Nagulat ang Make Up Artist nang May Isang Matandang Lalaki ang Nais Magpaturo ng Make Up sa Kanya, Nakakadurog ng Puso ang Dahilan Nito

Simula bata pa lamang ay kikay na si Nadine, mahilig siya sa kahit na anong pampaganda, damit man iyan, sapatos, bag at make up. May kaya rin ang kanyang pamilya kaya naman kahit na anong kurso ang nais niyang kunin ay pwede, syempre, hindi naman nila alintana kung ‘walang pera’ ang napili niyang maging trabaho.

Nais maging make up artist ni Nadine na siya namang natupad matapos ang kanyang pag-aaral. Sa ngayon ay nagsasagawa siya ng make up class sa mga taong nais na matutong mag make up, kung minsan naman ay tumatanggap siya ng mga gig tulad ng kasal, debut o kahit na ano pang event na nangangailangan ng serbisyo niya.

Nagre-renta siya ngayon sa isang building upang doon isagawa ang mga klase niya, may kamahalan ang pag-enroll sa kanya. Ang bawat session ay nagkakahalaga ng 1,500 pesos. Idagdag pang baguhan lang siya kaya walang masyadong nag-aaksaya ng pera na mag enroll sa kanya upang matuto.

Siguro, bawat klase ay may pito hanggang sampu lamang siyang estudyante. Ayos lang iyon, daddy naman niya ang magbabayad ng renta sakaling ma-short siya sa budget. Sobrang spoiled niya sa ama at lahat ng naisin niya ay binibigay nito, kahit pa madalas ay sungitan niya ito dahil busy siya at nangungulit itong dalawin naman niya.

Isang araw, nagulat si Nadine nang isang lalaki ang lumapit sa kanyang desk.

“Miss, dito ba yung Sassy Make up Class?” tanong nito, siguro ay malapit nang mag-50 ang lalaki.

Naka-polo shirt ito at pantalon, presentable naman.

“Yes sir, dito nga po. Sino po’ng i-eenroll ninyo?” nakangiting sabi niya.

Advertisement

“N-nakita ko kasi ang advertisement ninyo sa isang post sa social media, malapit lang naman ako dito nakatira kaya sinadya ko na. A-ako sana ang mag-eenroll..” humina ang boses nito sa huling pangungusap.

Tinitigan ito ni Nadine, hindi naman mukhang bading ang mama. Ayaw niya ring manghusga pero bibihira kasi ang ganitong pagkakataon.

“Kayo po? Pwede naman sir. Ilang sessions po ba?” sabi niya.

“Siguro ay mga apat na session?” sabi nito.

“Ah sige po, every two weeks po ang klase namin dito, Saturdays. So bale 4 Saturdays po. Wait, may klase kami ngayon, gusto nyo na po bang mag-start?”

“Sige, kung pwede sana.” determinadong sabi ng lalaki.

Umattend na ito ng klase nang hapon ding iyon at katulad ng naging reaction ni Nadine ay nagulat rin ang ilang kaklase nito. Gayunpaman, aktibo ang lalaki at palaging may mga tanong, gustong-gusto talagang matuto.

“Miss, kasi ang model natin ay bilugan ang mga mata. Sakaling singkit ang me-make upan ko, paano na yung eyelids niya? Mahirap mag.. ano ba ang tawag doon, transition color sa crease?” sabi nito, kay bilis natuto sa mga terminong ginagamit sa pagme-make up.

Advertisement

Napatitig rito ang mga kasama, na pawang mga babae at nasa edad na 20-30. Singkit ang lalaki, ang sarili ba nito ang tinutukoy? Susubukan ba nitong make upan ang sarili pag-uwi? Napahagikgik sila sa isiping iyon.

“Good question, dadating tayo dyan mamaya. You see, mayroon rin tayong chinita na model,” nakangiti namang sagot ni Nadine. Tumango lang ang lalaki at nagtuloy na sa pakikinig.

Mabilis na natapos ang tatlong Sabadong session nila, pinakamatanong sa lahat ang lalaki. Wala rin namang time na maka-kwentuhan pa ito dahil wala pang isang minutong in-announce ni Nadine ang uwian ay umaalis na ito agad, hindi katulad ng iba na nananatili pa roon nang sandali at nakikipagkwentuhan.

Bago matapos ang huling session nila, di na napigil ni Nadine ang sarili. Masyadong napukaw ang interes niya sa dahilan ng lalaki kung bakit gustung-gusto nitong matutong mag make up, aba, mas active pa ito sa mga girls doon! To think na halos 50 years old na ang mama.

Tinanong niya isa isa ang bawat estudyante sa dahilan ng mga ito, may nagsabing nais daw mag explore sa buhay, may nagsabi namang nais daw kasing gumawa ng mga tutorial videos at i-post ito sa social media. Pagdating sa lalaki, lahat sila ay nakaabang. Halatang interesado rin ang mga kaklase nito na malaman ang dahilan niya.

Hindi naman siguro beki si kuya,sabagay, wala naman ding masama kung sakali, sa isip isip ni Nadine.

“Magde-debut na kasi ang kaisa-isang anak ko at, wala siyang ibang gustong mag make-up sa kanya kung hindi ang mommy niya, sobrang close nila. Ayaw niyang kumuha ng make up artist.” sabi lang nito, may lungkot sa mukha.

Lalong na-curious si Nadine, “Ang mommy niya ang gusto niyang mag make up pero bakit po kayo ang nag-enroll dito?” tanong niya.

Advertisement

“Pumanaw sa cancer ang misis ko noong isang taon. Ayaw kong malungkot ang anak ko kaya ako nalang ang gagawa ng bagay na di na magagampanan ng mommy niya,”

Napahawak si Nadine sa dibdib niya, napakadakilang ama. Noon niya naisip ang daddy niya na gagawin lahat mapagbigyan lang siya. Tinawagan niya ito at sinabihang dadalaw siya mamaya.

Kinagabihan, bumili si Nadine ng mga ingredients para sa carbonara. Iyon ang paborito ng kanyang daddy at ipagluluto niya ito. Panahon na para ibalik niya naman ang pagmamahal nito.

Ano ang masasabi mo sa kwentong ito? Ibahagi sa amin ang inyong sagot sa comments section sa ibaba. Para sa mas maraming updates, i-like lamang ang aming Facebook page.