Pinipigilan ng Ina ang Anak na Magbasketbol, Ngunit Pursigido ang Bata na Maabot ang Kanyang mga Pangarap

Sampung taong gulang si Tristan nang iwan ng amang si Marlon sa kaniyang inang si Jenna. Dahil sa labis na pakiki-barkada at pagka-hilig sa basketball, madalas nawawalan ng oras si Marlon sa kanyang mag-ina. Hindi na rin ito pumapasok sa kanyang trabaho bilang driver dahil gusto nitong tutukan ang paglalaro niya ng basketball. At ang pinaka-masaklap ay nagkaroon pa ito ng ibang babae.

Kaya’t ganoon na lamang ang pagtutol ni Jenna sa tuwing nakakahawak ng bola ang anak.

“Jenna! Nakita ko ang anak mo kanina sa eskwela noong sinundo ko ang anak ko. Ang galing palang mag-basketball ng anak mo, ano?” tanong ng kapit-bahay na si Berto.

“Nako! Naglalaro na naman? Pinagbawalan ko na nga iyon! Ang palagi kong sinasabi sa kanya ay tutukan niya ang pag-aaral niya. Wala siyang mapapala sa basketball na ‘yan,” wika ng inis na inis na ina.

“Ganoon ba? Sayang naman. Kaunting pagsasanay lang at siguradong magiging isa sa pinaka-magagaling na manlalaro ang anak mo. Baka nga makapasok pa ng PBA,” patuloy na kwento ng kapit-bahay.

Habang nag-uusap ang dalawa, sakto namang dumating na si Tristan mula sa eskwela. Pawis na pawis ito habang suot ang sapatos na panglaro na minana pa mula sa kanyang ama.

“Hoy, ano! Tristan! Ano ang sabi ko? Hindi ba nag-usap na tayong hindi ka na magbabasketball? Ang tigas talaga ng ulo mo, ‘no? Manang-mana ka!” gigil na gigil na sabi ni Jenna.

Pahiyang-pahiya naman si Tristan. Sa harap pa ng mga kapit-bahay siya pinagalitan ng kanyang ina.

Advertisement

“Sorry po, mama. Si Sir Aguinaldo po kasi, yung teacher namin sa PE. Ang sabi niya po, malaki raw po ang potensyal ko. Handa raw po siyang turuan ako upang lalo pang gumaling,” nakayukong paliwanag ng bata.

“Tumigil kayo! Nakita mo ba ang nangyari sa ama mo? Ganyang-ganyan ang sabi sa kanya noong bata pa siya. May napala ba siya? Wala!” pilit ipinamumukha ni Jenna sa anak na walang patutunguhan ang kahibangan ng anak.

Naging ganoon ang araw-araw na eksena sa pamamahay ng dalawa, kaya naman isang araw ay nagdesisyon nang magsinungaling ang bata. Lumipas ang apat na taon, at palihim na naglalaro at nagsasanay si Tristan kasama ang kanyang PE teacher. Sinasali rin siya nito sa mga kompetisyon sa loob at labas ng eskwela. Madalas namang mamayagpag ang pangalan ng bata dahil sa galing nito.

Dumating na ang araw ng pagtatapos ni Tristan sa hayskul. Kahit na halos araw-araw siyang naglalaro ng basketball, tinupad pa rin niya ang pangako sa ina na siya ay mag-aaral ng mabuti. Kaya naman nagtapos ito ng may pinaka-mataas na karangalan.

Sa araw ng seremonya, masayang-masaya ang inang si Jenna dahil nagbunga ang lahat ng pagod niya.

“Anak! Congratulations. Ang galing-galing mo talaga. Hindi ba, tama ako? Magbubunga ng maganda ang pag-aaral mo. Hindi mo kailangan ng basketball na ‘yan,” nakangiting wika ni Jenna habang niyayakap ang anak.

“Ma’am Jenna, congratulations po! Bukod sa valedictorian ang anak ninyo, pinag-aagawan siya ng mga unibersidad. Gusto siyang kuhain bilang varsity ng basketball sa kanilang eskwela. Magiging libre po ang pag-aaral ng anak ninyo,” nakangiting bati ng principal na si Ms. Trinidad.

“Ha? Anong varsity? E hindi nga naglalaro ang anak ko ng basketball,” takang-taka si Jenna dahil ang alam niya ay matagal nang tumigil ang anak sa paglalaro.

Advertisement

Napatingin si Jenna sa anak. Nakita niyang nakayuko lamang ito na tila ba may tinatagong sikreto.

“Tristan?! Magsalita ka! Magpaliwanag ka,” galit na galit na sabi ni Jenna.

“Nako, Ma’am. Huwag niyo naman hong kagalitan ang anak ninyo. Sa totoo lang, halos lahat nga ng mga magulang dito ay inggit na inggit sa inyo dahil sa husay ng anak ninyo. Hindi lang sa pag-aaral kung hindi pati na rin sa pagbabasketball,” paliwanag ni Ms. Trinidad. Naramdaman niyang malaki ang pagtutol ng ina sa pangarap ni Tristan.

Hindi na nagsalita si Jenna. Kahit hindi pa tapos ang seremonya, agad niyang hinatak si Tristan pauwi ng kanilang bahay.

“Ano?! Niloloko mo lang pala ako? Akala ko ba tumigil ka na? Ang lakas ng dugo ng ama mo! Lahat pala ng pakiusap ko sa’yo ay hindi mo sinusunod?!”

“Mama! Parang awa mo na! Sinunod ko naman po ang lahat ng kagustuhan mo na husayan sa akademya. Talaga lang pong hilig ko ang paglalaro ng basketball. Pangarap ko po iyon,” paliwanag ng umiiyak na binata.

“Aba at talagang sumasagot ka pa! Oo, sige! Papayag akong magbasketball ka. Sige, pumasok ka sa unibersidad na gusto mo. Tutal sagot daw nila ang lahat ng gastos sa pag-aaral mo, hindi ba? Sige! Pero huwag kang umasa ni isang kusing mula sa akin,” naiyak na rin si Jenna. Hindi niya matanggap na lumalaking kagaya ng kanyang dating asawa ang mahal na anak.

Kahit malaki ang pagtutol ng kanyang ina, sinunod ni Tristan ang kanyang kagustuhan. Sa tulong ng prestihiyosong unibersidad na kumuha sa kanya bilang isang iskolar kapalit ng paglalaro ng basketball, nakapagtapos ng pag-aaral si Tristan. Sa loob ng apat na taong iyon, halos hindi na sila magpansinan ng ina sa loob ng kanilang pamamahay. Pinandigan din ni Jenna ang pagmamatigas at tinupad ang sinabing hindi siya susuportahan sa paglalaro niya. Pero kahit na ganito, hindi pa rin pinabayaan ni Jenna ang anak. Araw-araw ay inaasikaso pa rin niya ang pagkain, damit na pang-eskwela, at mga gamit nito sa bahay.

Advertisement

Sa kabila ng lahat ng ito, nakapagtapos ng may maraming karangalan ang binata. Bukod pa dito, pinipilahan din siya ng mga kupunan na labis siyang nililigawan upang sumali sa kanilang team upang maglaro sa PBA.

Tuwang-tuwa ang bata sa lahat ng karangalan at tagumpay na nakamit. Ngunit ramdam niyang may kulang sa kanyang puso. Sa araw ng kanyang pagtatapos sa kolehiyo, napagdesisyunan niyang kausapin ng masinsinan ang kanyang ina.

“Mama?”

“Ano?” masungit na sagot ni Jenna.

“Magtatapos na po ako. Graduation ceremony na po namin bukas. Magiging masaya po sana ako kung makakadalo ka,” paki-usap ng binata.

“Tigilan mo ako! Apat na taon mo akong tiniis na suwayin, tapos ngayon sasabihan mong pumunta ako? Nahihibang ka na ba?” sagot ng naluluha nang ina.

“Mama naman. Hindi ko maintindihan kung bakit ganyan ka katigas. Nang dahil lang ba sa galit mo kay papa? Maaaring nakuha ko ang matinding hilig sa pagbabasketball, pero sinisiguro ko sa inyo na ibang-iba ako sa kanya. Hinding-hindi ko magagawa ang mga ginawa niya. Mahal na mahal kita, mama. Malaki ang utang na loob ko sa iyo dahil hindi mo ako pinabayaan mula nang iwan tayo ni papa.”

Gulat na gulat si Jenna sa mga narinig mula sa kanyang anak. Hindi niya alam na labis pala siya nitong naiintindihan. Biglang lumambot ang kanyang napakatigas na puso. Bigla rin niyang naisip na malaki ang pagkakamali niyang ibunton sa anak ang malaking galit sa dating asawa. Kaya naman napagdesisyunan niyang kalimutan na ang lahat at magsimula ng panibagong buhay kasama ang anak.

Advertisement

Tuwang-tuwa naman si Tristan. Ngayong may basbas na ng ina ang paglalaro, lalo pang namukod tangi ang galing ng binata. Napagdesisyunan nitong sumali sa isang kupunan at naglaro sa PBA. Palagi rin itong itinatanghal na MVP o most valuable player. Napaka-laking pera naman ang naging kapalit nito.

Higit pa sa maginhawa ang naging buhay ng mag-ina. Halos maiyak si Jenna sa tuwing naaalala ang mga pagpipigil sa kanyang anak upang maabot nito ang kanyang mga pangarap. Sa ganitong sitwasyon, laking pasasalamat ni Jenna na sinuway siya ng kanyang anak.

Kahit pa isang napaka-matagumpay nang manlalaro si Tristan, tinupad din nito ang pangako sa kanyang ina. Nang magkaroon ito ng sariling pamilya, naging napaka-buting asawa at ama ni Tristan sa naging dalawang anak nito. Wala nang hihilingin pa si Jenna sa buhay.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!