Ang Pusang Itim Raw ang Naghahatid ng Matinding Kamalasan, Pero Iba ang Naging Kaso sa Lalaking Ito

Inis na inis si Kiefer dahil unang araw niya sa bagong nilipatang trabaho ay male-late pa yata siya. Nasa BGC ang kumpanya, malaking korporasyon iyon, siguro ay nasa 700 ang empleyado at maganda ang sahod. Nakakuha rin sya ng mataas na posisyon kaya naman super excited ang lalaki na magsimula, di niya naman akalain na masisira lang ang kanyang kaligayahan ng walang katapusang traffic sa Pilipinas. Kahit anong aga ng gising niya, kung talagang nakatakdang malasin ay mamalasin, iyan ang napatunayan niya.

Alas sais dapat ay naroon na siya sa opisina, alas tres palang ng madaling araw ay nakabihis na siya, siguro mga alas tres y media ay inilalabas niya na ang kotse sa subdivision nila. Kaya lang, heto siya ngayon, napakalayo pa sa toll gate ng Cavitex, umabot na rito ang traffic. Ano pa kaya sa EDSA? Diyos ko po.

Nang makalagpas siya sa toll gate, dahil nga traffic ay napakabagal ng andar ng mga sasakyan. Nakasimangot siya at napapabuntong hininga na lamang nang mahagip ng mga mata niya ang isang gumagalaw na bagay sa gilid ng kalsada, kulay itim iyon. Ubod ng liit na kailangan pang titigan, medyo napataas ang kanyang kilay nang makumpirma na tama ang iniisip niya- isang kuting.

Tila ba ilang araw pa lang itong naipapanganak dahil napakaliit talaga. At dahil bukas ang bintana ng kanyang sasakyan, pinatay niya na muna ang makina at aircon- oo ganoon katindi ang traffic, at rinig niya ang pag-ngiyaw nito.

“Ano naman ang gagawin ko riyan? Ang baho pa ng tae niyan,” pagkausap niya sa sarili. Maya maya pa ay nakapagdesisyon na siyang bumaba, itatabi niya lang. Doon sa siguradong di ito masasagasaan.

Dinampot niya ang maliit na pusa at itinabi iyon, patalikod na siya pero di sya pinatatahimik ng pag-meow nito. Tila ba may bumubulong sa kanya,sino’ng magpapakain sa kanya? Mamamatay din sya dyan.

Napabuntong hininga si Kiefer. Humarap ulit at maingat na dinampot ang kuting, ipinasok sa kanyang sasakyan. Mabuti na lang at may tissue siya, iyon ang isinapin niya sa passenger’s seat at doon inihiga ang munting pusa, hindi niya na rin sinindihan ang aircon upang hindi ito ginawin.

“Ikaw siguro ang malas, pusang itim.” sabi niya habang nakangiti rito. Biro lang iyon, paano niya naman masasabing malas ito e napaka-cute?

Advertisement

Bahala na kung saan niya ito itatago, o baka may makita syang concerned citizens, doon niya iiwan. Nang makalagpas sa Coastal Mall ay maluwag na ang daanan, kaya lang ay 6:10 am na, late na rin si Kiefer. Maya-maya pa, nagulat siya nang mangamoy. Nanlaki ang mata niya nang makumpirma ang kinatatakutan—tumae ang kuting!

“Diyos ko po muning! Ikaw lang ang malakas ang loob na taehan ang kotse ko! Kakapalinis ko lang nyan,” dismayadong sabi niya. Nagsisimula na siyang maniwala na malas nga ang pusa, puro delay ang nangyari sa kanya ngayong araw na ito! Kanina pa dapat siya nasa opisina!

Pinunasan niya ang dumi nito na parang dumi na ng malalaking pusa, natatawa siya at naiinis nang sabay. Malaki ang pagtataka ni Kiefer nang pagsapit sa Edsa ay hindi ganun kabagal ang daloy ng traffic tulad ng kanyang inasahan, mas traffic pa nga sa Coastal mall kanina.

Bago siya lumiko papasok sa BGC ay kinausap niya muna ang kuting na para bang nakikinig ito,” Muning, iiwan muna kita sa labas ng building okay? Bawal ka kasi sa loob. Sisilipin kita every 20 minutes, wag kang masyadong maingay para walang kumuha sayo ha?” sabi niya rito. Gustuhin niya mang dito sa kotse iwanan ito ay iniisip niya naman ang kaligtasan ng pusa, baka di ito makahinga.

Nang malapit na siya sa building ay nagulat siya nang maraming tao ang nasa ibaba. Dalawang truck ng bumbero ang naroon at may mga ambulansya. Nakaharang din sa daanan ang mga kotse ng pulis.

“Boss anong nangyari?” tanong niya sa isa sa mga usyoso.

“May sunog daw sa taas, 21st floor. Ang daming na-trap sa loob, sabi nga pito na raw ang patay.” sabi ng lalaki. Nangilabot si Kiefer nang tumingala siya at makitang umuusok nga, iyon ang kanilang opisina!

Nadampot niya ang kuting at niyakap ito sa kanyang dibdib.

Advertisement

“Salamat..” bulong niya rito. Kung hindi dahil dito, kasama na sana siya ngayon sa na-trap sa loob.

Makalipas ang dalawang taon.

“Ming ming..”

Natatawa si Kiefer habang pinapanood ang isang taong gulang na anak na tinatawag ang itim na pusa. Mula nang mailigtas siya ng pusa sa sunog ay natuto na siyang pahalagahan ang buhay at magseryoso, pinakasalan niya na ang matagal na niyang girlfriend at ngayon nga ay may anak na sila, syempre kasama pa rin si Muning.

Nagkamali siya, ang inakala niyang dalang malas nito dahil na-late siya sa trabaho, dinumihan nito ang kanyang kotse, ay paraan lamang para mailayo siya sa kapahamakan. Si Muning ay ginawang instrumento ng Diyos upang makita niya ang importansya ng buhay.

Ang kwentong ito ay isang patunay na lahat ng nangyayari sa buhay- mabuti man o masama, ay may dahilan. Maaaring masakit ang pinagdadaanan ng ilan sa atin ngayon pero kumapit tayo sa paniniwalang may pinaplanong mas maganda ang nasa itaas.