Pamangkin Ko, Anak Pala ng Nobyo Ko?

Isang taon nang magkasintahan si Selena at Raphael, kaya naman napagdesisyunan ng babae na ipakilala na sa kanilang bahay ang kanyang nobyo.

“Mama, papa, si Raphael po. Ang nobyo ko,” pakilala ng babae.

Iniabot naman ng lalaki ang isang piraso ng bulaklak sa kamay ng ina ni Selena at isang bote naman ng mamahaling wine sa ama nito.

“Naks naman! May pabulaklak at wine pa!” pabirong asar ng kapatid ni Selena na si Amy. Nagkakilala ang dalawa sa pamamagitan ni Amy dahil kaibigan at kaklase niya noong kolehiyo ang binata.

Nakatira pa rin si Amy sa kanilang tahanan kahit may anak na lalaki na ito. Nabuntis kasi ito ng nobyo niya noon ngunit hindi siya pinanindigan. Malugod pa rin naman siyang tinanggap pabalik sa bahay ng kanyang buong pamilya kasama ang anak na si Jepoy.

“Heto, para kay Jepoy. Siyempre hindi kita makakalimutan!” masayang sabi ni Raphael habang iniaabot ang isang laruang robot na binili pa raw nito sa Japan noong napasyal siya roon.

“Wow, Tito Raphael! Thank you po! Ngayong kilala ka na ni lolo at lola, palagi na tayo makakapaglaro!” nakangiting sagot naman ng bata.

Masayang-masaya naman si Selena dahil halatang tanggap na tanggap ng buo niyang pamilya ang nobyong si Raphael.

Advertisement

Ngunit lumipas ang ilang buwan at napapansin na ng dalaga ang labis na pagka-close ni Raphael sa kanyang pamangkin. Halos araw-araw ay dumadalaw ito sa kanila upang makipaglaro kay Jepoy.

Isang umaga, nagising pa si Selena sa lakas ng tawanan sa labas ng kanyang kwarto. Laking gulat naman niya nang makitang naroon kaagad si Raphael sa kanilang bahay at masayang nakikipagkulitan kay Jepoy.

“Babe! Ang aga mo ah. Alas siyete pa lang pero nandito ka na. Tara, magbreakfast tayo doon sa paborito kong lugawan!” paanyaya ni Selena sa nobyo.

“Ay babe, sorry pero hindi kita masasamahan. Busog pa kasi ako. Kumain na kami ni Jepoy kanina,” nakangiting sagot nito habang papalapit sa nobya upang halikan sa pisngi.

Napa-ismid na lamang si Selena ngunit pinilit pa ring ngumiti kahit pa kung ano-ano na ang tumatakbo sa isipan niya.

Isang gabi, naisipang lumabas ni Selena kasama ang mga kaibigan niya. Naikwento niya ang lahat ng pinagdadaanan niya nitong mga nakaraang araw.

“Talaga?! Nako, Selena ha!” wika ni Mara, kaibigan niya mula pa noong high school, nang marinig ang hinaing ng dalaga.

“Bakit kaya ganoon? Alam ko na mali ang pagselosan ang bata. Pero grabe na kasi e. As in! Madalas pumupunta siya sa amin, may dalang kung ano-ano para kay Jepoy. Pero sa akin, kahit ano, wala!” dagdag pa ni Selena.

Advertisement

“Girl, hindi kaya…” ani Alexa.

“Ano?” sagot ni Selena.

“Baka anak niya si Jepoy? Hindi ba hindi niyo nakilala ang nakabuntis sa ate mo? Tapos magkaibigan at magkaklase ang ate mo at si Raphael noong college pa sila, ‘di ba?” suhestiyon ni Alexa.

“Hala! Oo nga ‘no? OMG!” reaksyon ni Mara.

Nagulat ang dalawa nang bigla na lamang tumayo at tumakbo palabas ng restaurant si Selena.

“Hoy, saan ka pupunta?!”

“Haharapin ko ang mga baboy na ‘yon! Tang*na nila! Magkaalaman na!” sigaw ni Selena habang sumasakay ng taxi.

Nang makauwi, saktong-sakto na naroon nga ang kanyang nobyo. Umalis ang kanyang ama’t ina papunta sa probinsya, habang si Amy naman ay nasa trabaho pa. Kaya naman naiwan si Jepoy sa pangangalaga ni Raphael.

Advertisement

“Hoy, Raphael! Ikaw ba ang tatay ni Jepoy?! Binababoy niyo ba ako ng ate ko? UMAMIN KA!” galit na galit na sigaw ni Selena.

“Ha? Jepoy, pumasok ka muna sa kwarto mo,” sagot ni Raphael.

Nang makapasok na ang bata, nagpatuloy ang usapan ng dalawa.

“Saan mo nakuha ‘yang ideyang ‘yan? Ayos ka lang ba, babe?” tanong ng binata.

“HINDI! Hindi ako okay! Araw-araw ka nang nandito, hindi para sa akin, kundi para kay Jepoy! Ano, sagutin mo ako! Anak mo ba siya sa ate ko?!”

Nagulat si Selena nang bigla na lamang natawa ng malakas ang nobyo niya.

“Kadiri ka naman e! Tropa ko ‘yang ate mo. Walang nangyari sa amin kailanman. Alam mo ba kung bakit malapit ako kay Jepoy?” sagot ni Raphael.

“Kasi, babe, gustong-gusto ko nang magka-anak tayo. Ngunit alam kong hindi pa pwede dahil hindi pa tayo kasal. At alam ko ring hindi ka pa handang magpakasal dahil sabi mo ay magfofocus ka muna sa trabaho at career mo. Madalas kapag nandito ako, gusto ko lamang na makitang ok ka. Madalas kasi ay nasa kwarto mo lang ikaw at nagtatrabaho kahit kakauwi mo lang galing trabaho. Ayokong makaistorbo sa’yo, kaya palagi akong nandito sa labas kasama ni Jepoy,” nakangiting paliwanag ni Raphael habang hinahaplos ang buhok ng galit na si Selena.

Advertisement

“Alam mo namang napakahilig kong mag-alaga at makipaglaro sa mga bata. Tuwang-tuwa ako kay Jepoy kasi kamukha mo siya. Kaya pakiramdam ko ay magiging ganito ang itsura ng anak natin kapag nagkaroon na tayo ng sariling atin,” patuloy ng binata sabay yakap sa nobya.

Bigla na lamang natauhan si Selena. Lahat ng inis niya ay naging kilig dahil sa mga narinig sa bibig ng nobyo niya. Nasira ang kanilang moment nang bigla na lamang may malakas na tawa ang umalingawngaw mula sa may pintuan ng bahay nila.

“Diyos ko, Selena! Kung ano-ano ang iniisip mo! Tawang-tawa ako sa’yo!” hirit ng kapatid niyang si Amy na kanina pa pala nanonood sa kanilang dalawa.

“Si Fred ang tatay ni Jepoy. Ipinakilala ko pa siya sa’yo bilang boyfriend ko noon ‘di ba? Nakakaloka ‘tong babaeng ‘to. Pati ako ay pinag-isipan ng masama,” natatawang patuloy ni Amy.

Napagtanto ni Selena na kamukha nga ni Fred ang pamangkin niyang si Jepoy. Nahiya rin siya sa ate niya na napagbintangan niya ng ganoong bagay samantalang napaka-close nilang magkapatid. Kaya naman agad siyang humingi ng tawad at nagyakapan.

Maya-maya pa, humingi na rin siya ng tawad sa nobyo sa pagbibintang ng masamang bagay rito.

“Babe, never kitang lolokohin. Mahal na mahal kita. Ikaw lang, habambuhay. At pangako ko sa’yo, kapag nagka-anak na tayo, ibibigay ko ang lahat lahat upang maging masayang-masaya kayo,” wika ni Raphael.

Natutunan ni Selena na huwag basta basta mag-iisip ng kung ano-ano sa mga tao, lalo na sa mga taong malalapit sa kanya. Mabuting tingnan muna ang lahat ng anggulo upang maiwasan ang kung anumang gulong maaaring mag-ugat nang dahil sa ‘di pagkaka-unawaan at init ng ulo.