Ayaw Man ng Babaeng Ito Ngunit Wala Siyang Magawa Sa Pangungutang ng mga Kamag-anak, Paano na ang Negosyo Niya?

“Ate Rita! Pa-order daw si mama nung bag na rattan na nakapost sa FB mo, sa sahod na raw ho ang bayad, saka pasama na rin po ng liptint yung orange ang kulay,” wika ni Brenda, pinsan ng dalaga.

“Sige, pasabi na rin sa mama mo na may utang pa siyang sapatos sa akin ha, baka pwede pasama na rin sa bayad,” sagot naman ni Rita dito sabay bigay sa order ng bata.

Simula noong pumasok sa kolehiyo si Rita ay pagoonline selling na ang kaniyang pinagkakakitaan. Mahirap at nakakapagod ang trabahong ito ngunit talagang tinrabaho ng dalaga para maibawi ang kaniyang naging puhunan.

Mula sa pagpopost ng mga produkto niya sa Facebook at ngayon ay may Shopee account na rin ang dalaga, halos mapudpod na ang kamay niya kakareply sa mga tanong na wala namang kasiguraduhang bibili ang mga ito. Nauubos rin ang oras niya sa pagpunta sa Divisoria, Taytay at Marikina para makuha ang ibang supplies at isang baldeng pasensya naman ang baon niya tuwing pipili siya sa mga padala para sa mga orders na kailangang ideliver.

Hindi na rin naghanap pa ng regular na trabaho si Rita dahil malakas naman ang kinikita niya at may oras pa siyang tingnan ang kaniyang anak, nabuntis siya ng nobyo nung nakapagtapos na sila ng kolehiyo ngunit hindi siya pinanagutan kaya ngayon ay binubuhay niyang mag-isa ang kanyang anak.

“Anak, kamusta naman yung kita mo diyan? Sigurado ka bang hindi ka maghahanap ng regular na trabaho ngayong mag-aaral na yang anak mo? Baka hindi kayanin ng online business mo yung mga darating na gastusin,” wika ni Aling Lolly ang nanay ng dalaga.

“Alam mo ma, malakas naman itong negosyo ko kaso nadadali ako sa mga pinsan at kamag-anak natin, puro utang sila e. Imbis na umiikot agad ang puhunan ko e nagagalaw ko yung tubo at hindi ko na maramdam pa yung kita, hindi ko na nga alam paano pa ba sila sisingilin,” malungkot na sagot ni Rita.

“Ako na ang maniningil sa kanila, akin na yung listahan mo at isasabay ko kapag nagtinda ako bukas ng meryenda,” saad ng ale.

Advertisement

“Naku! Baka uminit na naman ang mga ulo nila sa atin. Sasabihin na na naman nilang malas ang napangasawa ni tatay, hayaan mo na lang mama,” baling naman ng babae.

“E kung hahayaan mo e ‘di lalong masasanay iyang mga ‘yan. Akala mo naman! Ang galing magsi-pagbihis pero puro utang naman!” sigaw ng ale habang kausap ang anak. Sinadya niyang lakasan ang boses para marinig ng mga kapitbahay niyang kamag-anak lang rin naman nila.

Nakatira kasi sila sa lugar ng mister, yumao na ito dahil bumagsak sa bangin ang sinsakyang bus pauwi ng probinsya at walang nakaligtas. Halos lahat ng nakatira sa lugar ay kamag-anak nila kaya wala silang ibang magawa kundi ang maging mabait sa lahat.

Kinaumagahan ay isa-isang kinatok at siningil ni Aling Lolly ang halos labing tatlong kamag-anak ng kanyang asawa na may utang sa negosyo ng anak at ang lahat ng ito ay iisa ang sinabi, “SA SAHOD NA LANG ALING LOLLY!”.

Kaya naman hindi tumigil ang ale sa araw-araw na kakasingil sa mga ito ngunit sa maayos at mahinahon namang paalala. Kaya noong dumating ang kinsenas ay si Rita na mismo ang naningil sa mga ito.

“Aling Chona, maniningil lang ho sana ako ng utang niyo sa mga tinda ko, kailangan ko na ho kasi para maibalik ko na ho sa puhunan,” wika ng dalaga. Si Chona ang may pinakamalaking utang sa dalaga, umabot na ito ng halos anim na libo dahil halos lahat ng paninda ni Rita ay sinubukan niya.

“Oh ito, 500 lang muna, sa susunod naman ang iba. Makapangingil ka naman akala mo naman tatakbuhan ka! Napakamukha niyo talagang pera ng nanay mo. Araw-araw na iyon halos kung magpaalala dito sa amin akala mo niyo naman ay hindi niyo kami kamag-anak,” galit na saad ng ale dahil naistorbo ito sa paggamit ng bago niyang telepono.

Hindi na natiis pa ng dalaga ang pagtitimpi sa ale at sa lahat ng mga kapitbahay na nakatingin nung mga oras na iyon.

Advertisement

“Una po sa lahat, halos anim na libo na ho ang utang niyo sa akin at ngayon pa lang ho kayo nagbayad. Kayo na naman ang may ganang magalit at pupuntiryahin niyo na naman kami ng nanay ko! Para sabihin ko ho sa inyo, magkamag-anak man tayo ay hindi iyon dahilan para hindi niyo ako bayaran sa utang niyo! Kayo ho kaya ang lumagay sa lugar ko?! Hindi ba’t magagalit din ho kayo kapag hindi ako nagbayad at hindi na makaka-ikot pa ang tinda niyo?” saad ni Rita at alam niyang napataas ang boses nya sa ale at inaasahang gulo ang aabutin niya pagtapos ng sagutang ito.

“Aba nga naman, e ‘di nagsalita ka rin. E kung hindi naman kami bibili ng mga tinda mo e ‘di hindi ka pumatok dito sa lugar natin! Pasalamat ka nga’t binibili namin. Kaya ka sumisikat dito sa lugar natin ay dahil din sa amin! Dapat nga magpasalamat ka pa,” matapang na sagot ng ale. Naglabasan na ang ilan sa mga kamag-anak nila at ilang kapitbahay.

“Baka naging mas mabuti pa nga ho kung hindi kayo bumili sa akin dahil mas malaki pa rin ho ang utang niyo kahit pagsama-samahin natin ang mga binili ng mga kapitbahay natin! Negosyo ko itong inaalok ko at hindi ho excuse ang mga kamag-anak dito,” baling ng dalaga.

“Sa susunod, kung hindi niyo naman kayang bayaran wag niyo na lang kuhanin dahil hindi niyo naman alam ang hirap na dinadanas namin para lang kumita tapos kami pa ang masama,” sigaw pang muli ng dalaga saka ito umalis.

Pagkalipas ng tatlong oras ay nagulat siyang dumating ang ibang kamag-anak na may utang sa kaniya at kusa itong nagsipagbayad.

“PASENSIYA KA NA RITA, NAGING ABUSADO KAMI SA PAG-UTANG SA’YO. AKALA KASI NAMIN DAHIL KAMAG-ANAK TAYO AY AYOS LANG, NAKALIMUTAN NAMING NEGOSYO AT KABUHAYAN MO ‘YAN,” wika ng mga tiyahin at pinsan ng babae.

“Rita, ito nga pala 1,500. Pasensya ka na sa sinabi ko ha, hayaan mo magbabayad rin ako ng buo kapag sumahod na ang panganay ko,” wika ni Aling Chona sabay abot ng pera.

“Salamat ho dito at salamat rin na naiintindihan niyo ako,” sagot naman ng dalaga sa tiyahin.

Advertisement

Tila natauhan ang mga kamag-anak niya sa mga sinabi niya kanina sa kaniyang tiyahin.

Ilang buwan lamang ang nakalipas ay naghanap ng permanenteng trabaho si Rita para na rin sa kaniyang anak at sa darating nitong eskwela. Itinuloy pa rin niya ang kaniyang online business ngunit iniiwasan na niya ang magpautang dahil masakit na nga ito sa bulsa, masakit pa sa ulo lalo na kung kamag-anak lang din niya ang magiging problema. Natuto na rin naman siyang tumanggi sa mga nangungutang para na rin sa kapakanan ng kanyang anak.