Palaging Dinadalaw ang Bata ng Kanyang Misteryosong Kaibigan Kahit sa Liblib na Bundok Siya Nakatira, Tumalon ang Puso Niya Nang Malaman Ang Totoo Nitong Pagkatao

Ipinanganak na lumpo ang batang si Nathan, dahil sa kahirapan ay hindi siya magawang maipatingin sa doktor ng kanyang lolo at lola na ang tanging pinagkukunan ng ikabubuhay ay pangangahoy. Isa sila sa mga mamamayang nakatira sa bundok, ubod ng layo ang lalakarin para lang makababa sa bayan, tatawid ng ilang milya at isang ilog. Dahil doon ay tatlong araw lang nasubukang makapasok ng bata sa eskwela, wala kasing magbubuhat sa kanya pababa ng bundok, mahina na ang lolo at lola niya para sa ganoong gawain. Bukod doon, imbes na ihatid siya ay nangangahoy na lang ang lolo niya para may makain sila, bawat oras sa kanila ay mahalaga.

Palagi lang tuloy nakaupo sa balkonahe ng kubo nila ang bata, nakatanaw sa mga kakahuyan. Hindi naman siya naiinip dahil tuwing hapon ay dumadalaw ang kaibigan niyang si Niko. Ito ang kausap niya maghapon kapag wala ang lolo at lola niya, ito rin ang nagtuturo sa kanya ng ilang leksyon sa eskwela na hindi na kayang ituro ng kanyang lola, puro a ba ka da lang rin kasi ang kaya ng matanda.

“Dapat, kapag nalulungkot ka, magdarasal ka lang.Nakakatanggal kaya ng lungkot yun, tignan mo, malay mo kaya dumating ako kasi nakita ng Diyos na malungkot ka at kailangan mo ng friend.” nakangiting sabi ni Niko, siguro ay 7 taong gulang ito katulad niya.   “Ganon ba yun? Bakit minsan, sabi ko sa Lord, sana makalakad ako pero tignan mo naman ako ngayon? hindi nga ako makapag tingga eh.” malungkot na sagot naman ni Nathan.   “Sus, kasi may ibang plano siya sayo. Hindi pa natin alam kung ano, pero sigurado ako mas maganda pa kesa sa hinihiling mo. Ganun naman yun eh, magic lang.”  sagot ulit ng bata sa kanya, lalong kuminang ang mga mata nito. Swerte talaga si Nathan sa kaibigan, palagi lang itong nakatawa at hindi napipikon kahit asarin niya pa ng ‘kulot salot’, kulut na kulot kasi ang buhok nito at malago kahit lalaki ito.   Kapag binabanggit niya sa lolo at lola si Niko ay ngumingiti lang ang mga ito, naiisip ng dalawa na kawawa naman ang apo dahil winiwili na lang ang sarili sa pag iimbento ng kalaro. Imposibleng may 7 taong gulang na bata ang makaakyat ng bundok, at wala silang kapitbahay!

Isang hapon, malungkot si Nathan dahil sinabi ni Niko na aalis na ito, lilipat na raw ang mama nito sa bayan.”Sino nang kaibigan ko? Sino nang kausap ko?” tanong ni Nathan.”Wag kang malulungkot. pumikit ka lang, tawagin mo ko sa puso at isip mo,” sabi ng bata tapos ay umalis na, baka raw kasi magalit ang mama nito.

Araw ng Linggo at birthday ni Nathan kaya naisip ng lolo at lola niya na ipasyal ang bata sa bayan. Kahit hirap na hirap sila ay akay akay nila ang lumpong bata pababa ng bayan. Inuna nilang puntahan ang simbahan upang makapagpa-thank you sa isa nanamang taon sa buhay ng apo. Nahiling ni Nathan noon, na sana, nandoon si Niko. Sana magkita sila ng kaibigan. Pagpasok nila ng simbahan ay namangha agad ang bata, ito ang ikalawang beses na magsisimba siya dahil nga malayo sa kanila ang simbahan.Ang una ay noong maliit pa siya, kwento lang ng lola niya. Inakay siya ng lolo at lola sa bandang unahan, hindi niya magagawang lumuhod kaya hinipo niya na lang marahan ang imahe ng Sto.Nino pero nagulat siya nang matitigan ang mukha nito.

“N-Niko?” manghang turan niya rito.   Nagulat rin ang dalawang matanda sa sinabi ng apo. Tinupad ng Diyos ang wish niya, nakita niya ang kaibigan. Pero litong lito pa rin ang bata, si Sto.Nino at si Niko… iisa? Hindi alam ni Nathan kung guni guni lang o narinig niya ang boses ni Niko.

“Wag kang malulungkot.. pumikit ka lang.. tawagin mo ako sa puso at isip mo, Happy Birthday!!!

Ganun na lamang ang pagkamangha ni Nathan. Sa kabila ng kanyang kapansanan, hindi niya aakalaing may magkakainteres na makipagkaibigan sa kanya. Ngunit sa puntong ito, alam niya na hindi basta kaibigan ang mayroon siya. Mayroon siyang butihing Diyos na gumagabay sa kanya.