Galit ang Dalaga sa Kanyang Kuya Dahil Di Ito Nagsumikap sa Pag-aaral Gaya Niya; May Sakripisyo Pala Itong Ginawa Para sa Kaniya

“Everline Dela Cruz- Bachelor of Arts in Political Science, Summa Cum Laude”

Siya si Everline, ang bunsong anak ni Josefina.

Simula noong bata pa lamang, nakitaan na nila si Everline ng talento at talino kaya naman iginapang nila na makapagtapos ito ng kolehiyo.

Si Josefina naman ay nagtrabaho sa ibang bansa bilang OFW sa loob ng apat na dekada.

Maagang pumanaw ang asawa nito ng dahil sa sakit sa puso. At iniwan niya ang kanyang apat na anak na sina Edy, Ellaine, Ella at Everline sa kanyang nanay Juana na ngayon ay 80 anyos na ngunit malakas pa naman sa awa ng Diyos.

“Edy Dela Cruz – High School graduate”

Si Edy ang panganay na anak ni Josefina. Sobrang responsable ng binata. Ito ang tumayong ama sa pamilya kahit hindi naman niya ito inobliga. High school lamang ang natapos nito sapagkat nagbulakbol at napariwa ang buhay niya ngunit pagkatapos naman noon ay lumayo ito upang magtrabaho ng maaga. Namasukan ito bilang assistant sa ibat-ibang printing shop sa di kalayuan. Natuto din itong magkutingting ng mga kable at naging technician. Nag-waiter din ito sa mga catering services.

Naniniwala si Edy na hindi lahat ng matalino o nakapagtapos ay mayaman na ngayon dahil ang iba’y tiyaga at pagpupursige lang ang baon upang makipagdigmaan sa mundong napakamapangahas.

Advertisement

Siyam na taon ang agwat ni Edy kay Everline. Hindi ito naging ganoon kalapit sa kaniya sapagkat nagtrabaho nga ito sa Maynila nang makapagtapos siya ng high school at naiwan ang mga kapatid nito sa Pampanga. Naging malayo ang loob ni Everline sa kaniyang kuya dahil ang nakamulatan nito ay isang pabayang kapatid. Pakiramdam ni Everline ay tumakas ang kaniyang kuya sa hirap ng buhay at hinayaan na lamang sila.

Sa loob ng apat na dekadang pagtratrabaho ni Josefina sa ibang bansa, isang beses lamang sa isang taon ito nakakauwi na tumatagal ng isang buwan. Ang isang buwang bakasyon na laging pinaghahandaan ni Edy.

“Mama, malapit nang makapagtapos si Everline ng college at alam kong magaling siya, kahit na hindi ko siya nakakausap ay nakikita ko naman sa mga social media posts niya kung gaano siya ka-active sa school.” Wika ni Edy sa video call nila ng kanyang ina.

“Oo nga Edy, ay maraming salamat sa iyo, nak! Kung wala ka ay ‘di ko magagawa ang lahat ng ito.” Sagot naman ni Josefina sa anak.

“Sus si mama, nag-emote. Siyempre naman mahal ko kayo, at ako lang ang lalake sa pamilya kaya naman inaalagaan ko kayong lahat.” Wikang muli ni Edy sa ina.

Dalawang buwan na lamang ay magtatapos na si Everline ng kolehiyo at uuwi na si Josefina ng bansa para tumigil na rin sa pagtratrabaho. Nakapagpundar na ito para sa pamilya, napagawa ang bahay at maliit na negosyong mapagkukuhanan ng kanilang pangkabubayan.

Napagtapos niya ang tatlong anak ng kolehiyo maliban lamang kay Edy dahil mas pinili na lamang nito ang maging katuwang niya, ngunit kahit kailan ay hindi ito nakarinig ng hinaing sa anak niyang iyon. Bagkus buong puso niyang ginampaman ang pagiging ama ng pamilya.

At dumating ang ika-13 ng Abril, nagtapos si Everline ng kolehiyo bilang Summa Cum Laude ng kanilang batch. Dumating din ang inang si Josefina upang magsabit ng medalya. Naghintay na lamang sina Edy at kaniyang mga kapatid sa kanilang pamamahay para sa maliit na salo-salo.

Advertisement

Habang kumakain ang buong pamilya ay masinsinang nag-usap si Everline at ang kaniyang ina.

“So ma, I am a graduate now. I know you guys are so proud of me at ipinagpapasalamat ko ito lahat sa iyo.” Saad ng dalaga.

“Sa tingin ko, dapat magpasalamat ka sa iyong Kuya Edy.” Wika ng kaniyang ina.

“Why would I? He doesn’t even help me with my studies nor stay here at home. Ikaw naman lahat nagpapadala at nagbibigay ng financial support. Iyang si kuya ay nagbulakbol, tumakas sa hirap ng buhay at nanirahan sa Maynila.” Nakataas pa ang kilay ng dalaga na tila diring-diri sa kapatid.

Hindi na nagsalita pa si Edy sa kanyang narinig. Bagkus ay lumabas na lang ito para manigarilyo.

Humarap si Josefina sa anak na si Everline. “Anak, ang kuya mo ang nagpaaral sa ‘yo sa kolehiyo at pinag-ipon niya ako para makapagpundar at makahinto na sa pagtratrabaho. Sya ang umako ng pag papaaral sa ‘yo.”

“Pero ba’t ganon, wala akong alam about dun, bakit hindi ninyo sinabi sa akin? I thought all these years nagpapakasarap lang si kuya sa Maynila and ikaw lang ang nagwowork?” Tanong ni Everline.

“Dahil mas ginusto ng kuya mong hindi sabihin sa ‘yo, dahil alam niyang malayo ang loob mo sa kanya at nahihiya siya sa pagbubulakbol niya noon, alam niyo bang tahimik lang ang inyong kapatid pero mahal na mahal kayo niyan?”

Advertisement

Nangilid ang mga luha ni Everline sa nalaman. Lumabas ito at nakita ang kanyang kuya Edy na nakaupo sa ilalim ng puno ng alatiris.

Tumabi siya dito at sinabing… “Kuya, salamat ha. Akala ko pinabayaan mo lang kami, yun pala…”

Hindi na nakapagsalita pa si Everline nang inilagay ng kanyang kuya Edy ang mga kamay nito sa ulo niya at ginulo ang kanyang buhok na parang bata.

“May Summa Cum Laude na si kuya mo, masayang-masaya akong nakapagtapos ka. Wag mong intindihin ang pag hihirap ko o namin ni mama, basta ang hiling ko lang ay ang maging maayos ang buhay mo, sumaya ka, maging komportable kahit papano, nandito lang parati si kuya, kahit high school graduate lang ako, kaya kong maging kuya sa inyo.”

At niyakap nalang ni Everline ang kanyang Kuya Edy sa unang pagkakataon.