Usap-Usapan sa Opisina ang Malakas na Amoy sa Kili-Kili ng Boss, May Dahilan Pala ang Hindi Nito Pagligo

Pagpasok pa lamang ni Romnick sa opisina’y umalingasaw na ang matapang na singaw ng katawan nito. Palihim na lamang na hindi humihinga ang mga empleyadong sila Ria at Lester.

 ( )

Mababakas sa mukha ng iba pang mga empleyado ang pagkadismaya sa tindi ng amoy nito.

“Alright, guys. Tomorrow is our family day. Make sure na dalhin ninyo ang mga misis ninyo’t mga anak.” Wika ni Romnick habang pataas-taas pa ng kamay.

“Opo, sir.” Sagot ng mga ito habang pasimpleng nagtatakip ng kanya-kanyang ilong.

Nang makaalis na ang boss sa office ay pinagbu-buksan na nila ang mga bintana’t pintuan nang makalabas naman ang masangsang na amoy na tila pinaghalong bulok na sibuyas at bayabas.

“Guys, kailangan na nating gumawa ng paraan upang malaman ni Sir na kailangan na niya talagang gumamit ng deodorant, o kahit maligo man lang siya.” Saad ni Ria.

“Ikaw ang nakaisip, ikaw ang gumawa! Wala kaming lakas ng loob para gawin iyan. Lalo na’t ang laki ng suweldo natin dito tapos ang gaan ng trabaho natin. Basta ako kumportable na ko sa puwesto ko dito.” Giit ni Rey, ang empleyadong nakapuwesto sa pinakadulong bahagi ng opisina.

“Hindi namin kaya. Natatakot kami. Sulatan kaya natin? Kaya lang halatang halata. Bente lang tayo dito. Sana kung malaking kumpanya tayo.” Wika ni Lester.

Advertisement

Maya-maya pa’y may isang magandang babaeng pumasok sa opisina.

“Hi, nandito ba si Romnick?” Batid ng asawa nitong si Mae.

“Ako pala yung wife niya. My name is Mae. Ngayon niyo nga lang pala ako nakita. Galing ako sa kabilang office. Check up kasi niya ngayon. Baka nakalimutan niya na naman.”

Gulat na gulat ang lahat. Napakaganda ng asawa ng kanilang boss. Amoy na amoy pa ang pabango nitong amoy mamahalin. Tila plantsadong plantsado ang postura nito mula ulo hanggang paa. Napakakinis rin nito.

“Ah… Ma’am umalis na po si sir…” Saad ni Ria.

Nang makaalis na ang misis ay patuloy sa pagchichismisan ang mga empleyado. Halos manakit ang tiyan nila sa kakatawa.

“Grabe! Opposite attracts talaga. Isang dugyot at isang diyosa. Ang bango ni madam! Ang ganda-ganda pa! Hindi man lang ba niya naaamoy si Sir Romnick tuwing gabing magkatabi sila sa kama?” Tatawa-tawang batid ni Lester.

Hagalpak na rin sa kakatawa ang lahat.

Advertisement

Nagulat ang mga ito nang biglang pumasok ang mag-asawang boss sa bukas na pintuan ng opisina.

“Pasensiya na kayong lahat. Bilang walong buwan na rin tayong magkakasama, ipapaalam ko na sa inyo ang aking matinding pinagdaraaanan. Ako’y may malalang sakit sa balat kaya’t ilang buwan na rin akong hindi nakakaligo ng maayos. Napaka-kumplikado ng aking sakit at isa lamang sa dalawang milyong tao ang may tyansyang magkaroon nito. Hindi ko man ginusto ito’y wala akong magagawa kung ako ang napili ng Diyos sa hindi ko pa malamang dahilan ngunit naniniwala akong may malalim siyang dahilan sa pagpili sa akin. Huwag kayong matakot, hindi ito nakakahawa.” Maluha-luhang saad ni Romnick.

Lumuluha ang asawang si Mae habang hawak ng mahigpit ang kamay ng asawa.

“Alam niyo, sa maikling panahong magkakasama kayo’y napamahal na kayong lahat sa boss niyo. Sa totoo lang, marami na siyang negosyong isinara dahil nahihiya siyang pagtawanan at hamakin ng kaniyang mga empleyado. Ngunit espesyal daw kayo sa kaniya sapagkat hindi ninyo siya pinandidirihan sa kabila ng kalagayan niya. Ang totoo niya’y ipapaubaya na niya sa akin ang kumpanya sapagkat dalawang taon na lamang ang nalalabi niyang oras upang mabuhay.” Hindi tumitigil sa pag-agos ang luha ni Mae.

“Ma’am, Sir… Patawarin po ninyo kami. Hindi kasi namin alam ang sitwasyon ni sir. Sa totoo niyan, plano na namin siyang kausapin sapagkat akala nami’y may maliit na problema lamang siya sa paglilinis ng katawan. Hindi lang po kami makakuha ng lakas ng loob.” Hindi na rin napigilan ng isa pang empleyadong si Kim ang maluha.

Isa-isa nang tumayo ang mga empleyado at lumapit kay Romnick.

“Sir, simula po ngayon, bilang alam na namin ang kundisyon ninyo’y hindi na namin kayo pag-uusapan at pagtatawanan. Ako mismo, hinding- hindi na ako manghuhusga ng kapwa. Hiyang hiya po ako sa inyo sa inasta namin.” Wika ni Lester. Niyakap pa nito ang kaniyang boss.

“Tama po si Lester. Hindi natin basta-basta dapat husgahan ang bawat taong nakakasalamuha natin. Ano man ang kaniyang itsura o pangangatawan. Sorry po, sir.” Giit ni Ria.

Advertisement

Hiyang-hiya sa sarili ang mga empleyado ng mag-asawa at simula noo’y lalo nilang pinagbutihan ang pagtratrabaho.

Pagkalipas ng isang taon ay lalong naging matagumpay ang negosyo ni Romnick ngunit sa kasamaang palad ay hindi na nito kinaya ang matinding karamdaman at binawian na ito ng buhay.

Anuman ang kundisyon ng ating kapwa, huwag tayong basta na lamang manghusga sapagkat hindi natin alam ang buong istorya sa likod nito. Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?