Hindi Naging Hadlang ang Pagiging Tricycle Driver ng Lalaking Ito Upang Makapagtapos Siya ng Pag-aaral

Pagpatak ng alas kwatro ng umaga ay antimano nang gigising si Vino para maghanda ng almusal at gisingin ang dalawa niyang anak na si Maymay at Makoy, nasa elementarya na ang mga ito at siya naman ngayon ay nasa high school.

“‘Tay, bakit ba nila lagi kayong pinagtatawanan sa tuwing papasok kayo sa eskwela? Maging ang iba kong mga kaklase ay pinag-uusapan po tayo,” tanong ni Maymay sa ama habang hinahanda nila ang sapatos pamasok sa eskwela.

“Kasi mga anak matanda na ang tatay niyo pero ngayon pa lang nag-aaral. Kaya lagi nila tayo pinag-uusapan kasi hindi normal na ganon. Kasi dapat sa edad na 18 anyos ay tapos na mag-aral ang isang bata. Kaya kayong dalawa, imbes na pansinin niyo yung mga kaklase niyo ay mag-aral kayong mabuti para hindi kayo matulad sa tatay na matanda na e nag-aaral pa rin,” sagot ni Vino sa anak.

“E ano naman tatay kung matanda na tapos ngayon pa lang nag-aaral, bawal ba yun?” tanong naman ni Makoy.

“Hindi bawal anak, kahit anong edad ay maaring mag-aral ulit. Ngunit sadyang mapanghusga ang ibang tao sa kanilang kapwa kaya ito naging katawa-tawa. O, siya basta! Ano ang motto nating tatlo?” tanong ng ama.

“MAG-AARAL NG MABUTI PARA SA SARILI AT HINDI PARA SA IBANG TAO!” sabay na pahayag ng dalawa niyang anak at hinalikan niya ang mga ito sa ulo.

“Sakay na kayo sa sasakyan natin, dahan-dahan dahil bagong car wash ang ating pajero!” wika ng ama sabay tawa.

Isang traysikel driver si Vino at ngayon ay nasa huling taon na siya sa pag-aaral ng high school. Sinimulan niya ang pagpasok muli noong iniwan sila ni Elaine, ang nanay ng kaniyang mga anak at ang babaeng minahal niya ng sobra. Iniwan daw sila nito dahil ayaw niya mamuhay sa hirap, nagkaroon kasi ito ng phonepal na tiga-ibang bansa at basta nalang lumipad paalis ang babae. Wala raw kasing mararating ang pagiging traysikel drayber ni Vino para sila ay umasenso.

Advertisement

Kaya naman ginamit ni Vino ang mga masasakit sa salita ni Elaine para paghugutan ng lakas at makapag-aral ulit dahil kapag siya ay nakapagtapos, paniguradong makakahanap na siya ng mas maayos na trabaho. Nagpapasalamat na lamang ang lalaki dahil naiintindihan siya ng mga anak at sinusuportahan kahit pa nga alam niyang pinagtatawanan sila ng ibang tao.

“Oh mga anak nandito na tao sa eskwelahan n’yo! Mag-aral mabuti ha! Huwag mangongopya at huwag makikipag-away. Papasada muna ang tatay niyo at mamaya pa namang tanghali ang klase ko,” wika ni Vino sa mga anak at saka siya humalik sa mga ito.

Pagkatapos niyang maihatid ang mga bata ay papasada muna siya para sa kabuhayan ng kanilang pamilya. Parati itong nakasuot ng earphones dahil pinapakingan niya ang recorder na bigay ng kaklase kung saan nandoon ang ibat-ibang pagsasanay para gumaling sa pagbigkas ng wikang ingles at sa tuwing wala naman siyang pasahero ay nagbabasa ito ng libro.

“Mang Vino, malapit na tayo magtapos ng high school. Balak niyo pa ho bang mag kolehiyo? Meron hong binibigay na scholarship ang munisipyo baka gusto niyo hong pumila doon sayang din,” saad ng isang kaklase ni Vino habang inaantay ang kanilang susunod na guro.

“Naku pinag-iisapan ko pa nga kung tutuloy ako ng kolehiyo. Baka kasi hindi na magkasya ang pagpapasada ko sa trisikel para masustentuhan ang pangangailangan namin lahat ng mga anak ko,” sagot naman ni Vino dito.

“May kasma na ho iyong cash allowance kung hindi ako nagkakamali, wala na ho kayong gagastusin kundi ang pinakabaon siguro at mga darating na projects, subukan niyo lang Mang Vino dahil mataas naman ho ang marka ninyo sa klase paniguradong makakapasa ho kayo,” dagdag pa nito.

Ngayong malapit na magtapos si Vino ng high school ay labis niyang inaalala kung paano niya masusuportahan ang pagkokolehiyo habang nag-aaral rin ang kaniyang mga anak. Iniisip na lamang niyang hanggang dito na lang dahil may mga trabaho naman na nakukuha ang mga high school graduate.

“Sige, sige susubukan ko, wala naman mawawala kung susubukan lang hindi ba? Salamat ulit!” baling ni Mang Vino sa kaklase. Agad na nagpasa ang lalaki ng mga kailangang papeles para sa sinasabi nitong scholarship at lalabas raw ang resulta kapag sila ay nakapagtapos na.

Advertisement

Ilang buwan ang lumipas at umakyat sa entablo si Vino suot ang puting toga at kumakaway sa kaniyang mga anak. Nakapagtapos na ang lalaki sa edad na 26 anyos at masayang masaya siyang binuhat ang mga bata at nagpalitrato noong araw na iyon. Agad na pinaframe ni Vino ang litrato at sinabit sa kanilang bahay.

“Oh mga anak, ang tatay nakapagtapos na ng high school, kayo naman ang susunod!” masayang pahayag ng ama sa kaniyang mga anak.

“Sobrang galing mo talaga tatay! Hayaan mo pagpapalain pa tayo lalo ni Papa Jesus at makakapag-aral papo tayong lahat ulit. Ikaw sa kolehiyo kami namin ni Makoy ay sa high school!” sagot ni Maymay sa ama at saka sila nag apir.

“Magdilang anghel ka sana anak! Kapag nakapag kolehiyo si papa ay siguradong sigurado na ang magiging kinabukasan niyo at malapit na tayong makakain ng fried chicken araw-araw!” sigaw ng ama sabay labas sa pritong manok para sa kanilang hapunan.

Kinaumagahan ay dumating ang isang malaking pagpapala sa kanilang pamilya.

“Tao po? Andito ho ba si Vino Lipoy?” tanong ng isang babae.

“Ay oho, ako ho yun,” sagot ni Vino habang nagpupunas sa kaniyang trisikel.

“May maganda kaming balita para sayo, nakapasa ka sa scholarship at maari kanang makapag-aral ng kolehiyo,” saad ng babae. Laking pasasalamat ni Vino dahil dininig ng Diyos ang kaniyang dasal kaya naman nakipaglaban siya sa kolehiyo kahit nga naging sobrang hirap nito.

Advertisement

Kinakailangan niyang mapanatili ang grado para hindi siya mawalan ng scholarship at kailangan din niyang kumayod para makakain ang mga anak. Nakakuha siya ng mga regular na pasahero mula sa eskwelahang pinapasukan at naging malaking tulong iyon para mairaos niya ang araw-araw na gastusin ng kaniyang pamilya. May mga araw na halos sumuko na Vino sa kaniyang laban ngunit palagi niyang binabalikan ang masasakit na nakaraan para mabuhayan muli siya ng loob.

At nang dahil sa tiyaga, pagpupursige at walang kamatayang sipag ni Vino ay nakapagtapos siya ng kolehiyo sa kursong office management at agad siyang inalok sa munisipyo ng trabaho.

“Tatay! sobrang proud kami sayo! ” saad ng dalawa niyang anak ng isinabit na nila ang picture frame ng ama suot ang itim na toga.

“Hindi ko ikinakahiyang trisikel driver ang tatay ko at binuhay niya lang kami mag-isa. Kahit dumating ngayon si nanay na may limpak-limpak na pera e mas pipiliin pa rin ho kayo namin, tatay!” saad ng dalawa at pumatak ang mga luha ni Vino at nakita iyon ng kaniyang mga anak sa unang pagkakataon.

Masayang masaya ang lalaki dahil kahit anong hirap pala ay kakayanin niya para sa mga anak, kahit anong pangmamaliit at dagok sa buhay ay malalagpasan nila, lalo na ngayon na mas malakas na ang loob niyang harapin ang mundo.

“Basta mga anak, lagi niyong tatandaan. Sa pag-aaral walang nahuhuli ang meron lang ay ang mga taong sumusuko at hindi tayo yun! Kahit ano pang maging hirap sa mga susunod na araw ay WALANG SUSUKO! LABAN LANG!” pahayag ni Vino sa mga anak.