Inusig ng Konsensya ang Engineer nang Isang Construction Worker ang Nawalan ng Buhay Dahil sa Kagaspangan ng Ugali Niya

Apat na taon na ang nakalipas mula nang maka-graduate sa kursong Engineering si Rafael, dito niya rin nakilala ang misis na isa ring Engineer, si Jallaine. Dahil matalino ang lalaki, kahit hindi pa ganoon katagal sa larangan ay marami nang kumpanya ang kumokontrata para kunin siyang engineer ng building ng negosyo ng mga ito.

Syempre, lumolobo sa salapi ang pitaka ng mag asawa, lalo pa at wala pa naman silang anak. Tig isa sila ng sasakyan at mayroong malaking bahay.

Hindi na rin kailangan pang magtrabaho si Jallaine, dahil sa sweldo pa lamang ni Rafael ay sobra na para sa kanila. Gayunpaman, walang masyadong kasundo ang lalaki pagdating sa mga trabahador. Kung ano’ng giliw niya sa mga businessmen na nakakaharap ay siyang gaspang ng ugali niya sa mga maliliit na manggagawa.

“Engineer, kain na po,” magalang na tawag ng dalawang construction worker na noo’y excited na binubuksan ang kanilang mga baong tanghalian.

Kahit pa narinig ni Rafael iyon ay di siya kumibo, aba, baka makampante ang loob ng mga ito sa kanya. Hindi niya naman gustong maging kaibigan ang mga ito.

Dire-diretso lang siya sa pag iinspeksyon, medyo mainit ang ulo dahil mukhang made-delay ang paggawa sa building, di nila masusunod ang kontrata. Maulan kasi at matagal matuyo ang simento, may back up plan na sya para doon kaya lang ay pumalpak pati ang mga kausap niyang supplier kaya ang sakit ng ulo niya ngayon.

“Nasaan na ba si Emil? bakit iniwang nakatiwangwang ang mga bakal sa taas?” paasik na tanong niya sa foreman ng hinahanap niyang construction worker.

“Medyo masama raw ang timpla engineer, nilalagnat ho kasi iyon at pinilit lang pumasok dahil nga kulang tayo sa tao, pinaupo ko muna sa baba.” sabi naman ng foreman na medyo kinakabahan, alam niya kasing naninigaw ang engineer at ayaw niyang mapahiya.

Advertisement

“Ano ba ito? Charity? Trabaho to ah! Papasok-pasok kayo sa construction tapos ayaw na mahihirapan. Sabihin mo kay Emil trabahuhin niya na ito dahil may hinahabol na deadline!” bulyaw niya.

Napatango nalang ang foreman at bumaba na sa ground floor, kasalukuyan silang nasa 15th floor ng ginagawang building. Makalipas ang ilang minuto ay kasama na nito si Emil, medyo namumutla ang lalaki at halatang nanghihina, pero walang pakialam si Rafael.

“Engineer, pasensya na ho. Nahilo lang ako kanina, pero ayos na ho ako ngayon. Ililinya ko na yung mga bakal sa itaas,” nahihiyang sabi ng worker.

“Kaysa nanghihingi ka ng pasensya dyan sana sinisimulan mo nang gawin ang sinasabi mo, nasasayang ang oras ko dahil sayo. Alam mo bang mahal ang bayad sa oras ko? Tapos maaaksaya lang. Kilos na!” sabi niya, naiiling pa.

Tumalima naman kaagad si Emil, sinundan ito ng isa pang kasama. Napatiim bagang si Rafael, wala talagang kwentang kausap ang mga tao rito. Palibhasa kasi mga walang pinag-aralan.

Nagulantang na lamang ang lahat nang makalipas ang ilang minuto ay may narinig silang pagkalakas-lakas na galabog. Sinundan iyon ng nakakakilabot na sigaw ng isa sa mga construction worker na kasama ni Emil.

“Si Emil!” nanginginig pang sabi nito. Bumigay pala ang tinutungtungan ng lalaki, at dahil may sakit ngayon ay hindi nito nahalatang hindi ganoon katibay ang pundasyon ng kanyang tatapakan..

Nahulog si Emil.

Advertisement

Sinubukan pa nilang dalhin sa ospital ang walang buhay nitong katawan, pero hindi na ito nailigtas pa. Samantalang manhid naman si Rafael, wala siyang maramdaman. Pilit niyang ipinapaliwanag sa sarili na wala siyang kasalanan dahil pinagawa lang naman niya kay Emil ang trabaho nito.

Aba, babayaran naman ng kumpanya ang pamilyang naiwan niya! Malaki-laki na rin ang perang makukuha nila ha, sa isip isip ni Rafael.

Upang magpakitang gilas sa may ari ng kumpanyang nagbabayad sa kanya ay napilitan siyang sumama sa mga ito nang dadalawin na ang burol ni Emil. Halatang mahirap ang buhay ng worker dahil ni hindi na naipasok pa ni Rafael ang kotse niya sa sobrang kipot ng daanan papunta sa bahay nito.

Putik-putik pa ang kalsada at maraming mga hubad na batang naglalaro sa lansangan. Natanaw agad nila kung nasaan ang burol dahil sa tarpaulin ng punerarya, may habong rin ang tapat ng barung-barong kung saan nakatira si Emil.

Inilibot ni Rafael ang kanyang paningin sa paligid.

Huwag kang makukunsensya, nabayaran naman nga sila.. paulit ulit na paalala niya sa sarili.

Tama, nakatanggap ng malaking halaga ang pamilya ni Emil kaya ayos na iyon. Makakahinga na sana siya ng maluwag, nang mapasulyap siya sa ataul ng lalaki.

Sa tabi noon ay may dalawang bata, isang apat na taon at katabi nito ang mas maliit, sa tingin niya ay dalawang taong gulang pa lamang. Tigib ng luha ang mata ng mga ito.

Advertisement

“Papa.. papa gising na ikaw,” inosenteng sabi ng mas malaking bata.

“Pa-pa. kain tayo.. gising ikaw wag na tuyog..” sabi naman ng mas maliit.

Tila tinamaan ng kidlat si Rafael sa nasaksihan dahil biglang tumusok ang katotohanan sa puso niya, na hindi matutumbasan ng pera ang nawala sa mga batang ito.

Tinanggalan nila ng ama ang dalawang bata.

Ano ang masasabi mo sa kwentong ito? Ibahagi sa amin ang inyong sagot sa comments section sa ibaba. Para sa mas maraming updates,i-like lamang ang aming Facebook page.