May Baby na Tayo Pareho

Palabas ng ospital si Marco kasama ang baby niyang si Baby Arjan. Araw kasi iyon ng check-up ng sanggol sa OB Gyne. Masuyo niya itong tiningnan at napangiti siya nang makita na payapa na itong natutulog. Kanina habang papunta sa ospital ay panay ang iyak nito kaya nahirapan siyang patahanin ang anak.

“Tayo na lang dalawa, Baby Arjan. Iniwan na tayo ng Mama mo kaya ako na ang bahala sa iyo ngayon. Ang Daddy Marco na ang mag-aalaga sa iyo,” bulong niya rito.

Mag-isa na niya ngayong palalakihin ang sanggol sa ayaw at sa gusto niya. Sa kanya nakaatang ang responsibilidad para lumaking maayos at mabuting bata ang kanyang anak. Habang naghihintay ng masasakyan ay biglang gumalaw ang sanggol, maya-maya pa ay umiyak na ito ng ubod lakas.

“Naku, nagising! Siguradong gutom na ang baby ko. Nakalimutan ko pa namang magdala ng gatas at dede bote, paano kaya ito?” natatarantang tanong ni Marco sa sarili.

Ayaw huminto sa pag-iyak ang sanggol. Pagkalakas-lakas ang iyak nito na nakapukaw na ng atensyon sa hintayan ng taxi. Pilit naman niya itong pinapatahan sa pamamagitan ng pagtapik sa likod nito.

“Shhh, tahan na, baby ko! Hinto ka na sa pag-iyak, malapit na tayong umuwi. Please huwag dito baby, hindi ko dala ang dede mo,” pagmamakaawa ni Marco.

Hindi tumigil sa pag-iyak ang sanggol at mas lalo pang lumakas iyon.

“Shhh. Huwag ka nang umiyak baby. Konting tiis na lang at makakasakay rin tayo,” aniya.

Advertisement

Gustuhin man niyang makasakay agad ay tila nananadya rin ang mga taxi driver dahil ayaw siyang hintuan ng mga ito. Sa isip niya ay mapili na ang mga driver sa pagkuha ng pasahero. Hindi niya naiwasang sabihin sa sarili na may pambayad naman siya sa pamasahe, bakit ayaw siyang pasakayin ng mga g*gong ito?

Dahil ayaw pa rin tumigil sa pag-iyak si Baby Arjan ay nilapitan na siya ng isang babae.

“Hi, napansin ko kanina pa umiiyak ang baby mo? Nagugutom iyan, wala ka bang dalang dede bote?” tanong ng magandang babae sa kanya.

“Nakalimutan ko kasing dalhin ang bote niya na may lamang gatas, e. Hindi ko na-check ng maayos kanina sa bag. Huli na nang malaman ko na naiwan pala sa bahay.”

“Ganoon ba? Halika doon tayo sa waiting shed at ako ang magpapadede sa baby mo,” anito.

Nagulat at medyo namula si Marco sa sinabi ng babae.

“Naku, miss nakakahiya sa iyo. Huwag na lang. Tutal malapit na rin naman kaming makasakay,” pagtanggi niya rito.

“Hindi titigil sa pag-iyak ang baby mo hangga’t hindi siya napapadede. Hayaan mong ako ang magpadede sa kanya para tumigil na sa pag-iyak. Huwag kang mag-alala at sanay ako sa mga bata dahil may anak na rin ako,” pagpupumilit nito.

Advertisement

Dahil ayaw niyang nakikitang umiiyak ang sanggol ay pumayag siya sa alok nito. Umupo sila sa waiting shed. Maya-maya ay inilabas ng babae ang kanyang dibdib at saka inilapit sa bibig ni Baby Arjan. Agad naman iyong sinunggaban ng gutom na gutom na sanggol.

Iniiwas naman ni Marco ang mga mata sa babae. Baka sabihin pa nito na namboboso siya. Pero may kung anong naglalaro sa isip niya ng mga oras na iyon.

“Ang suwerte naman ng baby ko,” aniya sa isip habang pilit na sinaway rin ang sarili.

Iniabot ni Marco ang kanyang jacket sa babae para kahit paano ay matakpan noon ang dibdib nito habang nagpapadede sa sanggol. Hindi naman mapigilan ng lalaki na pagmasdan ang ginagawa ng magandang babae. Nanay na nanay ito kung mag-alaga kay Baby Arjan. Hindi naman nainip sa kahihintay si Marco dahil habang abala ang sanggol sa dibdib ng babae ay nakipagkuwentuhan ito sa kanya hanggang sa nagkagaanan na sila ng loob sa isa’t isa.

Makalipas ang isang oras ay nagpaalam na si Marco. Nakatulog na rin sa sobrang kabusugan si Baby Arjan.

“Salamat ha, buti na lang at dumating ka kundi ay hindi ko na alam ang gagawin ko,” wika niya.

“Walang anuman. Sige alis na rin ako,” anito.

“Nga pala, ano nga pala ang pangalan mo? Kanina pa tayo nagkukuwentuhan, di ko pa nakuha ang pangalan mo,” aniya.

Advertisement

“Ava, Ava ang pangalan ko. Ikaw, ano ang pangalan mo?”

“Ako si Marco. Nice to meet you, Ava. Ingat ka ha?”

“Salamat, Marco. Sige, bye!”

Nasa bahay na siya nang may nakalimutan siyang itanong sa babae.

“Sh*t, nakalimutan kong ang cell phone number niya,” bulong ni Marco sa sarili na may halong panghihinayang ang tono.

Kahit sandali lamang silang nagkausap ni Ava ay magaan ang loob niya rito. Sa katunayan, habang nagkukuwentuhan silang dalawa ay humanga siya sa babae dahil sa pagiging mahilig nito sa mga bata ngunit saglit siyang nanghinayang dahil may anak na at may asawa na ito. Sa isip niya ay si Ava sana ang tipo niyang babae.

Isang araw habang pinapasyal niya sa park si Baby Arjan ay ‘di sinasadyang may natanaw siya. Hindi siya maaaring magkamali, si Ava ang naglalakad habang tulak-tulak rin ang stroller na naglalaman ng isang sanggol na babae.

“A-Ava?”

Advertisement

Napatingin din sa kanya ang babae at nang makilala siya ay kinawayan at nilapitan siya nito.

“Uy, Marco! Dito rin pala kayo namamasyal ng baby mo?” nakangiti nitong tanong sa kanya.

“O-Oo. Mukhang pinagtatagpo yata tayong dalawa. Anak mo ba ang cute na cute na baby na iyan?”

“Oo, Marco. Si Baby Angel,” sagot ng babae.

Kahit gustong-gusto nang itanong ni Marco ang iba pang bagay tungkol kay Ava ay hindi niya magawa. Nahihiya pa rin siyang ungkatin iyon.

Ang simpleng pagkakilala nila sa labas ng ospital hanggang sa muli nilang pagkikita sa park ay nauwi sa pagiging malapit na magkaibigan at nang tumagal ay nauwi sa pag-iibigan. Nag-aalala at kinakabahan si Marco dahil hindi maaari ang nararamdaman niya kay Ava dahil pamilyado itong tao kaya agad niyang kinausap ang babae.

“Mahal na kita, Ava. Sa maikling panahong na nakilala kita ay natutunan na kitang mahalin ngunit mali itong nararamdaman ko sa iyo dahil may nagmamay-ari na ng puso mo,” aniya.

“A-anong ibig mong sabihin, Marco?” nagtatakang sabi ni Ava.

Advertisement

“Ayokong tuluyang mahulog sa iyo dahil ayokong magkaproblema kayo ng ama ng anak mo,” hayag niya.

“Nagkakamali ka, Marco. Matagal nang wala ang ama ng anak ko. Dalawang taon nang namayapa si Ian. Hindi niya kinaya ang malubha niyang sakit sa atay na kanyang ikinasawi. Dalawang taon na akong biyuda at ako na lang ang mag-isang bumubuhay sa anak naming si Baby Angel. Ikaw dapat ang tinatanong ko niyan, may nararamdaman na tayong dalawa sa isa’t isa pero hindi ko pa rin alam ang lahat ng tungkol sa iyo. Sino ang ina ni Baby Arjan? Bakit hindi mo siya naikuwento sa akin? Siguro mahal mo pa siya ‘no?” tanong ni Ava.

“S-sorry, ikinalulungkot kong malaman iyan. Ang tungkol naman sa akin at kay Baby Arjan ay panahon na siguro para ipagtapat ko sa iyo na hindi ko siya anak at hindi ako ang tunay niyang ama. Anak siya ng nakatatanda kong kapatid na si Kuya Manuel. Nasawi sila ng kanyang asawa sa isang car accident noong nakaraang buwan at dahil wala ng ibang maaaring mag-alaga sa aking pamangkin ay ako na ang umako ng responsibilidad sa kanya. Ako na ang tumayong ama ni Baby Arjan,” bunyag ng lalaki.

Dahil sa kanyang ipinagtapat ay naunawaan na ni Ava ang sitwasyon niya. Kapwa naman pala silang malaya at walang mga sabit kaya ipinagpatuloy nila ang kanilang relasyon.

Makalipas ang isang taon ay sabay na ipinagdiwang nina Baby Arjan at Baby Angel ang kanilang kaarawan. Nakakagulat na parehong araw palang ipinanganak ang dalawang bata kahit pa magkaiba ng taon. Sa araw ring iyon ay niyaya na ni Marco si Ava na magpakasal.

“Mahal, gusto kong maging daddy ni Angel at gusto ko na ikaw ang maging mommy ni Arjan. Kaya, sana sagutin mo ang tanong ko sa iyo, will you marry me?” sabi ng lalaki.

Tumango naman si Aba at ngumiti. Sinagot niya ang tanong sa kanya ni Marco.

“Siyempre ‘Oo’ na ang sagot ko dahil magiging daddy ka na talaga. Magkaka-baby na tayong dalawa,” masayang wika ni Ava sa nobyo.

Advertisement

‘Di nagtagal ay ikinasal na ang magkasintahan at bumuo ng pamilya. Sa ngayon ay masaya na silang dalawa dahil alam nila na kung nasaan man ang kapatid ni Marco at asawa ni Ava, masaya ang mga ito dahil nabigyan nila ng buo at kumpletong pamilya ang mga bata.