Liwanag Mula Sa Isang Bulag

Problemadong-problemado si Vince nang araw na ’yon. Hindi niya alam kung saan siya kukuha ng pambayad sa utang niya kina Alvin. Natalo kasi siya sa pustahan nila tungkol sa babae.

May nililigawan kasing babae si Vince. Naisipan nilang pagpustahan ito kung sasagutin siya o hindi. Malaki ang pagkagusto ni Vince sa babae, at alam niyang ganoon din naman ito sa kaniya, kaya confident siyang pumayag sa naturang pustahan.

Ang ’di niya alam, habang nililigawan niya ito’y inuunahan naman siya ni Alvin. ’Di nagtagal ay si Alvin pa ang nakakuha ng matamis nitong oo, at siya naman ang naiwang bigo.

“Malas!” sigaw niya habang naglalakad sa daan, sabay sipa sa nakahambalang na basurahan.

Dala niya ang kaniyang maleta, dahil pinalayas din siya sa inuupahan niyang apartment. Ilang buwan na kasi siyang hindi nakakabayad ng renta. Kanina nama’y gusto niyang bumili man lang ng tinapay na pantawid gutom, kaya lang, pagdukot niya sa bulsa ng suot niyang pantalon ay nakapa niyang butas pala ito! Hindi niya alam kung saan nahulog ang limang-daang pisong iniipit-ipit niya.

Sunod-sunod ang kamalasang nangyayari sa buhay ni Vince. Gustuhin man niyang umuwi sa probinsya’y hindi niya alam kung paano dahil nagsara na ang pinagtatrabahuhan niyang fastfood chain.

“Gusto ko nang mawala sa mundong ito!” hiyaw niya sa kawalan. Tumingala siya sa kalawakan at galit na dinuro iyon.

“Ano?! Bakit ayaw mo pa akong kunin? Bakit pinahihirapan mo pa ako nang ganito?!” sigaw niyang muli.

Advertisement

Patuloy sa pagsigaw si Vince, nang maya-maya ay bigla siyang napukol ng kung ano mula sa malayo.

“Aray!” Napamura pa ang binata. Nilingon niya ang pinanggalingan ng kahoy na pumukol sa ulo niya at nakita ang isang batang kalyeng naglalaro kasama ang alaga nitong aso.

“Hoy!” tawag niya sa batang kalye, ngunit hindi ito lumingon. Patuloy lamang ito sa pakikipaglaro sa alaga nang nakangiti.

Lumakad siya papalapit sa bata, ngunit ganoon na lang ang pagkainis niya nang bigla itong tumakbong papalayo.

“Aba’t loko ito, ah!” Tumakbo rin si Vince para sundan ang bata.

Kung saan-saan na silang nagsuot habang dala-dala pa rin ni Vince ang kaniyang maleta. Takbo sila nang takbo. Lalong nadaragdagan ang pagkainis ni Vince sa bata.

“Maabutan lang kita, yari ka sa akin!” aniya sa sarili.

Nagpatuloy sila sa pagtakbo. Nariyang matalisod siya dahil sa paghabol sa marungis na batang kalyeng pumukol sa kaniya kanina gamit ang kahoy. Gigil na gigil si Vince sa bata kaya’t wala sa isip niyang pakawalan ito nang hindi niya ito nakukutusan man lang.

Advertisement

Habol siya nang habol at takbo rin naman nang takbo ang bata kasama ang aso nito.

Ngunit hindi inaasahan ang nasaksihan ni Vince…

Iyong bata kasi, biglang huminto sa gitna ng kalsada!

“Hoy, mababangga ka!” sigaw niya nang makita ang paparating na truck na sigurado siyang bubundol sa bata.

Ngunit parang wala itong naririnig. Nakangiti lang ang batang kalye habang nilalaro-laro ang alaga nitong aso.

“Hoy—” Ngunit natigilan si Vince nang may mapansing kakaiba sa mata ng bata…

“B-bulag siya?!” aniya pagkatapos ng realisasyon. “Hoy, bata, mababangga ka!”

Wala nang nagawa pa si Vince. Tinakbo niya nang matulin ang puwesto ng bata at iniwan sa daan ang dala-dala niyang maleta upang iligtas ito sa tiyak na kapahamakan!

Advertisement

Nakabibinging busina ang muling nakapagpamulat sa mata ni Vince, matapos niyang talunin ang puwesto ng batang kalye upang tumalsik sila sa kabilang bahagi ng kalsada. Kumirot ang bahagi ng kaniyang siko, ngunit hindi niya iyon ininda.

Agad siyang tumayo upang siguraduhing hindi nasaktan ang batang kaniyang iniligtas. Nakahinga siya nang maluwag nang masigurong ayos lang ito.

“Tinakot mo ako ro’n!” sabi niya rito. Ngumiti ang bata sa kaniya, bago nagsalita.

“Bakit po kayo natakot? Huwag na po kayong matakot,” sabi ng bata. “Huwag na rin po kayong magagalit o magtatampo kapag nasa madilim na bahagi kago ng mundo. Kaya kita pinukol kanina, kasi naiingayan ako sa ’yo, e. Reklamo ka nang reklamo. Ako nga itong bulag, pero masaya naman ako.”

Ikinakunot ng noo niya ang sinabi nito, ngunit bago pa man makapagtanong si Vince kung ano ang ibig sabihin nito’y agad siyang nasilaw nang biglang lumiwanag ang kaniyang paligid.

“Ang galing mo, Kuya!”

“Isa kang hero!”

Sunod-sunod ang pag-flash ng mga camera. Marami palang mga nakakita sa ginawa niya.

Advertisement

Mabilis na kumalat ang balita. Marami ang natuwa sa kaniyang kabutihang ipinakita. Kinupkop daw ng DSWD ang batang bulag na muntik nang mabangga dahil wala na itong pamilya.

Habang dumagsa naman ang oportunidad para kay Vince na ngayon ay unti-unti nang umaasenso sa buhay. Salamat sa batang bulag na siya pang nagdala sa kaniya sa liwanag ng buhay.