Binalikan ng Dalaga ang Tindera ng Lanzones na Naloko Niya Noon Ngayong Matagumpay na Siya; Akala Niya ay Naloko Niya Ito Ngunit Nagkakamali Siya

Hirap sa buhay ang pamilya ng batang si Sophia. Ang nanay niya ay labandera samantalang ang kanyang ama naman ay umeextra-extra lamang sa mga construction, hindi regular ang kinikita. Anim silang magkakapatid at ang pinagsamang sweldo ng kanilang mga magulang ay kulang na kulang sa walong bibig na kailangang kumain sa kanilang pamilya. Si Sophia ay ang panganay, 8 taong gulang. Ang pinakabunso ay wala pang isang taon, tatlo lang ang nakakapag aral dahil iyon lang ang kaya ng kanilang nanay at tatay.

(Photo for illustration purposes only).

Gayunpaman, swerte ang kanilang mga magulang dahil matatalino ang mga bata at mapagbigay sa isa’t isa. Nasa grade 3 si Sophia at palagi siyang honor sa kanilang klase, palagi ring nakukuha bilang representative ng eskwelahan sa iba’t ibang contest, at syempre, madalas ay nakakakuha siya ng place doon. Sino ang makapagsasabi na tatlong piso lang ang baon ng bata? Sino’ng makapagsasabi na gutom ito at nagtitiis lamang? Hindi halata iyan dahil sa kabila ng hirap ng buhay ay nagtitiis at nagsusumikap siya. Alam niya naman kasing siya lamang ang pag-asa ng kanyang pamilya para makabangon. Sa kanya nakatingala ang maliliit niyang kapatid.

Tuwing umaga ay maagang nagigising si Sophia upang tulungan ang nanay niyang maghanda ng almusal, tapos ay paliliguan niya ang dalawang maliit na kapatid dahil ang nanay niya naman ay magiging abala na sa pag-aalaga at paghahabol sa kanilang pinakabunso, nasa kalikutan pa kasi ito sa edad na 11 buwan.

Pagsapit ng alas sais ng umaga ay magsisimula na siyang maglakad upang mga 6:20 ay nasa gate na siya ng eskwelahan, alas siyete ang simula ng kanilang klase.

(Photo for illustration purposes only).

“Goodmorning po ate baby!” bati ni Sophia sa tindera ng prutas sa tapat ng kanilang eskwela. Natakam agad ang bata sa nakitang mga santones, ponkan, lanzones, santol at maliliit na mansanas. Paano ba naman kasi, sa isang pandesal ay may isa pa siyang kahati. Hindi naka-sideline sa construction ang tatay nila nitong nakaraan.

“Goodmorning! Ang dami kong tinda, may lanzones na ako, diba hinahanap mo yan noong nakaraan?” sabi nito sa kanya.

“Opo,” pero wala naman po akong pera, nagtatanong lang ako, iyan ang gusto sanang sabihin ng bata pero di na niya itinuloy. Parang nang-aakit ang mga lanzones, ah, paborito niya iyon!

Unang beses siyang nakatikim ng lanzones noong Pasko, dalawang taon na ang nakararaan. Ang mayamang nagpalaba sa kanilang nanay ang nag-abot ng isang kilong lanzones bilang pa-pasko raw nito, simula noon ay di na niya nakalimutan ang lasa ng nasabing prutas at palagi niya nang pinapangarap makatikim ulit.

Advertisement

“O edi bumili ka na, tikman mo, matamis lahat yan,” pinagbukas sila ni Aling Baby ng isang lanzones at iniabot iyon sa kanya. Dali-daling kinuha ng bata at sarap na sarap na kinain ang prutas.

“M-magkano ho ba yan? Ang isa?” Baka piso isa, edi makakabili pa siya ng tatlo,ayos!

(Photo for illustration purposes only).

“Loko ka Sophia, hindi isa-isa ang bili dito. Per kilo. Magsabi ka sa nanay mo para siya ang bibili. Pero sige, presyong estudyante at suki, kinse pesos bibigyan kitang isang plastic, buena mano.” nakangiting sabi nito.

Kahit naman sabihin ko kay Nanay ay wala naman talaga kaming pambili,malungkot na nasa isip ng bata. Patalikod na sana siya nang may isang pilyang ideya ang pumasok sa kanyang isipan.

“Ate Baby, matamis po ba talaga? Di ko po nalasahan.” sabi niya, parang nagtaka naman ang babae pero inabutan pa siya muli ng isa pa. Sa totoo lang ay natatandaan naman talaga ni Sophia ang lasa, at nakukunsensya man siya sa pagsisinungaling ay gutom na gutom lang talaga siya. Iyon na lang ang naisip na paraan ng kanyang munting isip.

“Ate, maasim ho yata ito. Patikim pa nga po,” sabi niya muli. Siguro ay naka-dalawa pa siyang hingi pagkatapos noon. Nakakapagtaka namang hindi nakakahalata ang tindera, sa halip ay nakangiti pa ito at ipinagbabalat siya.

“Sige tikim ka lang hanggang gusto mo,” sabi nito.

Makalipas ang 15 taon

Advertisement

Abala sa pagliligpit ng mga natirang prutas si Aling Baby. Napapailing siya dahil nanghihinayang sa mga hindi nabenta na malapit nang mabulok. Ang tumal kasi sa panahon ngayon, napakamahal ng bilihin. Pagod na naupo ang matanda sa tapat ng kanyang tindahan at hinintay ang tricycle ng kanyang anak na susundo sa kanya, malapit nang lumubog ang araw. Namasdan niya ang mga gurong lumalabas mula sa eskwelahan sa tapat ng kanyang tindahan, puro bagong mukha na ang kanyang nakikita. Iilan na lamang sa kilala niya ang naroon pa rin at halos lahat ay may edad na. Yung iba naman ay sa ibang eskwelahan na napiling magturo.

Naputol ang pagbabalik tanaw ni Aling Baby nang may kotseng humarang sa kanyang tinitignan.

(Photo for illustration purposes only).

“Aling Baby?” sabi ng magandang babae sa loob ng kotse, ibinaba nito ang bintana ng sasakyan.

“S-sino ho sila?” pilit inaaninagan ng matanda kung sino ba ang kaharap, parang nakita niya na ito dati… pero ‘di siya sigurado.

(Photo for illustration purposes only).

“Si Sophia ho! Naalala nyo? Iyong anak ni Jusing at Perla, nakatira dati malapit sa tulay, lumipat kami noong grade 4 ako!” sabi ng babae. Ah! Ang mautak na bata!

Lumabas ito ng kotse at saglit na nakipagkwentuhan sa kanya, napansin nito ang mga prutas na hindi nabili.

“Ako na po ang bibili ng mga natira Aling Baby,” sabi nito sa kanya.

“Aba, asensado ka na talaga, nakakatuwa naman, parang dati ay inuuto mo lang ako para makalibre ng lanzones.” natatawang sabi ng matanda, akala siguro nito hindi niya alam. Namutla kasi ang babae.

Advertisement

“A-alam nyo po pala yun?” tanong nito, tumango ang matanda.

(Photo for illustration purposes only).

“Kung ganon, bakit po pinabayaan nyo lang ako?”

Napangiti si Aling Baby at sinabi ang sagot, na nagpangiti sa babae.

“Dahil alam kong nagugutom ka, tulong ko na iyon sa’yo. At alam kong kung may magbibigay lang sayo ng tsansa sa buhay ay magtatagumpay ka.”

Napangiti na rin si Sophia, busilak ang puso ng matanda. May mga franchise si Sophia ng mga fruit shake na nakapwesto sa iba’t ibang malls at bilang tulong rin kay Aling Baby, tulad ng ginawa nito noon sa kanya ay kinuha niya itong supplier ng prutas.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?