Nanonood ng Sine ang Mag-Ina nang Biglang Magyaya ang Bata na Umuwi, Grabe Pala ang Mangyayari sa Mall Paglabas na Paglabas Nila

Apat na taon na ang nakalipas mula nang pumanaw ang mister ni Evelyn. Siya ngayon ang mag isang nagpapalaki sa tatlong taong gulang nilang anak, si Heidi. Mabuti nga at kasama niya ang kanyang ina sa bahay, ito ang nagbabantay sa apo kapag kailangang pumasok ni Evelyn sa call center.

“Ang aga mong nagising ah, kain na. Nagsangag ako,” masayang sabi ni Aling Martha. Linggo ngayon at walang pasok si Evelyn.

“Oho, hindi na ako dalawin ng antok eh. Kape tayo ‘nay, saluhan mo ako.” pupungas pungas pang sabi ni Evelyn.

“Tamang-tama, paggising ni Heidi ay papakainin ko na bago paliguan. Ikaw, kumilos ka na habang tulog siya. Sakto yan, alas diyes may misa.”

“Nay,” saway ni Evelyn sa ina. Alam naman kasi ng matanda na matagal na panahon na siyang tumalikod sa Diyos. Hindi na siya naniniwala.

“A-Alam ko naman na hanggang ngayon ay masakit pa rin. Pero wag mong talikuran ang Diyos anak, hindi ka naman niya pinabayaan. Bakit ka ba ganyan, bakit pati anak mo ay inilalayo mo sa Kanya-“

“Please lang po. Wag na nating itong pag-usapan, hindi na magbabago ang isip ko.” nawalan tuloy siya ng gana kumain.

Hindi niya maintindihan sa nanay niya kung bakit pinipilit siya laging magsimba, hindi ba nauunawaan ng matanda na maski anong gawin niya, hindi na siya naniniwala?

Advertisement

Bakit niya paniniwalaan ang Diyos, apat na taon na ang nakalipas nang araw araw siyang nakaluhod rito. Ipinapanalangin na iligtas ang kanyang mister sa sakit nito, na bigyan ng lunas at kaginhawaan dahil di niya alam kung ano ang gagawin pag nawala ang lalaki sa buhay niya.

Pero ano ang ginawa ng magaling na ‘Panginoon’? Kinuha ang asawa niya! Wasak na wasak ang puso ni Evelyn noon, at hindi pa nakuntento dahil nalaman niyang buntis siya. Ano’ng lupit naman ng tadhana, hindi man lang naabutan ng mister niya ang pagsilang ni Heidi. Binigyan pa siya ng responsibilidad. At kung may Diyos man, tiyak niyang pinag- iinitan siya nito.

Ayaw siyang maging masaya.

Hindi na umimik pa si Aling Martha, sakto namang lumabas na sa kwarto si Heidi.

“Mommy, away kayo ni Lola?” medyo nakapikit pang sabi ng bata.

“No baby, come on. Breakfast na. Pupunta tayo sa mall okay? Mage-enjoy tayo doon, kaysa kung anu-anong walang kwentang bagay pa ang gawin natin,” sabi niya, sinulyapan ang matanda dahil parang parinig niya na rin iyon dito.

Malungkot naman na nagpatuloy sa pagtitimpla ng kape si Aling Martha, sana dumating ang panahon na buksan muling mabuksan ang puso ng anak niya.

Ilang sandali pa ang nakalipas ay nakasakay na sa taxi si Evelyn at Heidi papunta sa mall.

Advertisement

“Oo, nagpe-pray ako lagi. Sabi kasi ni lola, ikaw ba? Nagpe-pray ka?” nagsasalitang mag-isang sabi ni Heidi, bitbit nito ang manika.

Sinulyapan lang ito ni Evelyn, abala siya sa cellphone.

Nagpatuloy sa pagsasalita ang bata, “Mahal ako ni Papa Jesus? Oo naman, pati si mommy ko? Talaga? Yehey!” napahagikgik pa ang bata.

“What’s your doll’s name? Siya ba ang kausap mo?” kunot noong tanong ni Evelyn. Talaga ang nanay niya, kahit ang bata ay ginagamit makumbinsi lang siya.

Bago pa makasagot ang bata ay huminto na ang taxi, nasa mall na pala sila. Kumain lamang sila sandali tapos ay pumila na sa sinehan, maganda kasi ang palabas ngayon.

Tig-isa silang popcorn, abala ang mag ina na nanonood ng pelikula. Siguro ay mga 15 minutes pa lamang sila sa loob nang natatarantang niyugyog ni Heidi ang braso ng ina.

“What baby?” bulong ni Evelyn.

“Mommy, we have to get out! My friend told me we have to get out!” sabi ng bata.

Advertisement

“Ano? Kasisimula palang ng movie baby. Tingnan mo o, si Thor o. Wow, hammer!”

Pero ni hindi man lang nilingon ng bata ang malaking screen.

“Please mommy, lumabas tayo. Kailangan nating lumabas po,” nangingilid na ang matang sabi nito.

Napalingon si Evelyn sa paligid, pinagtitinginan na sila ng mga naiinis na manonood. Ang ingay na kasi nilang mag-ina sa sinehan at nawawala ang focus sa pelikula. Walang nagawa ang babae, nagdesisyon siyang akayin na palabas ang anak.

Humahagulgol na ang bata. Paglabas nila, “Ayan na. Happy kana?” iritang tanong niya sa anak pero iyak pa rin ito nang iyak.

“Let’s get out of this mall, labas po tayo. Uwi po tayo,”

Ilang marahas na buntong hininga ang pinakawalan ni Evelyn bago binuhat ang bata at inilabas sa mall. Nang nakasakay na sila sa taxi ay tumigil na ito sa pag iyak pero maya’t maya pa rin ang lingon sa paligid.

Hindi naman ganito ang bata, sa katunayan ay mabait nga ito at kahit kailan ay hindi gumawa ng eksena kapag may kaharap na ibang tao, kahit pa may gusto itong ipabiling laruan. Kaya di maintindihan ni Evelyn ang ipinagkaka-ganito ni Heidi ngayon.

Advertisement

“Ngayon, pwede mo na bang sabihin kay Mommy kung bakit? Heidi, you made a scene kanina anak.Nakakahiya,” malumanay na tanong niya sa bata.

“S-Sabi po kasi ng friend ko, we have to get out.” nakatungong sagot nito.

“Nino? Yang manika mo? My goodness baby,” nahimas ni Evelyn ang dalawang sentido. Wow na wow, dahil sa manika napahiya sila at nasira ang panonood niya.

Sesermunan niya sana ang anak pero napatigil sa pagmamaneho ang taxi nang bigla silang makaramdam ng malakas na pagyanig.

“Lumilindol ma’am!” natatarantang sabi ng driver.

Niyakap ni Evelyn ang anak, nagsigawan ang mga tao sa labas. Nang mapalingon siya ay natanaw niya ang mall na pinanggalingan, nagtatakbuhan ang mga tao palabas pero natumba ang mga ito nang gumuho ang mall.

“D-Diyos ko po,” nanginginig na sabi niya. Ilang minuto lang ang nakalipas mula nang lumabas sila, kung hindi niya sinunod ang anak ay baka isa sila sa nadaganan.

Nang humupa ang pagyanig ay nakarating na sila sa bahay, salamat naman at hindi nasaktan ang nanay niya.

Advertisement

“Anak! Diyos ko! Ninerbyos ako, nakita ko sa balita ang nangyari sa mall, akala ko.. Diyos ko po!” naiiyak na sabi ng matanda.

“N-Nay, hindi ko rin alam kung paano nangyari..” tulala pa rin si Evelyn.

Pareho silang napalingon nang magsalita si Heidi, “Salamat ha. You saved us. Mahal kita po, ha? Mahal mo rin si Mommy? Okay, sasabihin ko. Wag kang mag-alala, maniniwala siya,” nakangiting sabi nito sa kawalan.

“B-Baby? Kausap mo pa rin ba ang doll mo?” usisa ni Evelyn, hinawakan sa dalawang balikat si Heidi.

“Po? Si mommy, doll lang si Sophie, hindi po siya nagsasalita,” humahagikgik na sagot nito.

“Sino pala ang kausap mo apo?” kunot ang noo rin na tanong ni Aling Martha.

“Si Papa Jesus po,” inosenteng sagot ng bata.

Walang imik ang mag-ina, nang magpatuloy sa pagsasalita si Heidi, “Alam mo mommy, alam Niyang nasaktan ka. Pero wala naman po siyang ibibigay na pagsubok na hindi mo kaya. Mahal ka Niya mommy, at hindi ka Niya raw po susukuan hanggang magbalik loob ka,” parang matandang sabi nito.

Advertisement

Nayakap ni Evelyn ang anak, iyak siya nang iyak. Napatingala siya, parang kumawala lahat ng sakit na dinarama.

“Diyos ko, patawarin mo po ako. Mahal kita.. at naniniwala na po ako Sayo..”