Akala ng Mag-asawa ay Tuloy-tuloy na ang Paglaki ng Kanilang Maliit na Negosyo, Di Nila Akalain na Babalik Sila sa Kanilang Pinanggalingan

Ang mag-asawang Victoriano ay mayroong maliit na negosyo. Sila ay nagpapalakad ng isang maliit na karinderya sa labas ng kanilang bahay. Hindi naging madali ang paguumpisa nila nito sapagkat kaunti lamang ang kumakain sa kanila hanggang sa nagkaroon ng konstruksyon na malapit sa kanila at doon na parating kumakain ang mga manggagawa nito.

Sa unti-unting pagdami ng kanilang mga parokyano ay unti-unti rin nilang pinapalaki ang kanilang karinderya. Sila ay nagdagdag pa ng mas maraming mga lamesa at mga upuan. Kumuha rin sila ng mga tauhan dahil hindi na nila kaya na silang dalawa lamang ang nagpapatakbo nito.

Mabuti ang pakikisama nila sa lahat ng mga tao at pati na rin sa kanilang mga tauhan kaya naman walang masamang masabi sa mag-asawa. Minsan pa nga ay may tauhan ito na nangailangan ng pera para sa kaniyang ina at tinulungan nila ito.

“Ma’am, sir, baka po pwedeng humiram ng pera kahit isang libo. Nasa ospital po kasi ang nanay ko,” pakiusap ng isa sa kanilang mga tauhan na si Clarisa.

“Ay, naku ganun ba? Ito dalawang libong piso. Hindi na utang ‘yan. Tulong na namin sa inyo ‘yan,” sagot ni Ginang Victoriano.

“Maraming salamat po!” Pahayag ni Clarisa.

Habang nagtatagal ay mas lalong naging matagumpay ang kanilang negosyo at mas gumanda pa ito nang may magandang pagkakataon ang dumating sa buhay nila.

“Mahal! Mahal! Tignan mo ito. May napanalunan tayo sa lotto!” Tuwang-tuwa na ibinalita ni Ginoong Victoriano sa kaniyang asawa.

Advertisement

“Talaga ba? Pero hindi mo nakuha ang lahat ng numero,” pagtataka ng ginang.

“Oo, pero nakalima tayo kaya may premyo pa rin tayo,” pagmamalaki ng asawa. Nagdiwang ang mag-asawa kasama ang kanilang mga empleyado ng gabing ‘yun.

Makalipas ang ilang buwan ay mas lalo nilang pinalago ang kanilang negosyo. Mula sa isang simpleng karinderya ay ginawa nila itong isang magandang restawran. Sila rin ay nagpatayo pa ng iba’t-ibang mga restawran na kagaya nito sa iba’t-ibang lugar sa Maynila.

Dumami pa nang dumami ang kanilang mga restawran at mas naging matagumpay sila sa negosyo. At dahil doon ay naging maginhawa ang kanilang buhay sa laki ng kanilang kinikita. Sila rin ay nakalipat sa mas malaking bahay at nagkaroon ng mga kasambahay.

Sa malaking pagbabago ng kanilang buhay dahil sa pag-asenso nila sa negosyo ay malaki rin ang pinagbago ng mag-asawa. Sila ay naging gahaman sa pera at tumaas ang tingin sa kanilang mga sarili.

Isang araw sa kanilang bahay ay pinapagalitan ni Ginang Victoriano ang isa sa mga kasambahay nila.

“Ano ka ba, Inday? Ingatan mo nga ‘yang plorera na ‘yan! Baka hindi mo alam na kulang pa ang isang taong sahod mo para mabayaran ‘yan pag nabasag mo ‘yan,” pagsesermon ng ginang.

“Ikaw naman, Pedro, parati ka na lang hindi pumapasok. Hindi ko na problema kung parating may sakit ‘yang anak mo, ah. Baka nagsasakit-sakitan lang ‘yan. Paano mo babayaran ‘yung mga utang mo sa amin kung parati kang hindi makapasok,” baling naman ng ginang sa hardinero bago umalis ng bahay.

Advertisement

Samantala, si Ginoong Victoriano naman ay nasa isa sa mga restawran nila. “Sir, nagtatanong na po ang karamihan sa mga empleyado natin kung kailan na po nila matatanggap ang pang- regular na sahod. Napangakuan niyo po kasi sila noong isang buwan atsaka lagpas na rin po sila sa probationary period kaya pang-regular na po ang dapat nilang sahurin,” pahayag ni Clarisa.

“Kailangan na ba talaga? Sige, sabihin mo regular na sila pero ‘yung sahod nila ay ganun pa rin. Sabihin mo sa susunod na taon pa tataas ang mga sahod nila.,” sagot ng ginoo.

“Pero, sir…” Hindi na nakapangatwiran pa si Clarissa dahil pinatigil na siya ni Ginoong Victoriano.

Nang dahil sa dumadalas na mga ganitong eksena ay naging talamak ang mga pag-uusap ng mga trabahador laban sa mag-asawa. Labis nila itong ikinasama ng loob lalo na sa tuwing kinakausap sila ng mag-asawa ay para bang mga alipin sila kung turingin. Nakadagdag pa dito ang pagiging gahaman ng mag-asawa sa pera na halos wala man lang pakonswelo sa mga empleyado at sa tuwing pinapamukha sa kanila na mapera sila at makapangyarihan.

Isang araw ay hindi na nakapagtiis pa ang mga empleyado ng mag-asawa. Nagkaisa silang lahat na hindi pumasok sa trabaho upang mag-welga at ireklamo ang dalawang negosyante tungkol sa kulang na pagpapasahod sa kanila.

Ilang linggo itong tumagal dahil sa pagmamatigas ng bawat panig hanggang sa natigil na lamang ito nang namagitan na ang mga kinauukulan matapos na makapagsampa ng pormal na reklamo ang mga empleyado. Walang nagawa ang mag-asawa kung hindi bayaran ang mga empleyado sa kulang nilang sinahod.

Nang dahil sa mga nangyari ay lubos na naapektuhan ang kanilang negosyo. Malaki ang ikinabagsak ng benta nila. Ang karamihan din ng kanilang mga empleyado ay umalis na rin ng tuluyan sa kanilang mga trabaho matapos matanggap ang kulang nila sahod.

Nahirapan silang makakuha ng mga bagong empleyado at tumumal din ang kanilang mga kustomer dahil sa kumulat ang balita tungkol sa kanilang maling pamamalakad.

Advertisement

Tuluyang bumagsak ang kanilang negosyo at unti-unting nagsara ang kanilang mga restawran hanggang sa isa na lamang ang natira. Nawalan na sila ng mga empleyado at mga kasambahay. Tanging silang dalawa na lamang uli ang naiwan at muling nagpatakbo ng nag-iisang restawran na muling naging karinderya ang istilo.

Huli na nung mapagtanto ng mag-asawa ang kanilang mga pagkakamali. Pinagsisisihan nila na nabulag sila sa pera at naging masama ang pakikitungo sa kapwa.