Panakip Butas Lang Pala

Matagal nang may lihim na pagmamahal si Abbie kay Dwayne, kaya noong niligawan siya ng binata ay hindi niya ito pinahirapan at agad itong sinagot, na labis din naman nitong ikinatuwa.

Halos araw-araw ay hindi ito pumapalyang iparamdam sa kanyang mahal na mahal siya nito. Iyong tipong kakahiwalay pa nga lang nila ng landas dahil kailangan na nitong umuwi sa sariling bahay ay agad-agad siyang may natatanggap na text na nagsasabing, na-miss na siya nito kaagad. Araw-araw nitong binubusog ang kanyang puso ng pagmamahal.

Ngunit isang araw ay bigla itong hindi nagparamdam sa kanya na labis niyang pinagtakhan dahil hindi naman ito ganito. Tawag siya nang tawag sa cellphone nito ngunit walang sumasagot, laging out of coverage area. Labis-labis na ang kanyang pag-aalala sa nobyo, kaya nakapagdesisyon siyang puntahan na lamang ito sa bahay upang makita kung ano ba ang ginagawa nito.

Mahigit kalahating oras din ang nilakad niya bago narating ang bahay nila Dwayne. Agad siyang nag-doorbell at naghintay na may magbukas sa kanya. Hindi pa siya nadadala ni Dwayne sa bahay nito at hindi parin siya naipapakilala sa mga magulang nito bilang isang nobya. Kaya bahala na!

Nang tumunog ang gate tanda na may tao na sa likod ay hinanda niya ang kanyang pinakamatamis na ngiti at ang kanyang pagbati sa kung sino man ang magbubukas sa kanya.

“Hi,” isang masiglang ngiti ng napakagandang babae ang nagbukas sa kanya. “Sino ka?” tanong nito.

Nalunok na yata niya ang kanyang dila dahil hindi na niya alam kung paanong magsalita. Narinig niyang may tumawag sa babae at papalapit narin ito sa gate upang silipin kung sino ang hindi nila inaasahang bisita.

“Love, sino ‘yan?” malambing na tanong ni Dwayne at saka nakisilip.

Advertisement

Katulad niya’y para rin itong na-engkanto nang makita siya. Nabalot ng konsensya ang mukha ni Dwayne matapos iyon. Mabilis naman niyang pinagana ang isipan, ayaw niyang mang-eskandalo, mukhang may kasiyahan pa namang nagaganap sa loob ng bahay.

“A-Ah, nagkamali po pala ako ng doorbell pasensya na. Akala ko kasi ito na ang bahay ng tita ko, hindi pala.”

“Ah, gano’n ba? Akala ko naman isa ka sa inimbitahan ng love ko,” matamis nakangiting wika ng babae.

“H-hindi. Pasensya na po talaga,” aniya at tumalikod na sa dalawa. Dahan-dahang naglakad palayo, habang pinipigilan ang mga luhang kanina pa nais mag-unahan sa pag-agos.

Kilala niya ang babae, ito ang ex-girlfriend ni Dwayne na si Regine. Ang buong akala niya ay wala na sila nito kaya siya niligawan ng lalaki.

Kinabukasan ay walang ganang bumangon si Abbie, mas nais niyang magkulong na lamang sa kwarto at huwag nang lumabas. Magdamag siyang nag-iiyak sa sakit na nararamdaman.

“Nak, gising na d’yan. Nandito si Dwayne,” tawag ng kanyang ina sa likod labas ng kanyang silid.

Ano pa ba ang ginagawa ng walanghiyang lalaking ito sa pamamahay nila? Ang lakas ng loob nitong magpunta pa rito!

Advertisement

“Hoy! Nak,” untag pa nito sa kanya.

“Opo, Ma. Palabas na,” sagot niya upang manahimik lamang ito.

Inayos niya muna ang kanyang sarili bago nagpasyang lumabas at harapin si Dwayne.

“Bakit ka nandito? Anong kasinungalingan na naman ang sasabihin mo sa’kin?”

“Abbie, I’m sorry. Kung pakikinggan mo lang sana ang explanation ko–”

“Ano ba ‘yon? Sana naman sa pagkakataong ito, totoo na ang lahat ng sasabihin mo Dwayne. Kasi alam mo kung bakit? Kagabi ko pa tinatanong ang sarili ko kung alin ba doon sa lahat ng pinakita mo ang totoo. Lahat ba ‘yon kasinungalingan? Lahat ba iyon pagpapaniwala lang? Naging totoo ka ba talaga sa’kin?” nagsisimula na namang dumungaw ang mga luhang niyang makukulit.

“Lahat ng pinakita ko totoo, Abbie. Mahal kita. Minahal kita, kaso..” nahihirapan itong ituloy ang nais sabihin.

“Kaso? Kaso bumalik si Regine? Naguluhan ka at dahil roon, mas pinili mo siya kesa sa’kin. Kesa sa’kin na minahal ka ng totoo at hindi ka iiwan, kesa sa’kin na walang ginawang masama sa’yo. Kasi, ang totoo, hindi talaga nawala si Regine d’yan sa puso mo, ‘di ba?

Advertisement

Ang totoo, naghanap ka lang ng ipapanakip butas d’yan sa puso mo dahil sobra kang nasaktan no’ng iniwan ka niya. Kaya ngayon bumalik siya, paalam panakip butas nalang. Gano’n ba Deayne?” hindi na niya napigilan ang hindi umiyak.

“Patawarin mo ako Abbie.”

“Patawad? Pagkatapos mong ginulo ang nananahimik kong mundo at basagin ang puso ko iyon lang ang kaya mong sabihin sa’kin ang patawad? Patawad lang Dwayne? Patawad lang sagot sa lahat ng sakit na dinulot mo ngayon sa’kin?” humahaguhol niyang iyak.

“Sana, sana maging masaya kayo. Sana huwag dumating ang araw na pagsisihan mo ang pagbasura sa’kin at pagpulot muli sa kanya. Paalam Dwayne,” aniya at tinalikuran na ang lalaking ngayon ay umiiyak na rin dahil sa mga sinabi niya.

Alam niyang darating ang araw na malalampasan din niya ang sakit ng pagkabigong ito.

Naghihilom ang lahat ng sugat, panahon lang ang nakakaalam. Kaya hintayin sana natin na tuluyan iyong gumaling bago tayo maghanap ng bagong mamahalin. Sa madaling salita, huwag ka munang magmahal ng iba kung alam mo naman sa sarili mong mahal mo pa ‘yong una. Hindi madali ang maging isang panakip-butas sa pusong wasak.

Images courtesy of www.google.com

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

Advertisement

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!