Pinilit ng Mister na Pauwiin ang Asawa Kahit na Masama ang Panahon; ‘Di Niya Inasahan ang Kinahinatnan ng Ginawa Niya

Pinilit ng Mister na Pauwiin ang Asawa Kahit na Masama ang Panahon; ‘Di Niya Inasahan ang Kinahinatnan ng Ginawa Niya

HeartbreakingLoveStories

Mahal na mahal ni Eric ang kaniyang asawa na si Grace. Sa labis na pagmamahal niya para rito ay naging napakaseloso niya. Kahit na sila ay kasal na at may anak pa ay binabakuran niya pa rin ang kaniyang asawa. Ayaw niyang nilalapitan ito ng sinumang lalaki maliban na lamang kung dati na nila itong kaibigan o katrabaho.

Kaya naman nang lumipat ng bagong kumpaniya si Grace at napag-alaman ni Eric na lalaki ang boss nito ay halos pahintuin niya na sa trabaho ang kaniyang asawa. Nakumbinsi lamang siya nito na manatili roon dahil kasama naman niya sa trabaho ang kanilang kaibigan na pinagkakatiwalaan niya.

Lumipas ang ilang buwan at kinailangan ni Grace na sumama sa meeting ng boss niya sa Bicol bilang sekretarya nito. Hindi na sana pahihintulutan ni Eric ang kaniyang asawa ngunit napapayag siya nito nang malaman niyang uwian lang din sila sakay ng isang eroplano.

Nang dahil dito ay nakasama si Grace sa meeting ng kaniyang boss sa Bicol. Mabilis lamang ang naging biyahe nila sa eroplano papunta roon at nang matapos ang meeting ay naghahanda na silang lumipad uli pabalik ng Maynila nang biglang nagkaroon ng problema. Kanselado umano ang lahat ng biyaheng panghimpapawid dahil sa paglakas ng bagyo.

Nang malaman ito ng boss ni Grace ay nagdesisyon itong manatili na lamang muna sila roon hanggang sa makabiyahe sila. Nagpahanap din ito sa kaniya ng matutuluyan nila habang naroroon sila na agad naman niyang ginawa.

Hindi naging madali ang paghahanap ni Grace sapagkat marami rin ang naghahanap gaya nila nang dahil sa bagyo. Nang makahanap naman siya ay nagkataong isang kuwarto na lamang ang mayroon. Agad niya itong kinuha para sa boss niya ngunit nahirapan na siyang maghanap ng para sa kaniya. Kaya naman inalok siya nito na doon na lamang din manatili sa kuwartong nakuha niya para rito.

“Dalawa naman ‘yung higaan. You can stay dun sa isang bed. I really don’t mind. Pero I think kailangan mo munang kausapin ‘yung husband mo. Balita ko kasi sobrang seloso niya,” mungkahi ng boss ni Grace sa kaniya.

Nang dahil dun ay agad na tinawagan ni Grace si Eric at ipinaalam ang kanilang sitwasyon.

“Ano?! Magpapalipas ka ng gabi kasama ‘yang boss mo?!” galit na pagtatanong ni Eric.

“Hon, hindi naman ganoon ‘yun. May two separate beds naman don sa room,” depensa ni Grace.

“Gano’n pa rin ‘yon! Nasa iisang kuwarto pa rin kayo!” bulyaw ni Eric.

“Hon, ayaw ko rin naman ng ganito eh. Wala lang akong magawa dahil cancelled nga lahat ng flight,” paliwanag ni Grace.

“Marami pang paraan. Puwede ka namang magbus kung ayaw mo talaga diyan,” ang sabi ni Eric.

“Hon, ang tagal ng biyahe nun. Baka habang nasa bus ako eh umokay na uli ‘yung air flights at mauna pang makauwi sa Maynila ‘yung boss ko,” sambit ni Grace.

“Ang dami mong dahilan! Basta umuwi ka rito kahit na anong mangyari! Kapag hindi ka agad umuwi rito, kalimutan mo na kami ng anak mo!” pagbabanta ni Eric.

Sa takot ni Grace na may gawin si Eric na ikasisira ng kanilang pamilya ay agad siyang nagpaalam sa kaniyang boss. Sumakay siya ng bus pauwi ng Maynila kahit matindi pa ang buhos ng ulan nang dahil sa bagyo.

Ilang oras ang nakalipas, habang inaantay ni Eric si Grace ay naisipan niyang manuod ng balita upang alamin ang sitwasyon ng bagyo. Doon napatunayan na napakalakas nito at nagdulot ito ng matinding pagbabaha at landslides sa maraming lugar. Mayroon ding nabalitang bus na natabunan ng lupa nang dahil dito.

Maya-maya ay nakatanggap ng tawag si Eric mula sa ‘di niya kilalang numero na naghatid ng masamang balita sa kaniya. Ayon sa taong nakausap niya ay kasama ang kaniyang asawa sa bus na natabunan ng lupa nang dahil sa landslide. ‘Di umano kinayanan ng kaniyang asawa at doon na ito binawian ng buhay.

Ikinagulat ni Eric ang balitang ito. Labis ang kaniyang pagsisisi na pilitin ang kaniyang asawa na bumiyahe kahit na hindi maganda ang panahon. Kung nagtiwala lamang siya sa kaniyang asawa at hinayaan itong bumiyahe kung kailan ligtas na ay hindi sana mawawala sa kanila ng kaniyang anak si Grace.

Nang dahil sa pangyayari iyon ay naulila sa ina ang kanilang anak at habang buhay na dinala ni Eric sa kaniyang konsensiya ang nangyari sa kaniyang misis.

More Stories