Kahit Walang Garahe ay Bumili ng Kotse ang Lalaki, Karma ang Balik sa Kanya sa Pagparada sa Kalsada

Bata pa lamang ay pangarap na ni PJ ang makabili ng sarili niyang sasakyan. Hindi naging maganda at maginhawa ang kanilang buhay noong bata pa lamang siya, ngunit naigapang naman ng kanyang ama’t ina ang pag-aaral nilang dalawang magkapatid.

Kaya naman makalipas ang ilang taong pagtatrabaho, sa wakas ay nakapag-ipon na siya ng sapat upang makabili ng kanyang pinapangarap na sasakyan.

“Kuya! Bibili ka na talaga ng sasakyan? Naks naman!” wika ng kapatid na si Tristan.

“Oo. Heto ang picture oh, maganda ba?” tuwang-tuwang sagot ni PJ.

Nang bigla namang sumingit ang inang si Teresita, “saan mo naman ‘yan ipaparada, aber?”

“Edi diyan sa tapat ng bahay,” sagot nito.

“Anong sa tapat? Nakita mo nang pagkasikip-sikip ng kalsada rito sa atin! Mahiya ka naman sa mga kapitbahay!” pangaral ng ina.

“Hayaan mo sila, mga inggit lang ang mga ‘yan,” nakangising sagot ng mayabang na binata.

Advertisement

Kahit sinabihan ng kanyang ina, tinuloy pa rin ni PJ ang pagbili ng sasakyan. Pagkatapos niyang subukang paandarin ang bagong biling kotse, iniuwi niya na ito sa kanilang barangay. Nakabukas pa ang bintana ng binata habang pinapaandar ang kanyang makintab na itim na sasakyan na tila nagyayabang.

Isang gabi, isang lalaki ang panay ang katok sa kanilang pamamahay. Hinahanap nito ang may-ari ng sasakyan.

“Bakit ho?” tanong ni PJ.

“Kung pwede ho e paki-alis ang sasakyan ninyo sa kalsada. Hindi ho kasi kami makaraan. Marami na ho ang nagrereklamo,” wika ng isang tricycle driver.

Imbis na kausapin ng maayos e pinagyabangan pa ni PJ ang lalaki na maayos na nakiki-usap.

“Ano bang pakialam ninyo? Edi umikot kayo! Palibhasa hindi kayo sanay na may sasakyan ang mga kapitbahay niyo e,” sigaw ni PJ.

Nagulat naman ang tricycle driver sa pakikitungo ng binata. Ayaw niyang humaba ang usapan, dahil nakikita niya sa datingan ng lalaki ay hindi ito magpapatalo. Kaya naman umalis na lamang siya at sinabihan ang mga kasamahan na ibahin ang ruta nang dahil lamang sa sasakyang nakaparada.

“PJ! Nakakahiya ka. Iyo ba ang kalsadang iyan? Bakit ba kasi hindi ka na lang magrenta sa garahe doon sa may kanto?” giit ng kanyang ina.

Advertisement

“Mama naman! Alam mo namang mahihirap lang ang mga tao rito sa atin. E paano kung baklasin na lang nila bigla ang kotse ko, tapos ibenta ang mga parte? Dito lang ‘yan sa tapat. Tapos ang usapan,” mayabang na sagot ni PJ. Wala nang nagawa ang kanyang ina dahil magmula nang mamayapa ang kanyang mister ay wala nang pinakikinggan itong si PJ.

Ilang linggo ang lumipas, at patuloy na nagmatigas si PJ. Napapakamot na lamang ng ulo ang kaniyang mga kapitbahay nang dahil sa kayabangan ng lalaki.

“Tss. Yabang niyan ah! Dapat bumili muna siya ng bahay na may garahe bago siya bumili ng kotse,” wika ng isang lalaki na nag-iinuman sa kabilang kanto.

“Kinausap ‘yan ng kasamahan namin, maayos na kinausap para ilipat ang kanyang sasakyan. Pero alam niyo ang ginawa? Binastos pa si pare! Talagang walang modo ang binatang ‘yan. Dapat diyan ay maturuan ng leksyon,” sagot ng isang kainuman na isang tricycle driver.

Nang marinig ang kanyang sinabi ng iba pang kainuman, tila ba natahimik ang kanilang mesa nang sabay-sabay silang makaisip ng paraan upang turuan ng leksyon ang binata.

Kinabukasan, maagang gumising si PJ upang pumasok sa trabaho. Nang bubuksan na niya ang pintuan ng kanyang sasakyan, laking gulat niya nang mabahiran ng puting pintura ang itim na itim niyang sasakyan.

“Anak ng pu-!” buntong hininga ni PJ.

Nakasulat sa kanyang kotse gamit ang puting pintura,

Advertisement

“Hindi ikaw ang hari ng kalsada!”

at isang maliit na papel naman ang nakasuksok sa may bintana,

“Totoy, kung hindi mo ito ipaparada sa tamang lugar, gabi-gabi namin itong pipintahan.”

Galit na galit si PJ, ngunit tawa naman nang tawa ang kanyang ina habang pinapanood siyang sinisipa ang mga bato sa labas ng kanilang bahay.

“Ano? Naturuan ka ng leksyon ano? Buti nga sa iyo! Matigas ang ulo mo ah! Makinig ka na, igarahe mo ‘yan sa tamang lugar!”

Wala nang nagawa si PJ. Halos sampung libo ang nagastos niya para lamang ibalik ang dating magandang pinta ng kanyang sasakyan, at wala na siyang balak umulit pa. Kaya naman kahit mabigat sa kanyang loob ay iginarahe na niya ang kanyang kotse sa isang pinarerentahang garahe malapit sa kanila.

Bumalik na sa dati ang ruta ng mga tricycle driver at hindi na rin nakarinig pa ng kahit anong reklamo ang ina ni PJ.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

Advertisement

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!