Avatar - Inday Trending

Inday Trending

Isang Araw sa Daan - Inday Trending

Isang Araw sa Daan

Tirik na tirik ang araw nang lumabas si Julian sa eskuwelahan. Uwian na kasi ng morning shift ng mga fourth year high school students.

Naglakad siya papuntang sakayan ng jeep. Wala pa man ding dalang payong ang binata. Sumilong muna siya sa isang waiting shed, nang maya-maya ay nakita niya ang mag-inang pulubing ilang beses na rin niyang nakakasalubong noon sa daan.

Nangangalkal ang mga ito sa basurahan. Nilapitan niya ang dalawa, at pagkatapos ay tinanong.

“Ano po’ng hinahanap ninyo diyan?” aniya.

“Pagkain, hijo. Palagi kasing itinatapon dito ng mga naghihintay riyan sa waiting shed ang mga tira nilang pagkain,” sagot naman ng marungis na nanay.

“Naku! Marumi na ho iyan! Baka ho magkasakit kayo,” pagpipigil ni Julian sa kanila.

“Wala naman kaming ibang pagpipilian. Kapag hindi namin kinain ang maruming mga pagkaing ’yan, mayayari kami sa gutom.” At nagpatuloy na sila sa pagkain.

Nakaramdam ng awa si Julian kaya naman agad siyang dumukot sa kaniyang bulsa. Ngunit ganoon na lang ang pagkadismaya niya nang malamang pamasahe na lang ang kaniyang pera!

“Ah, ale, ito ho. Bumili na lang ho muna kayo ng pagkain. Pasensiya na ho at isang daan na lang ang pera ko, e. Pero baka ho kasya na ’yan sa inyo,” nakangiting sabi niya sa mag-ina habang iniaabot ang kahuli-hulihan niyang pera. Napagpasiyahan niyang maglalakad na lamang siya pauwi.

“S-sigurado ka ba, hijo?” naiiyak namang tanong ng ale. Bakas ang tuwa sa mukha nito pati na rin sa anak nitong nakangiti.

“Oo naman ho. Sige na ho, maghugas na kayo ng kamay ay bumili ng pagkain,” sabi niya bago tumalikod at nag-umpisang maglakad.

Walang pagsisisi si Julian kahit pa napakainit ng kaniyang dinaraanan. Lakad lang siya nang lakad. Magaan ang kaniyang pakiramdam dahil natutuwa siyang natulungan ang mag-inang iyon, kahit ngayon lang.

Napahinto ang binata sa isang lotohan. Sa tapat kasi mismo nito ay may singkuwenta pesos sa lapag. Pinulot niya iyon. “Ang suwerte ko naman!” sabi niya.

Ibubulsa sana ng binata ang napulot na pera, nang maalala niya ang sinabi noon ng kaniyang ina.

“Kapag nakapulot kayo ng pera sa tapat ng lotto outlet, itaya n’yong lahat. Aba, suwerte kasi iyon!”

Kaya naman muling bumalik si Julian sa lotohan at tumaya.

Umuwi siyang masaya nang araw na iyon.

Kinabukasan, lumabas sa balita, mga diyaryo at internet ang mga numerong lumabas sa lotto. Sa laki ng mapapanalunan ay tutok na tutok ang maraming tao roon, kabilang na ang kaniyang ina.

“Sayang!” sigaw nito, habang naghahanda siyang pumasok sa eskuwela. “Kung birthday lang nating mag-anak ang tinayaan ko, tama na sana ako sa lotto, anak!” sabi nito.

“Magkano po ba ang premyo?” wala sa loob na tanong ni Julian. Busy siya sa pagbubutones ng polo.

“Isang bilyon, anak!” sabi nito.

“Wow, ang laki!”

Biglang may bumalik sa alaala ni Julian. Tumaya siya sa lotto kahapon at ang birthday nilang mag-anak ang tinayaan niya!

“S-sandali, mama, ano po ba ang mga numerong lumabas?” kinakabahang tanong niya.

Sinabi ng kaniyang ina ang mga numero at ganoon na lamang ang gulat ni Julian…

“M-Mama, tu- tumama ako sa lotto!” hiyaw niya.

Halos magiba sa sigawan nilang mag-ina ang kanilang kusina. Tuwang-tuwa sila!

Ikwinento ni Julian sa ina kung paano siyang nakataya kahapon sa lotto at ang sabi nito’y isa raw iyong himala!

“Mabuti kasi ang puso mo, anak, kaya biniyayaan tayo! Proud ako sa iyo, anak!” naluluhang sabi ng kaniyang ina kay Julian.

Nang makuha nila ang pera ay agad na pinlano ni Julian kung saan niya iyon gagamitin. Bumili siya ng bahay at lupa, nagtabi para sa kanilang mag-anak.

Ngunit hindi nakalimot ang binata. Binalikan niya ang mag-inang pulubing tinulungan niya noon kaya siya nanalo sa lotto. Binigyan niya sila ng kabuhayan. Pinaaral niya rin ang batang lalaki.

Lumipas ang panahon at lumago pa nang lumago ang perang napanalunan ni Julian. Naging isa siyang successful na business man. Sa pamamagitan ng sipag, tiyaga, talino at kabutihan ng kalooban ay mas marami pang natulungan si Julian.

Hindi niya malilimutan ang mga sandali noong naglalakad siya, isang araw sa daan. Dahil ang mga sandaling iyon ang naghatid sa kaniya sa kinalalagyan niya ngayon.

Nabigyan niya ng magandang buhay, hindi lang ang kaniyang pamilya, kundi pati na rin ang ibang kapus-palad na napili niyang tulungan. Tunay ngang ibang klaseng kumilos ang tadhana.


Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!


More Stories

Disclaimer: Ang mga kwento ni Inday Trending ay kathang-isip lamang. Ang mga nabanggit na pangalan, karakter, negosyo, lugar, pangyayari at mga insidente ay maaaring produkto lamang ng imahinasyon ng may-akda. Anumang pagkakapareho sa sinumang nabubuhay o pumanaw na personalidad at aktwal na pangyayari ay nagkataon lamang.

Photos: Ang mga larawang ginamit ay mga stock photos o mga propesyunal na mga larawang binili ng may akda para sa komersyal na layunin. Ang mga ito'y ginamit upang makapagbigay ng mas malinaw na representasyon ng mga karakter at mga pangyayari sa kwento.