Nag-iba ang Pakikitungo sa Kanya ng Nobyo nang Mabuntis Siya, May Itinatago Pala Itong Sikreto

Magda-dalawang taon na ang nakalipas mula nang tumigil sa pag-aaral si Angie, nasa huling taon na sya ng kolehiyo noon at inaasikaso ang kanyang thesis. Nais nya mang bumalik ay hindi na iyon ang kanyang dapat na unahin, mayroon na siyang magdadalawang taong gulang na anak ngayon, si CJ. Ang ama nito ay schoolmate niya noong college na kalaunan ay naging boyfriend niya, si James.

Hindi naman siya tinakbuhan ni James, sa katunayan ay palagi nga sa tabi nya ang lalaki lalo na nang matuklasan nilang buntis siya. Nanggaling si James sa mayamang pamilya kaya nang pinalayas si Angie sa kanila ay ipinag-renta na lamang silang mag-ina ng apartment ng mga ito. Hanggang ngayon, dito nananatili si Angie. Minsan naguguluhan sya sa set up nila dahil kung tutuusin pwede na naman siyang iuwi ni James sa bahay ng mga ito para di na gumastos pa sa apartment. Pero wala syang magawa dahil ngiti lang ang isinasagot nito sa kanya lagi.

“O sige na baby, kiss na sa daddy,” sabi ni James sa anak isang gabing binisita nito ang mag-ina. Agad namang lumapit si CJ at hinalikan sa pisngi ang ama.

Maya-maya pa ay tumayo na si James at lumapit na sa pinto, “Sige na Angie, alis na rin ako, gabi na.” sabi nito at nagmamadaling lumabas ng pinto bago pa man nakasagot si Angie. Naging ganoon na si James mula nang mabuntis siya, palagi na itong umiiwas sa kanya. Pinanagutan nga sya, pero di niya naman alam kung sila pa ba. Para kasing kaibigan na lang ang turing nito sa kanya, di sya hinahawakan, di siya niyayakap, kahit nga ‘I love you’ mula rito ay wala.

Parang timang, bulong ni Angie sa kanyang sarili. Siya kasi, mahal na mahal niya pa rin ang lalaki. Mabait ito, gwapo at responsableng ama, kaya nasasaktan siya dahil ganoon na lang ang turing nito sa kanya. Para bang diring-diri, parang makukuryente pag nilapitan niya eh.

Abala pa sya sa pag iisip nang maka-receive sya ng text message mula rito.

Angie, hiramin dw nina mama si CJ tomorrow, sunduin ko nlng kau bukas mga 9am

Nag-reply naman si Angie, Ok, gudnight

Advertisement

‘Nyt, tanging sagot nito, napabuntong hininga si Angie. Baka naman may iba na si James? Ang tagal na rin mula nang huli nilang pinag-usapan ang tungkol sa kanilang dalawa dahil laging paiwas ito.

Kinabukasan ay inihanda niya ang mga damit ni CJ, ito lang naman ang hihiramin ng magulang ni James bakit pati sya kasama? Baka magmukha lang siyang tanga doon pag sumama pa siya, hindi naman siya pinagpapansin ni James. Ang masama pa, baka naroon ang bago nito, doon pa siya mapaiyak.

Siguro, mas mabuting ayusin nya na rin ang buhay nya. Medyo malaki na naman si CJ kaya pwede na sigurong mag-yaya, kamakailan lang ay nagkaayos na rin sila ng kanyang magulang. Pwede na siguro siyang mag-apply sa call center, kahit na saan basta may pagkakitaan siya.

Pagdating ni James sa bahay nila ay nagulat pa ito at natatawa dahil naka-formal wear siya.

“Ano yan? Pupunta ka lang kina mama at papa naka-formal wear ka pa?” nakangising sabi nito.

“Ano bang pake mo? Hindi ako sasama no, inayos ko lang ang gamit ni CJ. Siya lang naman ang hihiramin eh. Mag-a-apply ako ng trabaho,” matigas na sabi niya rito.

Nagulat ang lalaki sa matalim na sagot niya pero mas nagulat ito dahil maghahanap na siya ng trabaho, “Bakit naman? Hindi ko ba naibibigay ang mga kailangan nyo?”

“Naibibigay mo naman pero hindi naman habangbuhay ay nakaasa ako sayo James. Hindi naman na ako buntis, si CJ nalang ang sustentuhan mo. Kaya ko naman ang sarili ko, pag nakahanap ako ng trabaho baka umalis na rin ako rito. Maghiraman nalang tayo sa bata,” sabi niya.

Advertisement

Ilang saglit na natahimik ang lalaki, bago nagsalita,”Bahala ka…”

Medyo nasaktan si Angie dahil di man lang tumutol si James pero paninindigan niya na ang kanyang desisyon. Gabi na siya nakauwi noon, one day hiring kasi ang mga call center at nagulat pa siya dahil naroon na si James sa apartment.

“Si CJ?” tanong niya rito.

“Kina mama muna matutulog,” simpleng sagot nito.

“At anong kailangan mo sa akin Engineer?” pagtawag niya rito, isang ganap na kasi itong Engineer mula nang makagraduate ito noong isang taon at makapasa sa Board Exam.

Hindi ito sumasagot kaya nagtuloy siya sa pagsasalita, “Sumagot ka naman. Ang gulo gulo mo, kung makaiwas ka sa akin parang diring-diri ka. Narito na rin lang tayo eh magkatapatan na, ano ba talaga? Mula nang mabuntis mo ako ay lumayo ka na… nag iba ka na. Akala mo naman lagi kitang kakagatin,” sabi niya, di maiwasang maluha.

“Kung hindi ako lalayo sa’yo… hindi ko mapipigilan. Sana naiintindihan mo, gusto ko lang itama ang lahat. Nasira ko ang kinabukasan mo at bumabawi ako. Sabi ko, di ko ulit gagawin yun, yung… alam mo na, hangga’t di tayo kasal kasi di mo deserve ang ganitong buhay. Kaya nga nagtyaga akong magtapos at magtrabaho para sa inyo. Kung alam mo lang ang pagpipigil ko, tuwing lalapit ka. Ang ganda-ganda mo kasi at ang sexy-sexy mo pa at mahal na mahal kita-” di na naituloy ni James ang sasabihin dahil sinibasib na siya nang halik ni Angie.

Ay, nagpipigil lang naman pala.

Advertisement

Makalipas ang ilang buwan ay muling pinag-aral ni James si Angie, tinapos ng babae ang huling taon niya sa kolehiyo tapos ay nagpakasal ang dalawa. Biniyayaan sila ng tatlo pang anak.

Napatunayan nilang ang tunay na pag ibig, marunong maghintay.