Avatar - Inday Trending

Inday Trending

Isusumbong Ko Kayo! - Inday Trending

Isusumbong Ko Kayo!

Sa edad na 24 anyos ay masasabi na ni Intoy na bihasa na siya sa byahe. Bukod kasi sa mahilig siya manuod ng balita ay dating driber ang kaniyang ama na yumao na. Pumaw ito nang dahil sa pneumonia, ngunit bago nawala ang kanyang ama ay naipamana muna sa kaniya ang lahat ng nalalaman tungkol sa batas trapiko. Isa na nga dito ang paniningil ng tamang pamasahe.

“Malakas ang ulan Intoy, tara na mag bus na lang tayo. Ilibre na lang kita dahil alam ko namang nagtitipid ka sa pamasahe,” wika ni Jeremy, kaibigan ng binata.

“Ayos lang, kasya pa naman ang pera ko ngayon kaya makakapagbus tayo,” sagot naman ng binata.

Sabay silang nag-abang ng bus sa may monumento, doon kasi nagtratrabaho ang dalawa bilang tindero sa mga tiangge na pagmamay-ari ng mga intsik.

“Ang hirap ng sakayan ngayon kasi umuulan, nakatayo na naman tayo panigurado,” wika ni Jeremy sa kaniya.

Ayaw nilang sumakay sa jeep dahil sobrang haba ng pila doon at baka abutan pa sila ng siyam-siyam bago makauwi.

Nakasakay na nga ang dalawa sa siksikang bus, halos hindi na masara ang pintuan nito.

“Grabe, hindi ko na nararamdaman yung aircon. Sobrang puno na kasi, ang hirap talaga ng Pilipinas,” wika ni Intoy.

“Oh yung mga reklamador diyan na nasisikipan, bumaba na lang kayo,” sigaw ng konduktor.

Nagtinginan ang dalawa magkaibigan at natawa na lang sila sa isa’t-isa. Ayaw na nilang magsalita pa dahil alam nila na sa ganitong panahon ay mainit ang ulo ng mga tao dahil sa trapik, init at baha.

Nag-abot na ng bayad ni Intoy sa mamang konduktor.

“Boss, 15 itong ticket na binigay niyo sakin, 12 pesos lang ho ang pamasahe ko,” mahinahong wika ng binata.

“15 na,” sagot naman ng lalaki.

“Kelan pa ho? Wala namang pagtaas sa pamasahe at araw-araw ho akong bumabyahe kaya alam kong 12 pesos lang ang pamasahe ko,” baling ni Intoy dito.

“Alam mo kanina ka pang bata ka, kanina nagrereklamo ka na mainit, ngayon naman yung pamasahe. E kung sipain kaya kita pababa nang masubukan natin yang tigas ng buto mo?” pahayag ng konduktor sa kaniya.

“Lasing po yata kayo e, alam niyo po bang bawal iyan?” saad naman ng binata.

“Talagang gustong mapahamak ng batang ito ngayong gabi!” baling sa kaniya ng lalaki saka siya hinawalan sa balikat at pinasa ang kaniyang buto.

“Aray! Bakit ho kayo nananakit?” sigaw ni Intoy at doon na nakakuha ng atensyon ang dalawa.

“Boss, tama na lasing ho kayo e,” singit ni Jeremy habang pinipili na palayuin ang lalaki sa kaniyang kaibigan.

“Bumaba na nga kayo, mga bwisit kayong pasahero na kayo!” sigaw ng lalaki.

“Manong driber hindi niyo man lang ba sisitahin itong konduktor niyo?” tanong ni Intoy sa driber.

“Isusumbong ko kayo!” dagdag na sigaw ng binata.

Sabay na nagtawanan ang driber at konduktor. “Ilang beses na namin narinig iyan! Kung gusto niyo samahan pa namin kayo,” wika naman ng driber na hindi man lang lumingon sa kanila.

Pinigilan na ni Jeremy na sumagot pa si Intoy dahil baka saan pa mapunta ang init ng kanilang mga ulo.

Kukuhanan naman sana niya ng litrato ang driber at konduktor kaya lamang nagkataong lowbat ang binata. Inantay na lang nilang makababa sila.

“Para ho sa tabi,” wika ni Jeremy.

“Bababa na pala ang matatapang nating pasahero, huwag na kayong sasakay ulit!” sigaw ng konduktor.

“May araw din sila sa atin, Intoy,” sabi ni Jeremy dito.

“Hindi, isusumbong ko sila! Ipapakita ko sa kanila na may ngipin ang mga katulad natin na dapat hindi nila tayo ginaganito,” saad naman ng binata.

Kanaumagahan ay agad siyang nagtext sa hotline ng LTFRB at MMDA ngunit wala ni isang sumagot ng kanyang reklamo.

“Oh sabi ko naman sayo e, hindi pinapansin ang mga taong kagaya natin. Inireklamo mo sila sa 3 pisong patong na pamasahe at sagutan na lang pruweba? Iisipin lang ng mga iyan na gumagawa ka lang ng kwneto,” saad ni Jeremy sa kaniya.

“E di kung hindi uubra sa text ay i-post natin sa facebook. Pasikatin natin iyan, hindi ako makakapayag na ganito na lang ang mangyayari sa atin. Hindi porke nasa mababang lebel tayo ng antas ay wala na tayong boses para magreklamo,” wika ni Intoy.

Hindi nagpaawat ang binata at pinasikat nga niya ito sa larangan ng facebook. Hanggang sa may nagkomento ng isang video na kuha ng gabing iyon.

“Kita mo na, kinuhanan pala tayo ng ibang tao dahil alam nilang mali iyon!” masayang pahayag ni Intoy.

Hindi nagtagal at agad na nakarating ang kaniyang reklamo at pinatawag ang konduktor at driber nang nasabing bus.

“Mga Hijo, pasensya na talaga kayo nung gabing iyon. Sana mapalampas niyo ito,” sabi konduktor sa kaniya.

“Hindi ho, diba sabi niyo sa akin na marami nang nagsabi na isusumbong kayo pero walang gumagawa? Ibig sabihin lang nun na ilang beses niyo nang ginawa ang pagpapatong ng pamasahe at pananakit ng pasehero,” baling naman ni Intoy dito.

“Maging leksyon ho sa inyo iyan,” dagdag pa ng binata saka siya umalis.

Nasuspende ang driber at kondukto, bukod pa dito’y kilalang-kilala na rin ang dalawa sa social media. Hindi naman masama lagi ang dulot ng makapabang teknolohiya, kaya lamang ay dapat gamitin ito sa tama at kapaki-pakinabang sa lahat.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!


Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!


More Stories

Disclaimer: Ang mga kwento ni Inday Trending ay kathang-isip lamang. Ang mga nabanggit na pangalan, karakter, negosyo, lugar, pangyayari at mga insidente ay maaaring produkto lamang ng imahinasyon ng may-akda. Anumang pagkakapareho sa sinumang nabubuhay o pumanaw na personalidad at aktwal na pangyayari ay nagkataon lamang.

Photos: Ang mga larawang ginamit ay mga stock photos o mga propesyunal na mga larawang binili ng may akda para sa komersyal na layunin. Ang mga ito'y ginamit upang makapagbigay ng mas malinaw na representasyon ng mga karakter at mga pangyayari sa kwento.