Lalaking Di Marunong Mag-Ingles at Laging Bumabagsak sa Interview, Pinatunayang Diskarte sa Buhay ang Magpapa-asenso sa Tao

Isang magandang araw ito para kay Eric. Bumiyahe pa kasi siya mula sa kanilang probinsya sa Tacloban para lamang makipagsapalaran sa Maynila.

Una siyang nag-apply sa Pasay. Kahit walang alam sa Maynila ay pinilit niyang maging matapang sa paghahanap ng trabaho. Para kasi sa kanila sa probinsya, ang pagtatrabaho sa Maynila ang umpisa ng pag-asenso.

High school lang ang natapos ni Eric pero para sa kanya ay mataas na ang natapos niya upang makahanap ng matinong trabaho doon.

Dalawa na ang kanyang inaapplyan na sa kasawiang-palad ay hindi siya parehong natanggap. Pero hindi siya nagpapigil. Kumain na muna siya ng tanghalian pagkatapos ay sumabak na muli sa pag-aapply. Ayaw niyang umuwi sa bahay ng tiyahin niya dito sa Maynila nang walang magandang balita.

Hanggang sa inabot ng ika-sampung apply ay ni hindi man lang siya nakaabot sa final interview, unang tanong palang kasi ay sablay na siya.

Bumagsak ang balikat ni Eric.

Nanlalambot na si Eric. Wala na siyang pangkain. Tanging pamasahe niya na lamang ang natitira sa pera niya. “Bakit ba kasi kailangan pa magaling mag Ingles, hindi naman office staff ang inapplyan ko. Isang simpleng salesman lang!”

Malungkot na umuwi siya sa bahay ng tiyahin. Ngunit kinabukasan ay sinubukan niya ulit ang swerte niya, na ngayon ay sa Makati at Taguig naman. Pero tulad ng nauna ay ganoon pa rin ang nangyari sa kanya. Sa sobrang inis niya ay sumuko na lamang siya. Nagtungo siya sa Divisoria. Hindi niya alam kung bakit doon siya dinala ng mga paa. Advertisement

Dalawang-daan nalang ang natirang pera niya, hanggang sa may naisip siya. Bumili siya ng dalawang dosenang pulseras na may krus na nagkakahalagang 180 pesos. Sinubukan niyang ilako iyon at laking tuwa niya naman nang kumita siya ng 360 pesos. Dumoble ang kanyang puhunan. Natuwa siya sa resulta nito.

Tinuloy-tuloy niya lang ito hanggang sa hindi niya namamalayang palaki na pala nang palaki ang kanyang kinikita. Nag-aral na rin siya ng iba’t ibang designs ng pulseras at kwintas. Dinaan niya sa pagiging masipag, matiyaga at creative ang simpleng negosyong naisip niya.

Lumipas ang panahon at nakapagpatayo na ng sariling shop si Eric. May ipon na rin siya sa bangko. Masayang-masaya ang pamilya niya sa probinsya dahil sa malaking perang pinapadala niya sa mga ito.

Isang araw ay nakakwentuhan niya ang cashier sa kanyang tindahan.

“Sir, ano nga ho bang sikreto nyo?”

Umiling siya, “Bobo ako sa Ingles, Mila.”

“Po?” tila nagtaka ito sa sinabi niya, “Paano po kayo nagkaroon ng ganitong ka-successful na negosyo kung hindi pala kayo masyadong magaling mag Ingles?”

Ngumiti siya, “Hindi naman kailangan magaling mag Ingles para umasenso tayo. Motibasyon sa buhay, sipag, at pagiging mapagkumbaba ang tanging sikreto sa tagumpay, Mila.” Advertisement

Ano ang masasabi mo sa kwentong ito? Ibahagi sa amin ang inyong sagot sa comments section sa ibaba. Para sa mas maraming updates, i-like lamang ang aming Facebook page.