Matagal na Pinaniwalaan ng Babae ang Bestfriend Dahil Malaki ang Tiwala Niya Dito, May Lihim Pala Itong Pagnanasa sa Kanyang Mister

Simula highschool ay magkaibigan na si Madel at Lucy , ang isa’t isa ang itinuturing nilang bestfriends. Nang mamatay ang nanay ni Madel ay nariyan si Lucy araw araw upang damayan siya sa kanyang pagdadalamhati, si Lucy pa nga minsan ang nagbabaon para sa kanilang dalawa para lang hindi maramdaman ng matalik na kaibigan na mag-isa na siya at walang nag aasikaso sa kanya. Nang ikasal naman si Lucy ay si Madel ang tumayong maid of honor niya, ngiting ngiti pa nga ito habang binubuhat ang likuran ng kanyang gown habang papalapit siya sa altar.

“Anak, bless sa ninang Madel mo.” sabi ni Lucy sa ngayo’y 7 taong gulang na niyang anak, si Landon. Ang kanyang asawang si Anton ay isang Information Technology staff sa Makati. Maganda ang kinikita ng lalaki pero ayaw tumigil ni Lucy sa bahay, katwiran niya, iba pa rin iyong may sariling pera. Kaya naman mayroon siyang sariling bakeshop na pinamamahalaan, nagbebenta siya ng mga cute at masarap na cupcakes.

Medyo malayo sa bahay nila ang nakuha niyang pwesto kaya kumuha siya ng yaya na magbabantay sa anak sakaling maging busy siya. Ngayon ay narito sa kanilang bahay ang bestfriend niyang si Madel, tuwing Sabado ay dito ito natutulog sa kanila at Lunes na ng umaga kung umuwi. Wala namang kaso iyon kay Lucy- masaya pa nga siya dahil parang kapatid na niya si Madel.

“Ang pogi talaga ng inaanak kong yan eh, ano’ng gusto mo sa birthday mo?” nakangiting sabi ni Madel sa bata.

“Cars po ninang, yung red po.” nahihiyang sabi ng bata sa kanyang ninang.

“O bakit ninang lang? Diba sabi ko ang itatawag mo sa akin ninang mommy, kasi parang mommy mo na rin ako. Dahil bff ko ang mommy mo.” sabi ng babae at ginulo pa ang buhok ng bata.

“Sige na Landon, pumasok ka muna sa loob. May sasabihin daw ang ninang mo na important.” utos ni Lucy sa anak, agad namang tumalima ang bata at pumasok sa kwarto. Maya maya pa ay humarap na siya sa kaibigan, na ngayon ay may hindi niya maintindihang ekspresyon sa mukha.

“Ano yun, Madel? Sabihin mo na.” sabi niya rito, hindi niya alam pero iba ang kaba niya. Tungkol na naman kaya ito sa kanyang asawa? Palagi kasing isinusumbong ni Madel na nakikita daw nito ang mister niya sa mall na may kasamang ibang babae, pero kapag hinahanapan niya ito ng pruweba ay wala namang maipakita. Sinubukan niya nang kausapin si Anton pero todo tanggi naman ang lalaki, syempre ay hindi nya masumbatan dahil nga, wala siyang katunayan.

Advertisement

“Ganito, si Anton kasi. Oh my God, paano ko ba sasabihin ito?” sabi nito na tila problemado.

“Ano nga? Dalian mo na.” pangungulit ni Lucy.

“Ano kasi, diba dito ako natulog kagabi, tapos ginabi ka ng uwi, ano kasi. Sinubukan akong…akitin ni Anton.” sabi ng babae, mahina ang boses at tila tinatantya ang magiging reaksyon niya.

Hindi naman makapagsalita si Lucy, sa dinami-rami ng babae, bakit naman ang kaibigan niya pa? Mahal na mahal niya ang asawa at buong akala niya ay ganoon din ito sa kanya pero mali pala siya. Agad na nagpanting ang kanyang tenga at tumayo, humanda si Anton sa kanya. Palabas na siya sa bahay nang masalubong niya ang yaya ng kanyang anak.

“Ma’am! May sasabihin po ako-” sabi nito na pinutol niya.

“Wag ngayon yaya Meding, mamaya napo.” sabi niya lang, dire-diretso na naglakad habang tigib ng luha ang mga mata. Pagpunta niya sa opisina ng asawa ay masaya pa itong tumayo nang makita siya at akmang yayakapin pa siya ng lalaki nang salubungin niya ito ng sampal.

Sinabi niya ritong ayaw na niya at makikipaghiwalay na siya dahil manloloko ito, hindi na nakapagsalita ang lalaki. Sobrang napahiya ito dahil nakaharap pa ang mga kasamahan. Nagpalipas ng oras si Lucy sa isang park at doon siya umiyak nang umiyak, wala nang pakialam kung may makakita sa kanya. Sobrang sakit lang talaga ng kanyang nararanasan ngayon.

Iniisip niya na lang na, may pinag aralan naman siya. Kaya niya naman sigurong buhayin si Landon. At si Anton? grabe ang kapal ng mukha, at ang galing magpanggap na parang wala itong ginawa dahil sobrang gulat at inosente ang ekspresyon nito kanina. Kung acting iyon, best actor naman talaga ang damuho.

Advertisement

Mga 6pm na nang makarating siya sa bahay, balak niya ay mag-empake na, siguro ay doon na muna sila titigil ni Landon sa mga nanay niya. Bubuksan niya pa lang ang pinto nang marinig niya ang isang pag-uusap. Sa mga boses pa lang ay alam na niya na si Anton at Madel iyon, ang kakapal!

“Madel, ano ba’ng sinabi mo kay Lucy?” sabi ni Anton.

“Ano ka ba, hayaan mo na siya. Baka may lalaki na yun, parang nakukwento niya sa akin na may nagkakagusto daw sa kanyang customer niya sa bakeshop.” nanlaki ang mata ni Lucy dahil gawa-gawa lang iyon, saan nakuha ni Madel ang kwentong yon?!

“Hindi yan magagawa sa akin ng misis ko.” matigas ang boses na sabi ni Anton.

“Nagawa na niya! Ikaw lang ang nagpapakabulag. Andito naman ako, hindi mo lang ako pinapansin. Nang halikan kita kagabi, bakit mo ko iniiwasan? Andito lang ako Anton, ako nalang kasi. Wag na si Lucy.” sabi pa ng babae.

Akmang sasagot pa si Anton nang biglang pumasok si Lucy, nanlaki naman ang mata ni Madel. Isang napakalakas na sampal ang dumapo sa mukha ng babae. Magsasalita pa sana ito pero sinampal ito ulit ni Lucy, isang babala na kapag sumagot pa ito ay hindi siya titigil sa pananampal. Tila nakuha naman iyon ni Madel at umalis na.

Yumakap si Lucy sa kanyang asawa na labis siyang nagkasala, pinagbintangan niya ito sa kasalanang di naman nito ginawa.

Isa lang ang natutunan niya, bilang misis, ang una dapat niyang paniniwalaan ay ang kanyang mister. Dahil ito ang kanyang kabiyak, pinagtibay ng Diyos ang kanilang samahan, at walang sinumang tao ang maaaring maghiwalay sa kanilang dalawa.

Advertisement

Ano ang masasabi mo sa kwentong ito? Ibahagi sa amin ang inyong sagot sa comments section sa ibaba. Para sa mas maraming updates, i-like lamang ang aming Facebook page.