Madalas Makutya ang Babaeng Ito Dahil sa Malaking Balat sa Mukha, Kakaiba ang Naging Paraan ng Tatay Niya Upang Magising Siya sa Katotohanan

Ipinanganak si Anelle na mayroong malaking balat sa kanyang mukha, kulay itim iyon at tila tintang sumakop sa mahigit kalahati ng kanyang pisngi. Dahil doon ay naging tampulan siya ng tukso, na aminin niya man o hindi ay iniinda niya hanggang ngayon. Kahit nasa modernong panahon na at marami na ang nagsasabing ‘wala sa panlabas na anyo ang kagandahan’ ay mas marami pa rin ang apektado ng kanyang itsura, walang masyadong nakikipagkaibigan sa kanya.

Sa totoo lang ay halatang halata niya ang mga estudyante na kulang na lang mag-spray ng alcohol sa mismong pagmumukha niya, naroon din ang nandidiring ekspresyon ng mga ito. Kahit na mula pagkabata palang ay nararanasan niya na ang makutya, tao pa rin siya at nasasaktan.

Isang araw, umuwi siya sa kanilang probinsya para kausapin ang tatay niya. Sasabihin niya ritong ayaw na niyang mag aral, magtatrabaho na lang siya sa call center o kahit saan basta ayaw na niyang mag aral dahil di na niya kaya ang pambubuska. Atleast dito sa probinsya, kilala na siya ng mga tao at sanay na sa itsura niya.

Inabutan niya ang kanyang ama na nagsasalin ng tubig sa pitsel.

“O, hala ka Anelle, diba may eskwela kayo? Miyerkules na Miyerkules eh, ano’ng ginagawa mo rito?” gulat na sabi ng matanda.

“Tay, may sasabihin ako.” sabi nya rito.

“Buntis ka? Nako anak, paano ba yan. Hindi pa ako handang maging lolo.” sabi nito na umakto pang naiiyak.

“Tatay naman eh! Hindi po!” sabi niya rito, sadyang palabiro ang kanyang ama, nakangiti lang ito sa kanya at tila hinihintay ang sasabihin niya.

Advertisement

“Ayoko na pong mag aral tatay, ikaw lang naman ang nagsasabing maganda ako at normal. Dito na lang ako malapit sayo please? Magtatrabaho na lang ako, tutulungan kita. Promise, sawang sawa na ako tatay sa panunukso nila.” sabi niya rito at di napigilang umiyak.

“Pero Anelle, isang semester na lang ay ga-graduate kana. Ayaw mo na ba talaga?” sabi nito, umiling siya kaya napabuntong hininga ito.

“Sa isang kondisyon. Dalhin mo tong basong may tubig, umikot ka dito sa kusina ng tatlong beses. Kapag di natapon ang laman, payag na akong tumigil ka sa pag aaral.” sabi ng matanda at inabot sa kanya ang baso.

“Tatay naman ano’ng joke na naman to,” sabi niya pero kinuha rin ang baso at sinimulan nang umikot para matapos na, wala pang sampung minuto ay mabilis siyang nakaikot nang tatlong beses na walang natatapong tubig dahil di naman masyadong puno ang baso.

Inabot niya iyon sa kanyang ama.

“Ano’ng ginagawa ko habang naikot ka?” tanong nito sa kanya.

“Di ko napansin tatay,” sagot niya rito.

“O sige, ano nalang ang sinabi ko noong paliko ka na sa mesa?” tanong ulit nito.

Advertisement

“Di ko rin alam. Tatay naman eh! Nakatingin kasi ako sa baso kaya di ko napansin.” sabi niya.

“Iyon pala, kaya mo naman pala. Hindi mo napansin ang ginagawa at sinasabi ko dahil naka-focus ka sa baso. Ganoon din iyon sa pangarap mo anak, doon ka lang tumutok at wag mong pakinggan ang ibang tao.” sabi ng matanda.

Naliwanagan si Anelle, tama ang kanyang ama. Kapag nagpaapekto siya at di niya natupad ang pangarap dahil sa sinasabi ng iba, talo siya. At di niya dapat sayangin ang hirap ng ama dahil lang sa kahinaan ng kanyang loob, muling bumalik ang babae sa Maynila upang tapusin ang pag aaral.

Matapos ang ilang buwan, gumraduate na ang babae sa kursong Business Administration. Proud na proud ang kanyang ama habang hawak niya ang braso nito sa pag-martsa nila upang kumuha ng diploma.

Disclaimer: Ang kwentong ito ay kathang-isip lamang. Ang mga nabanggit na pangalan, karakter, negosyo, lugar, pangyayari at mga insidente ay maaaring produkto lamang ng imahinasyon ng may-akda. Anumang pagkakapareho sa sinumang nabubuhay o pumanaw na tao o personalidad at aktwal na pangyayari ay nagkataon lamang. Ang Inday Trending ay isang website na ang layunin ay magbigay ng aral, inspirasyon at katuwaan sa mambabasang Pilipino sa pamamagitan ng pagpapalawig ng aming imahinasyon upang makagawa ng makabuluhang akda na tumatalakay sa pang-araw-araw nating buhay. Ang mga akdang ito ay orihinal na gawa ni Inday Trending at ng kanyang mga manunulat.

Ano ang masasabi mo sa kwentong ito? Ibahagi sa amin ang inyong sagot sa comments section sa ibaba.Para sa mas maraming updates,i-like lamang ang aming Facebook page.