alam ko namang hindi sapat ang pera natin,” pahayag ng ginang sa anak.

“Huwag po kayong mag-alala, ‘Nay. Gagawa po ako ng paraan,” wika ni Caloy.

Pagkatapos makipag-usap ng binata sa kaniyang ina ay agad siyang lumapit sa kaniyang mga boss at mga kasamahan sa trabaho para umutang. Napautang man siya ng mga ito ay hindi pa rin ito sasapat upang mailabas sa ospital ang kaniyang ina.

Habang binibilang niya ito ay kitang-kita sa mukha ni Caloy na namomroblema pa rin ito sa pera. Isa sa mga nakapansin sa kaniya ay ang kasamahan niya sa konstruksyon na si Tato.

“Oh bakit p’re? Kulang pa ‘yan ‘no?” usisa ng kaniyang kasamahan.

“Oo eh. Baka naman may iba ka pang alam na mahihiraman ng pera o baka naman may alam kang puwedeng pag sidelinan?” tanong ni Caloy.

Advertisement

“Kaya nga ako lumapit sa’yo eh. Mayroon kasi akong alam na sideline. Kahit delivery boy ka lang dun eh malaki pa rin ang kita dahil pang night shift ‘yun. Tamang-tama ‘yun dahil hindi maaapektuhan ang mga trabaho mo sa umaga,” tugon ni Tato.

Sa sinabing iyon ni Tato ay napukaw nito ang interes ni Caloy. Ipinaliwanag nito sa kaniya kung paano ang sistema sa trabahong ‘iyon. ‘Di umano’y maghahatid lamang siya ng iba’t-ibang mga produkto sa mga buyers nila at kukunin ang bayad nito. Kada delivery ay may bayad siya roon basta siguraduhin lang daw niya na ingatan ang kahon at ‘wag itong bubuksan.

Dahil sa laki ng kikitain sa simpleng trabaho na gagawin ay kinagat ito ni Caloy. Nang gabing ‘yun ay pinakilala siya ni Tato sa boss nito. Tinanggap naman siya nito at agad na binigyan ng trabaho sa gabing ‘yun.

Bilang baguhan ay sinamahan siya ni Tato para sa unang delivery niya. Mukha namang ordinaryong delivery lamang ito para kay Caloy maliban sa pagtataka niya na sa liblib na lugar ang pinaghatiran nila na halos walang tao sa paligid maliban sa kanilang buyer at mga kasamahan nito.

Iaabot niya na sana ang kahon sa kanilang buyer nang biglang may sumigaw sa ‘di kalayuan ng, “Taas niyo ang mga kamay niyo at sumuko na kayo! Pulis ‘to at napapaligiran na namin kayo!”

Pagkarinig ni Tato ay agad niyang sinigawan si Caloy ng, “Sibat na! Takbo! Bilis!” 

Lahat sila ay nagtakbuhan na pati ang kanilang buyers habang si Caloy ay nagulat sa mga pangyayari kaya nahuli siya sa pagtakbo. Dahil dito ay siya ang madaling nasundan ng mga pulis. Pilit siyang pinapatigil ng mga ito sa pagtakbo ngunit dahil sa kaniyang takot ay lalo siyang hindi huminto hanggang sa pinaputukan siya ng mga pulis at tinamaan siya sa kritikal na parte ng kaniyang katawan.

Hindi na siya umabot pagdating niya sa ospital habang sina Tato naman at ang buyer nila ay nahuli ng mga pulis sa ilegal nilang gawain.

Advertisement

Nang mabalitaan ng ina ni Caloy, na wala naman pala talagang sakit sa ospital, ang nangyari sa kaniyang anak ay agad siyang napaluwas ng Maynila.

Pagkakita niya sa katawan ng kaniyang anak na wala nang buhay ay bigla siyang naiyak.

“Patawarin mo ako anak. Hindi ka sana mapipilitang pumasok sa ganiyang uri ng trabaho at mapapahamak kundi dahil sa’kin. Patawarin mo ako sa panloloko ko sa’yo na may sakit ako para lang dagdagan mo ang perang pinapapadala mo na nilulustay ko lang sa pagsusugal ko. Hindi ko akalaing buhay mo ang magiging kapalit noon,” pag-amin ng ina ni Caloy bago tuluyang humagulgol.

Labis na pinagsisihan ng ina ni Caloy ang ginawa niya sa kaniyang anak ngunit kahit ano pang gawin niya ay hindi niya na maibabalik pa ang buhay nito.

Sa pagkawala ni Caloy ay lalong naghirap ang pamilya nila sa probinsiya. Wala ring nagawa ang kaniyang ina kundi saluhin ang lahat ng responsibilidad na naiwan ng kaniyang asawa at panganay na anak sa pamilya nila.