Itinuring na Parang Alila ng Dalagang Ito ang Manikurista sa Isang Salon, Nanghina Siya nang Malaman Niya ang Tunay na Katauhan Nito

Mag iisang taon palang na nagtatrabaho si Natalie sa isang opisina sa Pasay, walang masyadong kaibigan ang babae dahil bukod sa ubod nito ng sipsip ay masama pa ang ugali, pintasera ito at mayabang. Pagnakaharap ang boss ay para itong maamong tupa sa mga kasamahan pero pag nakatalikod ay mala-tigre ito kung mang irap.

“Goodmorning ma’am!” matamis na bati ni Natalie sa kanyang boss, ngumiti lang naman sa kanya ang matandang babae.

“Ma’am, ang ganda naman po ng kulay ng kuko ninyo, at sakay may drawing pa ano. Iyan ba yung nail art na tinatawag? Bagay sa inyo ma’am,” sipsip na bati pa niya, sinamahan pa iyon ng pamumungay ng mga mata at isang plastik na ngiti. Napapailing na lang ang kanyang mga kasamahan.

“Ah ito ba, mayroon kasi kaming nail salon diyan lang sa SM Mall of Asia, gawa ito ng isa sa mga tauhan ko roon.” sabi nito.

“Ay wow! Ang bongga naman po. Naku ma’am, alam nyo ako mahilig ring magpalinis ng kuko. Minsan nga po bisitahin ko ang salon nyo, isama ko na rin itong mga friends ko dito sa office para marami kayong customers doon.” sabi niya pa kahit ang totoo ay wala naman siyang matatawag na ‘friends’ sa opisina.

Nagpasalamat sa kanya ang boss at sinabi ang pangalan ng nail salon, pagkatapos ng oras ng opisina ay agad dumiretso doon si Natalie. Nilakad niya lang dahil malapit lang naman ang building nila sa nasabing mall.

Pagdating niya roon ay minasdan niya ang lugar, grabe ang yaman ng amo niya. Kailangan niyang makuha ang loob nito, baka maulanan siya ng biyaya. Agad siyang inasikaso ng mga tauhan doon at taas noo siyang umupo, ang lumapit sa kanya ay isang dalaga na hindi naka-uniporme, baka bago. Siguro ay nasa 20 taong gulang na ito.

“Bakit ikaw ang mag aasikaso sa akin?” mataray na sabi niya rito.

Advertisement

“Busy po kasi ang iba naming tauhan, wag po kayong mag alala ma’am, trained po ako.” magalang ang ngiti na sabi nito.

“Ay girl, wala akong pakialam kung trained ka. Ni hindi ka nga naka-uniform o! Naku ha, ayusin ninyo ang serbisyo sa akin. Kilala ko ang amo nyo!” sigaw niya sa mga ito, hindi alintana kung naririnig siya ng iba pang customers. Hindi naman nakaimik ang mga tauhan maging ang dalaga na ngayon ay hawak ang paa niya at hinuhugasan.

“Totoo ang sinasabi ko, friends kami! Parang anak na rin ang turing sa akin ng amo nyo, di nga malayo na baka ako ang payagan niyang mag-manage ng nail salon na ito pagdating ng panahon kaya pakisamahan ninyo akong mabuti!,” tinignan niya ang name tag na nakakabit sa dalagang nag aasikaso sa kanya, ‘Kylie’ ang pangalan nito.

“At ikaw, Kylie tama? Kaya kitang ipatanggal isang sabi ko lang sa amo nyo.” pag-iimbento pa niya.

Sinabayan niya pa iyon ng mahinang pagsiba dahilan upang tumalsik ng bahagya sa mukha ng dalaga ang ilang tubig mula sa kanyang paa, napatakip naman sa bibig ang ilang mga tauhan. Kitang kita naman na nagtitimpi si Kylie dahil isa siyang customer, napangisi si Natalie dahil doon. Sakto namang dumating ang kanyang boss, agad niya itong binati.

“Hi Ma’am! sabi sa inyo dederetso ako dito eh, hindi ko na po naisama ang friends ko kasi may pupuntahan daw sila.” matamis na sabi niya rito.

“Natalie right? Pasensya ka na sa dami ng taong nakakausap ko makakalimutin na ako. Pero thanks sa pagpunta mo ha, ang swerte mo, si Kylie pa ang nag asikaso sa iyo.” sabi nito. Nagtaka naman siya, ano naman kung si Kylie ang nag asikaso sa kanya?

Tila nasagot ang tanong niya nang muling magsalita ang kanyang amo.

Advertisement

“Ay hindi ko pala nasabi? Sa anak kong si Kylie itong salon, magaling ang batang to. Sabi ko nga ay sa atin na siya pumasok para siya na ang mag manage ng business pero mas pinili niyang magtayo ng kanyang sariling negosyo.” sabi ng amo niya. Napatingin siya kay Kylie, na noon ay nakatitig lang sa kanya.

Tahimik na umalis si Natalie sa lugar na iyon, dahil sa kanyang pagmamataas ay napahiya siya. Sabi nga ng iba, ang mapagmataas ay ibinababa, masaklap lang na sa ganoong paraan pa kailangang matutunan ni Natalie ang aral na iyon. Simula noon, natuto na siya na magpakumbaba sa kapwa, hindi na siya naging sipsip sa halip ay ginalingan na lamang niya sa trabaho.

Unti unti namang nagbunga ang mga paghihirap niya dahil makalipas ang dalawang taon ay na-promote rin ang dalaga, nakaipon na rin siya ng lakas ng loob na bumalik sa salon at humingi ng tawad kay Kylie.