Itinakwil ang Lalaking Ito ng mga Magulang Dahil Hindi Niya Sinunod ang Pangarap ng mga Ito Para sa Kanya, Hindi Pala Ito ang Katotohanan

Sa kabila ng lubos na kaligayahang nadarama dahil nabenta ang lahat ng paintings niya sa kaniyang kauna-unahang art exhibit ay hindi mapigilan ni Ivan na makaramdam ng kalungkutan.

Noong isang buwan pa niya naipadala ang imbitasyon para sa kaniyang art exhibit sa kaniyang mga magulang. Umaasa siya na kahit hindi pagpipinta ang pangarap nila para sa kaniya ay susuportahan pa rin siya ng mga ito. Ngunit ito na ang huling araw ng kaniyang exhibit at ni anino ng mga ito ay hindi niya nasilayan.

Mga batikang doktor ang mga magulang ni Ivan. Nagpatayo din ang mga ito ng ospital. Bilang panganay ang nais ng kaniyang mga magulang ay sumunod si Ivan sa kanilang mga yapak. Nais din nila na siya ang magpatuloy ng pagpapatakbo ng kanilang ospital pag nagretiro na ang mga ito. Bata pa lamang siya ay itinatatak na ito sa kaniyang isipan.

Di tulad ng ibang mga bata na ipinapasyal ng kanilang mga magulang sa mall o sa mga parks, si Ivan ay palaging ipinapasyal ng kaniyang mga magulang sa kanilang ospital. “Pagdating ng tamang panahon, ikaw, Ivan, ang magpapalakad ng ating ospital. Pangalagaan at mahalin mo ito. Tratuhin mong pamilya ang bawat nagtratrabaho dito.” Iyan ang madalas na pangaral ng kaniyang ama.

Maituturing nang pagbabakasyon kay Ivan ang pagsama niya sa kaniyang mga magulang tuwing may konperensya o medical mission ang mga ito. At sa tuwing kasama siya ay laging bukang bibig ng kaniyang mga magulang na siya ang susunod sa kanilang mga yapak.

“Palaging nasa honor roll si Ivan. Hindi ako magtataka kung mahigitan niya ang narating naming mag-asawa.” Buong pagmamalaki ng kaniyang ama.

Ngunit taliwas ito sa pangarap ni Ivan. Bagama’t lubos niyang ipinagmamalaki at hinahangaan ang kaniyang mga magulang, ni sa hinagap ay hindi pinangarap ni Ivan na maging isang batikang doktor. At ni minsan ay hindi niya hinangad na pamunuan ang kanilang ospital. Pagpipinta ang kaniyang nakahiligan at nais niyang maging ganap na propesyonal sa larangang ito.

Labag man sa kaniyang kalooban ay mas pinili niya ang kursong medisina huwag lang sumama ang loob ng kaniyang mga magulang. Ang desisyong ito ay nagdulot sa kaniya ng labis na kalungkutan. Dahil sa kakulangan ng interes at motibasyon ay hindi nagseryoso si Ivan sa pag-aaral. Bagama’t pasado naman siya sa kaniyang mga subjects ay hindi sapat ang mga gradong kaniyang nakukuha para makapasok sa honor roll. Di naglaon ay tuluyan na siyang nawalan ng gana na ipagpatuloy ang pag-aaral ng medisina.

Advertisement

Nang malaman ito ng kaniyang mga magulang ay agad-agad siyang kinausap.

“Bakit?” Sa simpleng pagtatanong ay dama ni Ivan ang pagkadismaya ng kaniyang ama.

“Patawad kung hindi ko po ipinaalam sa inyo. Mas gusto ko pong maging pintor. Sinubukan ko po pero kahit anong gawin ko para magustuhan ang kursong pinili ninyo para sa akin ay hindi ko magawa.” Buong tapang na pagtatapat ni Ivan sa ama.

Iyon ang huling pag-uusap ni Ivan at ng kaniyang mga magulang. Matapos ang tagpong iyon ay naging abala na sila sa kani-kanilang gawain, si Ivan sa pagpipinta ng kaniyang mga obra para sa exhibit at ang kaniyang mga magulang sa pamamalakad ng ospital at pagdodoktor.

Isang araw ay dinalaw ni Ivan ang kaniyang kaibigan na nagpapagamot sa kanilang ospital. Pagpasok niya ay nagulat siya nang makita ang napakalaking painting na nakasabit sa dingding sa gitna mismo ng lobby ng ospital. Ang painting na ito ay isa sa mga ipininta niya na shinowcase sa exhibit. Naglakad siya sa hallway ng ospital, isa pa sa kaniyang mga paintings ang nakasabit sa dingding. Inisa-isa ni Ivan ang bawat palapag ng ospital at bawat isa ay may painting niya na nakadisplay. Tinawagan niya ang nagorganisa ng exhibit para kumpirmahin ang kaniyang hinala.

Matapos makumpirma na ang mga magulang niya ang bumili ng lahat ng kaniyang mga paintings sa exhibit ay napaupo na lang si Ivan sa sahig. Di niya inalintana ang mga tao sa paligid at humagulgol ng iyak. Buong akala niya ay tinalikuran na siya ng kaniyang mga magulang dahil hindi na siya muling kinausap ng mga ito matapos niyang ipaalam na nais niyang maging pintor. Di niya lubos akalain na susuportahan siya ng mga ito sa kaniyang napiling landas. At higit sa lahat ay ipagmamalaki siya ng mga ito sa ganitong pamamaraan.

Kung ikaw ang nasa sitwasyon ni Ivan, ipapaalam mo ba agad sa mga magulang mo na hindi mo gusto ang pangarap nila para sa iyo? Kung ikaw ang magulang ni Ivan, sa papaanong paraan mo ipapakita sa kaniya na susuportahan mo siya sa kaniyang mga pangarap bagama’t hindi mo lantarang sinasabi sa kaniya? Ibahagi sa amin ang inyong sagot sa comments section sa ibaba. Para sa mas maraming updates, i-like lamang ang aming Facebook page.