Naghanda Siya ng Sorpresa Para sa Kaniyang Nobyo, Siya Pala ang Masosorpresa nang Matuklasan na Lihim Siyang Pinagkakakitaan Nito

“Babe, malapit na bang matapos ang shooting ng drama niyo diyan sa Quezon? Gusto ko sana na magkasama tayo sa ikatlong anibersaryo natin. Posible bang makauwi ka bukas?” paglalambing ni Jelly sa kaniyang nobyo.

“Siyempre uuwi ako, babe. Mahalaga ang araw na iyon para sa ating dalawa. Hindi pwedeng hindi tayo magkasama,” sagot ni Dodong, nobyo ni Jelly.

Isang camera man ng mga palabas at pelikula si Dodong. Kung minsan ay rumaraket din siya bilang photographer. Dahil madalas siyang bumyahe ay bihira lang silang magkita ng kaniyang nobya kaya tuwing may pagkakataon ay sinusulit nila ang bawat segundo nang magkasama.

Maswerteng-maswerte si Jelly sa kaniyang nobyo. Bukod sa ubod ito ng bait ay napakagalante pa nito. Palagi siyang pinauulanan ng mga mamahaling regalo ni Dodong. Tuwing magda-date sila ay sa high-class na restawran sila kumakain. Pag mahaba-haba din ang araw na pareho silang walang pasok ay ipinapasyal siya ng lalaki sa iba’t-ibang magagandang lugar sa Pilipinas.

Sa ikatlong anibersaryo nila bilang magkasintahan, nais ni Jelly na sorpresahin si Dodong. Maghahanda siya ng isang romantikong candlelight dinner para sa kanilang dalawa sa condo ng lalaki. Siya mismo ang magluluto ng kanilang kakainin. Gumawa din siya ng isang maikling video ng kanilang love story.

Kinabukasan ay muling tinawagan ni Jelly si Dodong. “Babe, sigurado bang makakauwi ka mamaya?” Paniniguro ni Jelly. “Siguradong-sigurado, babe. Sa katunayan ay nasa byahe na ko. Magkita na lang tayo sa condo mamayang gabi,” sagot ni Dodong.

Dumaan muna sa bookstore si Jelly para bumili ng mga palamuting gagamitin niyang pang dekorasyon sa condo ni Dodong bago siya pumunta ng grocery para bilhin ang mga kailangan niyang sangkap. Alas tres na ng hapon nang dumating siya sa condo. Pagkapasok na pagkapasok niya sa loob ay agad niyang sinimulan ang paghahanda para sa sorpresa niya kay Dodong.

Maganda ang pagkakaayos ni Jelly sa sala ng condo. Ang buong paligid ay napalilibutan ng maraming mababangong kandila. Nagsaboy din siya ng mga talutot ng puti at pulang rosas sa sahig. Sa gitna ay may lamesa kung saan nakahain ang mga niluto niyang putahe. May isang bote rin ng alak na nakababad sa yelo sa isang tabi.

Advertisement

Habang nag-aayos ng sarili si Jelly ay biglang nag-ring ang kaniyang selpon.

“Babe, mukhang matatagalan pa ko. Sobrang trapik, eh. Siguro mga thirty to forty-five minutes. Nasa condo ka na ba?” tanong ni Dodong.

“Kararating ko lang. Sa loob na lang kita hihintayin,” pagsisinungaling ni Jelly habang pinipigil niya ang kaniyang pagtawa.

Iginala ni Jelly ang kaniyang mata sa paligid nang bigla niyang naalala na hindi pa pala niya nalilipat sa CD ‘yung ginawa niyang video. Agad niyang kinuha ang kaniyang hard drive sa bag. Pumasok siya sa kwarto ni Dodong para makigamit ng komputer. Nang buksan niya ang komputer ay napansin niyang hindi pala ito nai-shutdown ng nobyo, naka-hibernate lang ito kaya nakabukas pa ang website at chat room na huling binuksan ni Dodong. Nagulat si Jelly nung tinignan niya ito ng mabuti, isa itong porn website at chat room.

Nanlaki ang mga mata niya nang mabasa niya ang mga palitan ng mensahe sa chat room. Ang mga mensahe ay tungkol sa online na bentahan ng mga porn na video. Puro mga banyaga ang mga bumibili at ang nagbebenta ng mga ito ay ang kaniyang nobyo. Bawat video ay nabebenta ng kaniyang nobyo sa halagang dalawampung libong piso.

Kumulo ang dugo Jelly nang mabasa niya ang mga malalaswang komento ng mga bumili ng video sa babae na gumanap sa porn video. Ang babaeng tinutukoy nila ay walang iba kung hindi siya.

Nang muling tinignan ni Jelly ang website ay binalot ng matinding galit ang buo niyang katawan. Ang nakalagay sa website ay puro mga video nila ni Dodong habang sila ay naglalaro ng apoy sa condo.

Agad na hinaluglog ni Jelly ang buong condo at nanlumo siya sa kaniyang natuklasan. Bawat sulok ng condo ng nobyo ay may hidden camera. Nanghihinang sumalampak si Jelly sa sahig. Tuloy-tuloy ang pagpatak ng kaniyang mga luha. Hindi niya akalain na magagawa siyang babuyin ng kaniyang nobyo. Nang mahimasmasan na siya ay agad siyang tumawag sa kaniyang selpon. Pagkatapos niyang magpaalam sa kausap ay bumalik siya sa sala para hintayin ang kaniyang nobyo.

Advertisement

Sunud-sunod na sampal, suntok at sipa mula kay Jelly ang sumalubong kay Dodong pagpasok niya ng condo.

“H***p ka! Animal! Akala ko mahal mo ko ‘yun pala pinagkakakitaan mo lang ako! Bakit mo nagawa sa’kin ‘to? Nobya mo ko! Bakit mo vinideo ‘yung mga pagtatalik natin! Ibinenta mo pa!” hiyaw nang hiyaw si Jelly habang sinasaktan ang nobyo.

Nainis na rin si Dodong kaya hindi na niya napigilan ang kanyang sarili na sumigaw at gumanti ng pananakit sa kaniyang nobya.

“Bakit? Nakinabang ka rin naman, ah. Sa tingin mo saan galing yung perang ginagastos ko para sa iyo. Saan galing yung perang pinangbibili ko ng mga mamahaling regalo, ‘yung pinambabayad ko sa restawran at sa tuwing mago-out of town tayo?” natigil ang sigawan at sakitan ng dalawa nang makarinig sila ng mga malalakas na katok sa pinto.

Nagmadaling tumakbo si Jelly sa pinto para papasukin ang mga taong tinawagan niya kanina. Tumawag siya ng mga pulis para ipahuli si Dodong. Hindi niya mapapalampas ang kababuyang ginawa sa kaniya nito kaya sasampahan niya ito ng kaso nang sa ganun ay mabulok ito sa kulungan.

Ang akala ni Jelly ay swerte siya sa kaniyang nobyo. Iyon pala ay pinagkakakitaan lang siya nito. Sayang nga lang at huli na bago niya natuklasan ang katotohanan.

Bagama’t hindi maganda ang kinahinatnan ng kanilang relasyon ay marami rin naman silang magagandang alaala. Ngunit ang pinakatumatak sa utak ni Jelly ay ang aral na huwag basta-basta magtitiwala sa karelasyon. Hindi na siya magpapasilaw sa pera at sa pagiging galante nito. Sisiguraduhin niya munang mahal na mahal siya nito at nirerespeto bago niya ibibigay ang buo niyang pagkatao.